ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PAO, kinumpirmang bangkay ni Michael Angelo Remecio ang natagpuan sa Bulacan


Gumaan daw ang loob ng ama ng 16-anyos na si Michael Angelo Remecio nang kumpirmahin ng Public Attorney's Office (PAO) na positibong sa binatilyo nga ang bangkay na natagpuan sa isang bakanteng lote sa Bulacan nitong Miyerkules.

Isinagawa ang forensic analysis sa natagpuang bangkay nitong Biyernes ng gabi.

Madaling araw naman nitong Sabado nang maibalik ang bangkay ni Michael sa kanilang tahanan sa Bagong Silang, Caloocan City.

Kwento ng ama niyang si Dionisio Remecio, isang mabait at palakaibigang bata si Michael, pero hindi nga lang daw sila madalas makapag-usap ng anak dahil sa kanyang trabaho.

Ayon pa sa kanyang ama, lumipat daw ng eskwelahan si Michael dahil binu-bully raw ito at pinupwersa raw siya na sumali sa fraternity.

Nang lumipat ng paaralan si Michael, ayaw pa rin niyang pumasok dahil mga barumbado raw ang kanyang mga kamag-aral.

Sa halip na pumasok, tumigil na lang daw sa pag-aaral si Michael.

Saad ng nagpakilalang nobya ni Michael, huli niya raw na naka-chat ang binatilyo noong Agosto 28.

Binilin daw ni Michael sa kanya na alagaan ang kanyang sarili, na tila nagpapahiwatig daw ito na parang mawawala siya.

Ayon naman sa isa pang nagpakilalang nobya rin ni Michael, wala daw naikukuwento ang binatilyo sa kanya na nakaaway nito.

Sinabi niyang magaling daw makisama sa mga kaibigan si Michael at kasundo niya ang lahat.

Panawagan ng pamilya ni Michael na makamit ng kanilang anak ang hustisya.

Sa Linggo, nakatakdang ilibing si Michael, alas-siyete ng umaga sa Tala Cemetery Caloocan.

Sinabi ng purok leader ng barangay na may hawak daw silang CCTV kung saan nakitang nakasakay si Michael sa tricycle, ngunit hihintayin pa raw ang go signal ng kapitan para maipakita ito sa media. — Jamil Santos/MDM, GMA News