PWD na nakaipon ng P38,000, tinulungan ng netizens mapapalit ang lumang pera
Nasorpresa na lang ang pamilya ni Raymund Habal, isang person with disability (PWD,) nang ipagtapat sa kanila na bago magpalit ang taon ay may naipon pala siyang P38,000.
Ikinalungkot naman ng pamilya na ang perang idinatok ni Raymond sa garapon at itinago sa basura mula 2006 ay mga lumang disenyo pa pala at wala nang halaga.
Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, nakaipon si Raymond sa pagkayod ng buko, paggawa ng minatamis, pagaalaga ng baboy, at paniningil sa mga kapitbahay na nangungutang sa binabantayan niyang sari-sari store sa Sorsogon.
Walang nakaalam hanggang kapusin ang pamilya sa ipinapagawa nilang bahay at gusto sanag tumulong ni Raymond.
Ayon sa kanyang tiyahin, dinala nila ang P38,000 na lumang pera sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Legazpi, Albay at sa Metro Manila pero hindi nila napapalit.
"Binolunteer niya na may naipon siya. Kaya nagulat 'yung nanay niya at saka 'yung kapatid niya may perang natatago," kuwento ni Elizabeth Habal.
"Pumunta mismo sila sa BSP sa Legaspi. Doon nila nalaman, hindi na daw po nila puwedeng palitan dahil nagbigay na nga ng notice noong bago mag-2018. Kumbaga expired na po 'yung pera," dagdag niya.
Paliwanag ng BSP, ipinaalam daw nilang ng mabuti sa publiko sa lahat ng uri ng komunikasyon ang ang pagpapalit ng disenyo ng pera.
Tatlong beses na rin daw silang nag-extend ng deadline para sa pagpapapalit.
"Public money 'yung ipapalit ng Bangko Sentral diyan. At hindi kami maaring gumamit ng pera na pinagbabawal nang palitan kaya 'di kami maaaring gumawa ng ganoon...nauunawaan natin 'yung ganitong kaligayahan pero nakatali ang aming kamay," ani BSP Governor Diwa Gunigundo.
Naisipan ng pamilya na humingi na lang ng tulong sa social media.
Sa tulong ng ilang nangongolekta ng lumang pera, nabili na ang P31,000 na inipon ni Raymond.
"Na-appreciate ko po mula no'ng ipinost ko po ito is 'yung paano nila nakita kung ano 'yung hardship na naramdaman nung tao," sabi ni Sheila Saavedra, nobya ng pinsan ni Raymond. "Yung pera na 'to, BSP rin po 'yung naglabas kaya sana mabigyan pansin nila kahit 'yung ganitong special na tao man lang."
"'Yung kailangan niyang bilhin, hindi nila binibili," dagdag ng kanyang tiyahin.
Labis naman ang ngiti ni Raymond nang magbigay ito ng mensahe: "Salamat sa nagpalit ng lumang pera." — Margaret Claire Layug/DVM, GMA News