ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
FULL TEXT

Grace Poe’s speech announcing her presidential bid in 2016




Senator Grace Poe on Wednesday declared that she was running for President in 2016. In her wide-ranging speech, she discussed several key issues as she gears for her presidential bid.

The speech follows in full:


Sa aking ina, sa aking asawa at mga anak. Sa aking mga kaibigan, sa lahat ng kasama natin ngayon, maraming, maraming salamat po sa inyong pagdalo.

Sa UP Alumni Association, maraming maraming salamat po na pinayagan ninyo ang pagtitipon na ito. Tuwing pumupunta ng UP ay talagang magaan ang loob ko sapagkat kahit papaano ako ay produkto rin ng UP school system.

Mga Kababayan

Nung una akong kumatok sa inyong mga puso, ang sabi ko: Gusto kong ipagpatuloy ang mga simulain ni FPJ.

Simple lang ang prinsipyo ng aking ama na siya ring naging dahilan ng kanyang pagtakbo... sinabi niya mismo sa bulwagang ito mahigit 11-taon ang nakalipas: Importante sa isang leader ang katalinuhan pero mas mahalaga ang may tapat na pusong manilbihan upang tulungan ang mahihirap, labanan ang pang-aabuso, at pumanday ng isang lipunang masagana at makatarungan.

Madalas n’yang sabihin sa akin: Gracia, ang kahirapan ay hindi iginuhit sa palad dahil nasa kamay ng tao ang pag-unlad. Pero kailangang may kamay na hihila rin sa kanya para mawala siya sa paghihirap.  Di ba’t yan naman ang sukatan ng magandang pamahalaan at lipunan - Lahat ay aangat, walang maiiwan!

Mayaman po ang ating bansa –  sa likas-yaman, dunong ng mamamayan at  kabayanihan.

Dito itinatag ang unang Republika sa Asya. Ito ang  bayan ni Rizal at Bonifacio.

Bago nabigyan ng boses ang mga kababaihan, ay nag-aklas na si Gabriela Silang.  

May nakabibilib tayong nakaraan na pinaghuhugutan.

Maraming unos ang dumaan sa atin.

Ilang ulit tayong tinamaan ng  kalamidad – pinakamalakas na bagyo –  na parang binubura ang bayang ito sa mapa,  pero nakatayo pa rin tayo.

Kaya gayun na lang ang paghanga ko sa aking kapwa-Pilipino.  

At paano ka nga naman hindi hahanga sa araw-araw na pagpupunyagi ng mga kababayan natin?

Silang mga ordinaryong Pilipino na gising na bago pa tumilaok ang manok: hila ang bag, ang kalabaw papuntang sakahan. Nakikipagsiksikan sa MRT o hinahabol ang bus o jeep, bago pa sumikip ang EDSA o bago pa sumikip ang iba pang lugar sa Pilipinas tulad ng Fuente Osmena Blvd sa Cebu.

Silang mga ginagabi ang uwi: mga naglalamay sa BPO, mga   namamasada sa lungsod, at nangingisda sa laot.  

Silang mga  magulang o anak  na minsan lang nakakapiling ang mga pamilya,  silang  tinitiis ang init ng  disyerto,  ang panganib sa dagat,  ang hapdi ng lungkot - mabigyan lang ng magandang bukas ang kanilang pamilya.

Silang mga manggagawa na kinalyo na ang kamay, kinuba na ang likod sa walang tigil na pagbabanat ng buto.

Silang mga ordinaryong  kawani ng gobyerno, mga guro na ilang bundok ang inaakyat  para lamang puntahan ang estudyanteng naghihintay sa kanila,  mga nars na patuloy na  naglilingkod kahit na double shift pa sila, mga sundalo at pulis na itinataya ang buhay matiyak lang ang kaligtasan at seguridad natin.  

Kayong lahat ang pinaghuhugutan ko ng inspirasyon. Kayo ang nagbibigay sa akin ng lakas na i-alay ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan sa bayan. Naniniwala ako na sa pag-unlad o pagyaman, sabay-sabay dapat! At kung may uunahin man, dapat ang mga mahihirap at nangangailangan.

Isulong natin ang mga adhikain at programa na tunay na inklusibong pag-unlad o inclusive growth, kakayahang makipagtagisan sa larangang pandaigdigan o global competitiveness, at open government o pamahalaan na bukas.  

At ito po ang mga nais kong ipabatid ngayong gabi sa inyo. Layunin at mithiin ko,sa tulong ng bawat isa... sama-sama... ang mga sumusunod:  

1) Sa edukasyon, ayusin ang lahat ng silid-aralan, mag-"digital" na tayo at tapusin ang lahat ng kakulangan o backlog. Palawakin ang ating scholarship program at  pagtibayin ang "study now pay later.” Tulungan din nating makapag-internship ang mga college students para habang nag-aaral may kita na sila at kapag nagtapos ay may experience na.  

2) Payayabungin natin ang sektor ng agrikultura. Tutugunan natin ang hinaing nila sa lupa. Ang irigasyon ay kailangan pa sa kalahating milyong ektarya. Ilarga natin ang mekanisasyon. Kailangan ng epektibong programa para lumaki naman ang kita sa pangingisda, pagtatanim at paghahayupan.

3) Gawin nating prayoridad ang pag-aayos ng ating mga imprastruktura - kalye, tren, airport, seaport at internet man. 'Di ito dapat mabagal katulad ng mga sasakyan dito sa Metro Manila. Sisikapin kong pa-angatin ang taunang budget para sa imprastruktura nang 7% ng ating GDP. Kung 'di kaya ng pribadong sektor, magtulungan tayo para magkaroon tayo government-supported industrialization at IT plan para makalikha ng industriya. Pag dumadami ang "Made in the Philippines," mas marami ang trabaho dito. Pero gawin natin ito habang pinangangalagaan ang kalikasan.

4) Walang iisang tao o grupo na may monopolya sa tuwid na daan. Malaki at malayo na  ang nagawa ni Pangulong Aquino kaugnay sa pagpapanagot sa mga tiwali, at ako ay personal na nagpapasalamat sa kanya sapagkat nanumbalik muli ang kumpyansa natin sa isang lider na tapat. Dapat lang na ituloy at pa-igtingin ang pagsugpo sa korapsyon. Papanagutin ko ang tiwali, kaibigan man o kaaway, subalit 'di lamang isang tao o partido ang dapat nagsusulong nito, kundi ang bawat isang Pilipino. Para higit na palakasin ang transparency sa gobyerno, isabatas natin ang FOI, Freedom of Information, sa lalong madaling panahon.  Yan ang armas natin sa korapsyon.

5) Isa na tayo sa may pinaka-mataas na buwis sa buong mundo. Sisikapin natin na mapababa ito. Mas alam ng tao kung ano ang kailangan nila at may karapatan kayong gagastusin ang inyong sweldo.  Subalit kung ibababa ang buwis, kailangang suklian natin ng tamang pagbabayad nito. Ito naman ang igagarantya ko sa inyo: Lahat ng buwis na inyong ibabayad ay ibabalik sa inyo sa pamamagitan ng agaran at dekalidad na serbisyo.

6) Dapat pag-tuunan natin ng pansin kung sapat pa ba ang sweldo at benepisyo ng bawat manggagawa at lingkod-bayan. Mahirap magtrabaho at manilbihan habang nagugutom ang iyong pamilya. Dapat lang na bigyan sila ng marangal at ligal na pagkakakitaan.  

7) Malaking porsyento ng budget ng bawat pamilya ay napupunta sa pambayad sa kuryente. Hahanap po tayo ng paraan para naman maging makatarungan at pababain kahit na kaunti ang presyo ng kuryente.Sa maraming parte sa Mindanao, madalas ang brownout. Sisiguraduhin po natin na magiging sapat ang kuryente para sa lumalagong ekonomiya. Paunlarin natin, kasabay nito, ang renewable energy.

8) Aalagaan natin at pahahalagahan ang ating mga OFW. Bigyan ng maayos na ligal na suporta sa ibang bansa kung saan marami sa kanila ang nakapiit. Bawasan ang mga fees at red tape para lamang maayos nila ang kanilang mga papeles.

9) Bilang isang Nanay, nababahala ako sa tindi ng krimen at droga. Katulad nang lahat ng nanay, hindi ako makatulog hangga’t hindi nakakauwi sa bahay ang aking mga anak. Kaya para sa akin, ang pagdurog sa krimen at droga ay hindi lang trabaho, ito ay personal na krusada. Siguraduhin na ang mga pulis ay may disiplina at kakayahan para isang tawag ay nandyan na sila, at hindi lang isusulat ang krimen kundi huhulihin ang kriminal. Isama na natin ang mga barangay, dahil sila rin ay makakatulong na magbigay ng tip sa ating mga kapulisan.

10) Patuloy nating isusulong ang usaping pangkapayapaan sa lahat ng lumalaban sa gobyerno. Dapat nang tigilan ang pagpatay ng Pilipino sa kapwa niya Pilipino upang marating natin ang tunay na kaunlaran sa bawat sulok ng bansa. Sa mga kapatid nating Muslim, naging inspirasyon kayo sa maraming pelikula ni FPJ, ang inyong kultura at kagitingan. Panahon na para mabigyan kayo ng patas na pagkakataon at tunay na tulong.

11) I-respeto natin ang karapatang pantao ng lahat. Hindi tayo magiging bulag sa kalagayan ng lahat ng vulnerable sectors, kasama na ang may kapansanan, mga indigenous peoples, mga maralitang taga-lungsod, mga kababaihan, kabataan, mga bata, mga foundling, mga LGBT at senior citizens. Maraming salamat sa ating komunidad ng LGBT dito sa UP. Sa mga senior citizens, hindi ko kayo malilimutan. Ang nanay ko mismo ay dumadaing na habang nagkaka-edad dapat mas maramdaman ang pagkalinga ng gobyerno. Dahil may karapatan kayong gumaling.

12) Ang kalusugan ng bawat isa ay mahalaga. Dapat hindi mabangkarote ang pamilya o mamili kung kakain ba o ibibili ng gamot para sa kanilang may sakit na mahal sa buhay. Dapat may pinalaking benepisyo ang PhilHealth na masasandalan. Sisiguraduhin ko na ang bawat komunidad ay may ospital na may sapat na doctor, nars, midwife, gamot at kagamitan.

13) Atin ang West Philippine Sea, at dapat lang na 'wag nating bitiwan o pabayaan gamit ang mapayapang paraan at ayon sa batas. Alinsunod dito, palakasin din natin ang ating Coast Guard at Sandatahang Lakas para hindi tayo kinakaya-kaya ng ibang bansa na ganon na lang. Gawin natin ito para sa ating kalikasan, gawin natin ito para sa ating mga mangingisda na umaasa sa kanilang buhay doon sa West Philippine Sea.

14) OA na ang trapik! Sa airport man o sa kalsada, inuubos nito hindi lamang ang oras natin, kundi pati ang pasensya. Inaagaw nito ang panahon na sana ay para sa trabaho o makapiling natin ang ating mahal sa buhay.  

15) Dapat gawin ang mga sumusunod at marami pang iba: Dagdag na kalsada at tren hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga parte ng Pilipinas na nangangailangan nito. Marami na tayong city center sa buong panig ng Pilipinas. Siguraduhin na ang batayan ng pagpili ng contractor na magtatayo ng tren ay may tunay na kakayahan at track record para naman masiguro natin ang pangmatagalan na maintenance at warranty nito. Masyado na tayong nasunog sa mga pipitsuging kumpanya na nabibigyan ng kontrata. Dapat tanggalin na natin ang lahat ng colorum at illegal parking sa kalsada. At para sa mga industriya at opisina na pwede at hindi naman frontline services, dapat magkaroon tayo ng staggered office hours. At kung may binubungkal man sa kalye, dapat ay huwag iwanang nakatiwangwang. Tanggalin ang mga contractor na nagbabagal-bagalan.

16) Ang internet -- para sa mga bata -- ang internet ay para ring highway. Daluyan ng impormasyon.  Dapat mabilis ito. Maraming trabaho ang magiging produktibo pag mabilis ang internet. Kahit nasa bahay ka lang pwede kang magtayo ng negosy, pwede kang makipagpaligsahan sa kahit na sino sa buong daigdig. Internet kailangan mabilis. Mas mabilis na matatapos ng mga bata ang kanilang homework, at mas madali nating makakausap ang ating mahal sa buhay na OFW na hindi slow motion at walang Skype delay. Sa internet ayaw natin ng forever bago maka-konekta.

17) Sa larangan ng sining at palakasan, dapat malaki din ang suporta ng ating pamahalaan. Kilala tayong malikhain na kultura. Meron tayong mga visual artists, writers, performers at iba pa na kilala sa ibang bansa. Ngunit hindi natin binibigyan ng tamang halaga at tulong ang sektor na ito. Kahit na binibigyan nila tayo ng karangalan, ano ang ating isinusukli? Sa palakasan naman, ang ating mga atleta ay kawawa din. Siguro naman hindi masamang mangarap na dapat isuko ang pangarap na magkaroon tayo ng ginto sa Olympics.

18) Huwag natin kalimutan na realidad ang climate change. Hindi ito issue ng mayaman lang. Ang mga mahihirap ang unang tinatamaan nito. Sila ang unang binabaha at nawawalan ng tirahan. Dapat ay magkaroon na tayo ng hiwalay na Emergency Management Department na tututok sa national preparedness, climate change at geo-mapping.

19) Ang turismo ay isang sector din na dapat tutukan. Kung malago ang turismo, mas makakalikha ito ng dagdag na pagkakakitaan para sa ating mga kababayan kahit saang liblib na lugar. Likas na maganda ang tanawin dito sa ating bansa, pero ang turismo ay di sisigla kung hindi natin aayusin ang imprastruktura at dadagdagan ang ating mga paliparan.

20) Yaman ng ating bansa ang ating mga anak. Sila ang kasalukuyan natin at ang ating kinabukasan natin. Pero wala silang laban kung hindi man lang sila napapakain ng tama. Marami pa rin ang nagugutom sa ating bayan. Napapanahon na magkaroon ng Standard Lunch Program sa mga pampublikong paaralan. At para naman sa ating Conditional Cash Transfer Program, pwede pa rin nating palawakin ito at gawing mas mabisa. At kasama nito ay dapat merong katumbas na magtutulong din sa kanila na magkaroon ng kabuhayan para maka-adjust sila. Pero kailangan ay isama natin ito sa programa, tulungan ang pinakamahihirap nating kababayan.

Kulang po ang aking panahon ngayon upang ilahad ang kabuuan ng aking mga mithiin at adhikain. Sa mga susunod na araw, ihahain ko po ang  isang komprehensibong programa na naka-sentro sa simpleng prinsipyo at paniniwala: walang maiiwang Pilipino at walang maiiwang lugar sa Pilipinas. Sabay-sabay tayong aangat at sama-sama tayong uunlad!  

Noong tumakbo ang tatay ko, minaliit sya at sinabi na wala syang karanasan at hindi sya Pilipino. Ngunit buong tapang nyang hinarap ang hamon at di nya inurungan ang pagkakataon na tumulong na mapabuti ang buhay ng kapwa Pilipino.

Ang kanyang katapatan, tapang at kabaitan ay naging inspirasyon at gabay sa akin. Ang nanay ko naman,sinabi nya: “Anak, sa lahat ng ingay ng pulitika, huwag mo walain ang iyong sarili.”

Ang aking buhay ay isang bukas na aklat.

Sino ang mag-aakala na ang isang sanggol na natagpuan ay makatutuntong sa Senado. Salamat sa pagkakataon at tiwalang ibinigay ninyo sa akin.

Huwag nyong kalilimutan. Magaling ang Pilipino. Mapagmahal, malikhain at marunong gumawa ng paraan.

Kaya nating marating ang ating mga mithiin para sa bayan kung magsisipag, magmamatyag at sisiguraduhin na may tapat na gagabay sa atin.

Dapat sama-sama tayo. Hindi kaya ng iisang tao.

Ang nangangako niyan ay nagsisinungaling na.

Sa ating lahat nakasalalay ang magiging kwento ng Pilipinas sa darating na panahon.

Sana po ay samahan ninyo ako sa pagpapanday ng maganda at makabuluhang hinaharap ng ating inang bayang Pilipinas.

Ako po si Grace Poe. Pilipino.  Anak, asawa at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo.