ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Anak ng
By Abet Umil
(kay Pinay) Dahil okasyon nitong Linggo ng mga erpat, sumuway at lumaya tayo sa pamamagitan ng usapan tungkol sa kwento ng isang anak. Nangunguyakoy habang nakaupo siyang angat-ang-paa sa metal na kural ng motor ng tubig ng isang kapitbahay. Tumutugtog ng gitara. Hindi pamilyar ang Pinoy na liriks ng kanta. Pero gusto kong alamin. Pinatid ko ang masid sa kanya. Mula sa pinto, lumapit ako para magtanong kay misis na nagsisipilyo. Wrong timing⦠Pero pagbuga niya ng toothpaste sa lababo, pa-wars-wers niyang naikwento mula elementary, â mumog â hanggang high school at â mumog â pagsulpot ulit dito sa looban ng mamang naggigitara. Nagpaalam ako para lumabas. Pinuntahan ko ang umpukan at tumabi sa mga nakikinig. Ipinakilala ako sa kanya. Pag-alis at pagdaan ng iba pa, nagpapatak sila ng kantyaw na, âinuman na!â Hilera-dikitdikit-kumpulan ng labing walong kabahayan ang looban na âto. May poso rin na para sa lahat ang tubig. Nasa gilid ito ng pinakaplasa. Ang kabila ay tinirikan ng half court ng basketball. Ibaiba ang sukat ng pinag-ambagan na tablang board. Galing ibaibang probinsya ang mga residente rito. âSariling likha ko lang.â Sagot ng mama nang tanungin ko kung sino ang kompositor ng mga kinanta niya. Naputol ang jamming paglipat namin sa isang subdibisyon. Lakad lang ang pagitan pero simbilis ng takbo ang sanggang-dikit ng barkadahan. Dumalang ang jamming pero dumalas ang balitaan nang maging yaya ng bunso namin ang ina ng mama. Nag-pipefitter daw ang gitarista sa isang kompanya. Nagkatyempuhan kami minsan sa bahay pagdalaw niya. Ikwinento ang buhay-pipefitter bilang tauhan ng isang kontratista. Kung paano nadi-delay ang pasahod. Kung paano niya pinalilipas ang isang linggo sa barracks ng construction site. Kung paano niya ibinubuhos ang angas sa pamamagitan ng wantu-sawang paghagis ng mga bato sa pader, sa poste. Sa anomang bagay na puntirya ng ngitngit niya kapag nag-iisa. Halata sa balikat ang imbalanse na sanhi ng gin pag tayo niya. Ang pamumula ng mata ay nasundot ng dubi. Wala sa hulog ang mga hakbang papuntang CR. Pumasok siya ng isang hakbang sa pinto. Narinig ko ang lagaslas sa basagbasag na marmol na flooring. Sigurado akong hindi âyon galing sa gripo. Umalingasaw ang wiwi sa tres por otso metro kwadradong puwang ng tahanan namin kasabay ng pagbalik niya sa upuan. Ako naman ang tumayo para buhusan ang flooring ng CR. Napansin ko na lango na siya. Lumungayngay ang ulo hanggang isubsob ang mukha sa kanang braso niya na ipinatong sa mesa. Parang collectorâs item na mantel na nasunog ng upos na sigarilyo ang loob ko. Naigiit ng katinuan kong saka na siya pagsabihan kapag pareho na kaming walang bakas ng alcohol at delta-9-tetrahydrocannabinol sa sirkulasyon at wiwi. Dumalas ang inuman namin. Ipinakilala ko siya sa mga kaibigang artist, musikero, manunulat at filmmaker na lingguhang nagkikitakita. Nangilala. Pangitingiti. Patangutango. Hanggang nasabayan niya na ang ritmo ng mga diskusyon. Mula sa looban, umabot at dumalas pa ang inuman namin sa Gulod, Hardin ng Rosas, Krus na Ligas. Sa isang pagkakataon bago kami bumiyahe papunta sa lingguhang kitakits, nagsabi siyang, âmagpapa-workshop ako.â Namangha ako sa lawak ng ibig sabihin. At nagtanong ng mas espisipiko para matukoy ang punto. Magpapabasa raw siya ng tula/liriks sa grupo. At ang grupo naman ay isaisang humanga sa positive points, nag-comment at nag-suggest ng mga remedyo sa negative points ng mga tula/liriks niya. Nanalo ng third at first prize ang mga kanta niya sa isang national contest para sa advocacy ng buhay, pag-big, pakikibaka, hangarin ng mga mangingisda at magsasaka. Kinuha siyang gitarista sa banda ng isang kaibigan. Sa isa sa mga bonding ng banda nila, nakarating sila sa bahay ng isang kaibigang professor sa isang State U at kilalang nobelista sa lenggwaheng Filipino. Nang magkita kami ni prof, itinanong sa âkin kung saang lupalop galing si Mamang Gitarista. âBakit?â Sagot ko. Isinalaysay ni prof na nakapwesto ang tagayan nila sa sala. Ikinatutuwa nila ang pagyabong ng talento ng mama. Pero ikinaalibadbad ang pag-ihi nito sa mga halamang pinalago sa isang pundasyon ng pader na dingding ng kabahayan. Malapit pa naman daw sa main door. Hinayaan mang mailahad ang negatibong pakiramdam, obserbasyon lang daw âyon. Nakapagpapakumbaba ang pagkamaunawain at hinahon ni prof. Gumawa ako ng okasyon para makapag-usap kami ni Mamang Gitarista. Isang Linggo ng umaga, inihanda ko ang mga bagong tapes ng paboritong mga musiko, pati ang acoustic guitar kong kumbinasyon ng itim at pula ang kulay. Gaya ng dati, gin. Tirang ulam na pupulutanin. At dala niyang binilot. Dominante ang hilatsa ng mukha ni yaya na humahawig sa itsura ng anak. Parehong maputi ang kutis nila. Mestisuhing halo galing sa dugo ng tatlong nasyunalidad ng mga mananakop na gumahasa sa bansa? O, sa mga Tsinong nakikipagkalakalan na sa malayang ninuno bago pa dumating ang mga Kastila? Pareho silang alunalon ang buhok. Singkit. Pero hindi nagkakalayo ang bagsak ng mga eyebag nila. Kung gaano karaming pambihis-kaluluwa ang laman, silang mag-ina lang ang nakaaalam. Isa, dalawa, tatlong tagay⦠apat, lima, anim na hitit, bago tuluyang lumungayngay ulit ang ulo at bago sumubsob ulit ang mukha niya sa braso. Naging makulay ang mga bahagi ng nakaraang karanasan na isinalaysay niya. Naumid ang balak kong pagkumpronta. Nasa ikalawang taon na raw siya ng kursong Pilosopiya pag layas niya sa poder ni Papa Dong. Mula Cotabato City, pinutol ang sustento sa kanya. Nag-monghe siya sa kung anong sekta ng mga Buddhista sa Cebu. Matagal nang sagad ang pagkabanat ng kinikimkim niyang pangyayari na biktima ng gahasa ang sariling ina. Nangyari raw âyon noong cook at dalaga pa si yaya sa patriyarkiya ni Papa Dong, Constitutional Convention delegate noong panahon ng diktador. At pamangkin ng delegado ang manggagahasa. Nagbuntis daw noon si yaya. Nang usisain ko kung ano ang nangyari sa bata, âako âyon!â Sabi niya. Hindi ko na matandaan kung ano ang naging reaksyon ko sa ganoong uri ng pagbibihis-kaluluwa. Wala akong ideya kung sa eyebag niya isinalansan ang hinubad. Hindi ko alam kung paâno hawakan ang pribilehiyong naglalahad ng puri!? Pinagnilayan ko ang ipinagkatiwalang dangal. Ano ba naman ang dalahin ng indibidwal na biktima ng rape ang ina? At malaman na ang rapist ay sariling ama. Paano maaatim ang sariling iniluwal ng pagbubuno at pagyurak ng kapangyarihang sekswal? May sariling logging concession na raw sa Mindanao ang huling balita sa rapist. Kalikasan naman ang ginagahasa. O, sa barbarikong kalikasan kaya namihasa? Nang masabi ko ang malasakit ni prof tungkol sa pag-ihi niya, nagpaumanhin at ganito ang tono ng kanyang pahabol, âkaya kong mailugar âyan.â Saka siya pumasok sa CR habang sinasabi na malalampasan niya raw ang kategoryang anak ng letse, anak ng tupa, anak ng tipaklong, anak ng kagang, anak ng kambing o anak ng tae⦠At nasagap ng tenga ko ang hygienic na lagaslas. Ang bunso namin ay labingwalong taon na sa Hulyo. May sariling lenggwahe na ng komunikasyon at marunong pang sumuway sa pausong MTV-japorms. Nagpapasalamat kami, na, bukod sa colostrum ng sariling ina, naihele rin siya ng punô-ng-giting-na-bisig ni yaya. Kahit pa walang kinagisnang ama ang nagturo sa kanya kung paâno mag-eskala sa gitara.
More Videos
Most Popular