ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
FULL TEXT
Chiz Escudero’s speech declaring his vice presidential bid in 2016
Sen. Francis Escudero on Thursday was proclaimed as the running mate of Sen. Grace Poe in the May 2016 elections. Below is the full speech of Escudero in declaring his intention to seek the vice presidency in next year's polls.
Maraming salamat Sen. Grace.
Sa aking asawa at pamilya; kay Ninang Susan; sa aking biyenan; sa mga kaibigan at kapanalig na naririto ngayon; sa mga kapwa kong Bicolano na magdiriwang ng Penafrancia; sa ating mga kababayan, isa pong maganda at pinagpalang umaga sa inyong lahat! Dios marhay na aga sa indo gabos!
Minsan ko na pong sinabi na susuporta lamang ako sa anumang magiging pasya ni Senator Grace kaugnay ng papel na gagampanan niya, kung meron man, sa darating na halalan sa 2016. Bilang kandidato o ordinaryong taga-suporta, nakahanda ako na umantabay sa kanya tulad ng ginawa ko noon para kay FPJ mahigit 11 taon na ang nakakalipas.
Sa totoo lang, kuntento na ako sa kasalukuyang kinakalagyan ng aking buhay... simple, marangal, masaya at mapayapang buhay lang naman ang hangad ko para sa aking sarili at mahal na pamilya.
Sa kabila nito, may nakapag-sabi pa din na: "Sino ba yang Chiz Escudero na napaka-bata pa at naka-tira lamang naman sa isang townhouse sa Quezon City eh ganun na lamang kung mangarap at mag-ambisyon?!"
Marahil po ay tama siya sa isang banda dahil Escudero lamang naman po ang aking pangalan at di kasing bantog ng ibang mga pangalan tulad ng Quezon, Roxas o Osmeña na naging pangulo, bayani o mayamang pilantropo. Ang pagka-senador na po ang pinaka-mataas na halal na pwesto na narating ng aking apelyido na ni hindi ko po inakala na mararating ko.
Subalit, hindi po ako sang-ayon sa sinabi niyang wala akong karapatan mangarap o magkaroon ng ambisyon lalo na kung ang pangarap at ambisyon ay di pansarili kundi para sa ating bansa at sa ating mga kababayan.
Naniniwala po ako na ang bawat Pilipino - mayaman o mahirap, bata o matanda, babae o lalaki, nakapagtapos o hindi, may hitsura o wala, bantog man ang pangalan o hindi, nakatira sa Makati o sa probinsya - ay may kakayahan, kapasidad at karapatan na i-alay ang kanyang sarili para sa paninilbihan sa bayan- dahil wala pong iisang tao o apelyido ang may prankisa o monopoliya na bukod tanging magtataglay ng lahat ng talento, talino, galing at magandang intensyon para sa ating bansa.
Ito po ang dahilan kung bakit tinatanggap ko, ng may buong tapang at pagpapa-kumbaba ang hamon ni Senator Grace na maging katuwang niya sa landas niyang tatahakin bilang kanyang ikalawang pangulo.
Ito po ay tinatanggap ko dahil buo ang tiwala at paniniwala ko sa mga katangian at kakayahan ni Senator Grace. Tulad ng kanyang ama na si FPJ, nasa tamang lugar ang puso ni Senator Poe. Naniniwala po ako na, bilang pangulo, si Senator Grace Poe o “GP” ay magtatatag ng isang “GP” o Gobyernong may Puso.
- Gobyernong may Puso para sa mahihirap, nangangailangan;
- Gobyernong may Puso para sa magsasaka, mangingisda at manggagawa kabilang ang mga OFW's.
- Gobyernong may Puso para sa may kapansanan, sa mas nakatatanda at sa kabataan, kabilang ang mga sanggol sa sinapupunan.
- Gobyernong may Puso para sa mga lingkod bayan, teacher, pulis, sundalo o ordinaryong kawani man.
- Gobyernong may Puso para ipagtanggol ang karapatan ng naaapi laban sa tiwali, kriminal at mapang-abuso.
- Gobyernong may puso para maghanap ng mga pamamaraan kung paano mapababa ang presyo ng kuryente, bilihin at buwis na ating binabayaran.
- Gobyernong may Puso para pangalagaan ang ating kapaligiran at dinggin ang hinaing inang kalikasan
- At gobyernong may Puso para tiyakin na sa pag-unlad ng bayan at bansa natin dapat walang maiiwan.
Sa pagyaman o pag-asenso, sa eduksayon o pagkakataon, sa seguridad o kapayapaan, sa kalayaan at kalusugan, walang dapat maiwan na Pilipino o sulok ng Pilipinas.
Hindi na pwede na pinuproblema natin sa kamaynilaan ang trapik papunta sa trabaho o eskwelahan habang kulang o walang trabaho at paaralan sa kanayunan; Hindi na pwede na nagrereklamo tayo sa lubak-lubak at binabahang kalye sa Metro Manila habang walang kalsada sa Cordillera o tubig sa Tawi-Tawi. Dapat sama-sama, dapat sabay-sabay at kung may uunahin man, ika nga ni Senator Grace, dapat yung matagal nang napabayaan at mas nangangailangan.
Ipagtitibay po namin ni Senator Grace ang isang gobyernong may puso sa pamamagitan ng isang detalyadong plataporma para sa kada ahensya ng pamahalaan gamit ang taunang budget bilang balangkas.
Ang susunod na pangulo po kasi ay maghihirang at magtatalaga ng mahigit 5,000 tao sa gobyerno na pupuno sa mahigit kumulang 500 ahensya ng pamahalaan at siya ay gagastos ng mahigit 18 trilyong piso sa loob ng anim na taon.
Ito lamang ang paraan upang agarang matugunan ang mga pangunahing problema ng kada sektor at bawat sulok ng bansa simula sa unang araw pa lamang ng kanyang termino. Hindi pwede ang teka-teka o analysis paralysis sa pamamahala ng bansa. We should hit the ground running from the first day until the last. We cannot afford to do otherwise.
Samantala, kasabay ng pagpasa ng FOI at pag-gamit ng kamay na bakal laban sa tiwali, amin ding ipagtitibay ang pag-sugpo sa katiwalian sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng pagpa-pasya sa pamahalaan gamit ang simpleng prinsipyo - discretion equals corruption. minimize discretion and we will be able to minimize corruption; eliminate it and we will be able to eliminate corruption.
Hindi namin ito kakayanin ni Senator Grace ng kami lamang. Kailangan po namin ang tulong ng bawat isa sa inyo… ng bawat Pilipino!
Ito po ang dahilan kung bakit sa aming pag-alay sa aming mga sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang pangulo at ikalawang-pangulo ay mananatili kaming independent o walang partido. Naniniwala po kami na ang sinumang tumatakbo o maninilbihan bilang pangulo o ikalawang-pangulo, hindi dapat miyembro ng iisang partido (LP, NPC, NUP, NP, UNA o ano pa man). Ang dapat na partido ay Pilipinas! At di lamang liberal, nacionalista o sino pa mang kapartido ang hahanapin o kakausapin kundi lahat ng Pilipino!
Pilipinas ang aming partido at mga Pilipino ang aming kapartido!
Pagtutulungan at pagkakaisa ang aming layunin at ito lamang po ang paraan upang pantay naming mapag-silbihan at pakinggan ang bawat Pilipino binoto man kami o hindi, gusto man kami o ayaw.
Ang libro ng kasaysayan ng Pilipinas ay malayo pang tuldukan. Subalit, sa totoo lang, kailangan bang ang bawat pangugusap sa kwento ng ating bayan ay palagi na lamang tinatapos ng isang tuldok o period?
Para sa akin, ang bawat pangungusap ng ating kasaysayan ay dapat magwakas hindi sa lamang tuldok, kundi sa isang takdang padamdam o exclamation mark. Sa panahon kasi ngayon, hindi na pwede ang pwede na! Kung talagang ayaw nating mapag-iwanan, bawal na dapat ang tamad! Bawal na dapat ang mabagal sa pamahalaan!
Dapat itaas na natin ang antas ng paninilbihan sa gobyerno! Sama-sama at tulong-tulong nating pandayin ang pinapangarap at inaambisyon nating bansa na maunlad, maayos, malinis at masaya kung saan nananaig ang hustisya at ganap na kapayapaan! Isang bansa kung saan pantay ang pag-trato sa bawat Pilipino at kung saan wala tayong maiiwan at wala tayong iiwanan.
Ako po si Chiz Escudero, isang Pilipino, anak, asawa, ama at bicolanong lingkod bayan. Buong pagpapakumbaba ko pong inaalay sa tulong ng mahal na Diyos at ni Ina ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong ikalawang pangulo… bilang ikalawang-pangulo ng ating bansa.
Sa muli, magandang umaga, maraming maraming salamat po at mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Salamatunon asin Dios mabalos!
More Videos
Most Popular