3 preso, patay dahil umano sa siksikan sa piitan
Tatlong preso ang namatay matapos mawalan ng malay habang nakapiit sa isang holding cell ng Pasay City police.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing dead-on-arrival na sina Edgardo Moreno, Felix Yusores, at Noel Alberto nang madala sila sa ospital.
Ayon kay Superintendent Gene Licud na tagapagsalita ng Pasay police, ipinadala sa crime lab para isailalim sa pathology examination ang ilang tissue sample mula sa mga biktima.
"Later 'pag lumabas na ang result, 'saka natin masasabi kung ano ang dahilan ng kanilang pagkamatay," sabi ng opisyal.
Habang patuloy ang imbestigasyon, kapabayaan ang itinuturong dahilan ng nanay ni Moreno kung bakit namatay ang tatlong preso.
"Pinabayaan nilang magkaganoon," giit ni Maria Lourdes Odtowan. "Tatlo pong namatay doon nu'ng gabi na 'yon. Talaga pong may kapabayaan."
Nakulong si Moreno matapos siyang mahuli sa umano'y pot session noong October 3.
Baghamat aminado si Odtowan na gumagamit ng ilegal na droga ang kanyang anak, napapansin daw niya ang palala nang palala na kundisyon nito tuwing bumibisita siya.
"Noong makita ko po siya... namamaga na 'yung mga paa niya. Marami na siyang mga sugat-sugat," kuwento nito.
Nitong Huwebes raw niya huling makausap niya ang kanyang anak.
Naikuwento daw ni Moreno na sa palikuran nalang siya natutulog dahil sa sobrang sikip ng kanilang selda.
Ilang beses na rin daw sinubukan ng ina na ipalipat ang kanyang anak sa ibang kulungan ngunit walang tumutupad sa kanya.
Isa na raw sa mga tinitignang sanhi ng pagkamatay ang mala-sardinas na sitwasyon ng kanyang selda kung saan pinagkasya ang 83 na preso na para lamang sa 30-katao.
Inilipat na sa iba pang police community precinct (PCP) ang 31 sa mga natitirang 80 na preso.
Nagpalagay na rin daw sila ng additional exhaust fans sa kanilang mga piitan. — Margaret Claire Layug/DVM, GMA News