Filipino ba o Pilipino? Teka, baka naman Tagalog? Ito ang madalas na tanong ng ating mga kababayan tungkol sa ating wikang pambansa. Kung minsan pa nga, nagkakaroon ng debate tungkol dito. Pero ano nga ba talaga kuya? Sa panayam ng GMANews.TV sa isang opisyal ng Komisyon ng Wikang Filipino, lumilitaw na magkakadugtong ang likaw ng bituka ng Tagalog, Pilipino at Filipino. âHindi basta puwedeng palitan ang wikang pambansa na Filipino sa pamamagitan lang ng batas. Kailangan nilang amyendahan ang Konstitusyon dahil nakasaad 'yan doon," paliwanag ni Dra. Candelaria Cui Acas, pinuno ng Language Research at Publication Division ng KWF. Mabilis na itinuwid ni Acas na Filipino, at hindi Tagalog, ang tamang pagtawag sa wikang pambansa na ipinagdiriwang natin tuwing buwan ng Agosto. Binigyan-diin din niya na ang Filipino na paglalarawan sa wika ay dapat magsimula sa âF" dahil ang Pilipino na may âP" ay tumutukoy naman sa tao. Maaari lamang gamitin ang Filipino na pangtukoy sa tao kung ang pagsasalarawan nito ay nakasulat sa Ingles. Mas kilala raw kasi ng mga dayuhan ang pagbaybay sa nasyunalidad ng mga nakatira sa Pilipinas bilang âFilipino" gaya ng nakasaad sa ating mga pasaporte. Hinugot sa Tagalog

Minsan, inihalintulad ng manunulat na si Ariel Dim Borlongan sa isang virus na kagaya ng A(H1N1) ang wikang Filipino. Tulad daw ng virus, nagkakaroon ng ibaât ibang anyo ang wikang pambansa. âBuhay na buhay ang wikang Filipino at nagkakaroon ng mga bagong salita," sambit ni Borlongan, na ilang ulit nang tumanggap ng parangal sa Palanca, na nagtataguyod sa literaturang Pilipino. Mula sa orihinal na salita ng mga nasa Katagalugan na âTagalog," ang wikang Filipino ay nagkaroon na ng bersiyon ng salitang âkanto" at maging ng salitang âbading." âMay diksyunaryo na rin tayo ng gay language na hango sa Filipino," sambit ni Acas. Dagdag pa niya, Tagalog ang tawag noon sa mga Pilipino na nakatira sa bahagi ng Kamaynilaan at gitnang Luzon. Taong 1935 nang iutos ni dating Pangulong Manuel Quezon na bumuo ng isang lupon na mag-aaral na magtatakda kung ano ang dapat kilalanin bilang âisang wika" na mauunawaan ng lahat ng mga Pilipino. Naisip umano ni Quezon na magkaroon ng isang pambansang wika matapos itong dumalo sa isang pulong na dinaluhan ng mga Pilipino mula sa ibaât ibang rehiyon. Dahil may kanya-kanyang âkatutubong wika," naging magulo umano ang talakayan. Kasama sa bilin ni Quezon â kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa â na dapat manggaling sa mga katutubong wika ang mapipiling wikang pambansa na gagamitin sa mga mahahalagang aktibidad katulad sa kalakalan, pamamahala, at iba pa.
Naging Pilipino at Filipino
Pangulong Manuel Quezon Sa bisa ng Batas Komonwelt Blg. 184 na nilagdaan ni Quezon, itinatag ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong Nobyembre 1936 na pinamunuan ni Jaime C. de Veyra. Alinsunod ito sa Konstitusyon ng 1935 na nagtatadhana na ang âKongreso ay gagawa ng hakbang upang linangin at palaganapin ang wikang pambansa sa isang wikang katutubo." Matapos ang pananaliksik, napagdesisyonan na ang salita ng mga Tagalog ang gagamiting wikang pambansa dahil ito ang higit na tanggap at ginagamit ng mga Pilipino kahit sa labas ng Metro Manila at Luzon. Marami ring mga dokumento at libro ang nakasulat sa salita ng mga taga-Katagalugan. Ito rin ang pinakamaunlad na salita na ginagamit sa kabisera o sentro ng pulitika sa Pilipinas. Sa bisa ng Kautusang Pagpapaganap noong 1937, idineklara na Tagalog ang magiging batayan ng wikang pambansa at pagtuturo sa mga eskwelahan. Ngunit pagsapit ng 1959, isang Department Order ang ipinalabas ni dating Education Sec. Jose Romero na nag-aatas na wikang âPilipino" (at hindi Tagalog) ang gagamiting wikang pambansa sa pagtuturo. Sa pinagtibay naman na Saligang Batas noong 1973, kinilala ang paglinang at pagtanggap sa wikang pambansa bilang âFilipino," at hindi na sa baybay na âPilipino." Lalong pinalakas ang pagtanggap sa âFilipino" bilang wikang pambansa nang baguhin ang Konstitusyon noong 1987. Kasama sa bagong Saligang Batas ang kautusan na linangin, payabungin at pagyamanin ang Filipino at iba pang mga katutubong wika. Binago rin nito ang pangalan ng SWP na ginawang Linangan ng mga Wika ng Pilipinas, bago tuluyang naging
Komisyon ng Wikang Filipino noong 1991.
Papaano na ang Ingles? Sa kabila ng tungkulin na pagyamanin ang wikang Filipino at mahigit 200 pa na ibang katutubong salita, tanggap ni Acas na kailangan ng mga Pilipino na maging bihasa sa wikang Ingles. Ngunit hindi siya pabor na isisi sa wikang Filipino ang paghina ng mga kabataang Pinoy sa Ingles. Para sa kanya, ito ay bunga ng mahinang kalidad ng mga nagtuturo - ang mga guro. âGumawa ako ng pagsusuri noon. Sa isang probinsiya, nakita ko ang sistema ng pagtuturo ng guro sa asignatura na dapat gumamit ng wikang Ingles (matematika at agham). Kapag hirap na ang guro sa Ingles, hindi siya nagtuturo sa Filipino. Ang gamit niya native tongue o katutubong wika. Ang resulta, hilaw ang bata sa Filipino, hilaw din sa Ingles," kuwento ni Acas. Iginiit niya na dapat ibalik ang lumang sistema na hayaan ang mga guro na gamitin ang Filipino at katutubong wika sa mga estudyante sa elementarya. Sa mga asignaturang matematika at agham naman, marapat lang umano na wikang Ingles ang gamitin sa pagtuturo sa mas mataas na baytang, ngunit kailangang tiyakin ng gobyerno na dalubhasa rito ang mga guro. âKung mali ang ituturo ng guro, mali ang papasok sa isip ng estudyante, kaya dapat magsimula sa mga guro ang husay sa dayuhang wika," aniya.
Gamitin ang sariling wika Ayon kay Acas, na 40 taon nang nagse-serbisyo sa KWF, responsibilidad ng lahat ng Pilipino na paunlarin ang wikang Filipino. Kabilang umano sa may mahalagang tungkulin dito ang media na siyang epektibong tagapagturo ng wika sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan. Ngunit pinuna niya na kung minsan ay nagkakaroon ng kapabayaan ang media sa tamang pagbaybay, paggamit at maging sa pagbigkas ng wikang Filipino. âNoong mga 2005, isang tabloid na akala namin ay pinakamahusay na pahayagan sa Filipino ang pinasubaybayan ko sa mga estudyante. One year, cover-to-cover tiningnan nila ang mga mali sa bawat pahina," kwento niya. âSa loob ng isang taon, libo-libong mali sa paggamit ng Filipino ang nakita ng mga estudyante. At kahit isang isyu, walang naging hindi mali sa pahayagang iyon," idinagdag ni Acas. Hinikayat din niya ang mga sikat na personalidad sa pulitika, isports at iba pa na gamitin ang wikang Filipino kung dumadalo sa mahahalagang pagtitipon sa ibang bansa upang magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang wikang pambansa. âBakit ka magpipilit na mag-Ingles kung mali-mali naman? Bakit hindi sila mag-Filipino at kumuha sila ng interpreter para kapag nagsalita sila, makikilala na âyan pala ang salita sa Pilipinas," pagdiin ni Acas. Ang pananaw ni Acas ay hindi nalalayo sa payo ng dating opisyal ng KWF na si Ricardo Ma. Nolasco. Sa isang pagtitipon noong 2007, sinipi ni Nolasco ang pahayag ng isa umanong katutubong Amerikano tungkol sa relasyon ng wika at ng buhay: "Aniya, kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon. Pero kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay nang habampanahon." -
GMANews.TV