ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Huling paligo ng lalaking mangingimbulog


Winawalis niya ang mga kalat na kita ng mata. Pati ang hindi pero nangingiliti ng ligasgas sa paa. May kalamigan ang berdeng vinyl tiles na sinapin sa baldosa. Tumatagos sa talampakan, binti at nananalaytay sa pangangatawang nakatapis ng tuwalya.

Guhit ni Abet Umil
Pinasisidhi ng malamyos na amihang dumadampi sa hubad na tiyan, dibdib, at mga biyas. Dinakot sa dust pan ang natipong mga kalat. Tinutumbok ang pinto sa likod-bahay para itabi ang walis-tambo at pandakot. Nararamdaman niya ang malilinggit na bagay sa talampakan. Napainat ang mga daliring naririmarim. Kumibit ang balikat. Napahinto sa kusina. Nilingon at minasdan ang hinihinalang pinanggalingan ng maligasgas na kalat. Binalikan at minasdang mabuti ang bahagi ng sahig na kailangan pang haguran ng tambo. Ipinunas ang mga talampakan sa walis saka tuluyang dinakot ang mga hindi nakikitang dahilan ng asiwang pakiramdam. Hindi matukoy ng sarili kung kailan sinimulan ni Jati na kagawian ang magwalis muna bago maligo. Kahit ang asawa’t anak ay ilang beses na rin siyang pinansin. “An’ sipag a!” Hindi maselan ang tingin niya sa sarili. Ilang beses na nga niyang narating pareho ang Smokey Mountain at Payatas noong kolehiyo, ay. Nagpapaa sa mga bundok na ‘yon ng mga lunsod kung kinakailangan. Ngayong propesyonal na ang bugtong nilang anak, siguradong kaya pa rin niyang kumain doon nang nagkakamay. Ang tumitingkad sa alaala, naging ganun siya mula nang maintindihang magkaugnay ang paninimdim niya at ang buhay ng mga residente ro’n. Pagkaligo, masarap lumabas sa banyo at umapak sa sahig na bagong walis. Ang pakiramdam na ito ay gaya nang matutuhan niya kung paano ang hindi na manimdim. Kasabay ang pag-iwas na magmura ng kahit ano. Kasabay ang pagtitimpi at pagtigil sa pagbili ng mga pornong bidyo. Kasabay ang pagresayn sa call center na puro saksakan sa likod. Pero walang masamang tinapay sa mga dating katrabahong parehong mga biktima at salarin. Kahit wala na silang kontak. Panatag ang isip kahit isang beses lang naisama sa simbahan noong kinder ang anak. Kahit nilaglag ng matatalik na kaibigan nilang mag-asawa noong bago pa mag-call center. Nasangkot kasi sa isang relasyon. Ngayong panahon ng parol, panatag ang isip kahit walang maiaabot sa mga inaanak. Pursigidong panatilihin ang kapanatagan niyang katumbas ng aliwalas paglabas sa banyo. Tiyak ang malay na higit sa isip, siya ay tiwasay. Kapag wala na ang asawa at anak, gaya ng dati, magtitimpla ng kape. Bubuksan ang PC. Titipa ng kung anong mga letra, salita, parirala, bukambibig, pangungusap, talatang aabot sa kung ilang pahina. Sinusubok ding bumuo ng taludtod at mga saknong. Kapag na-encode na ang mga inisyal na kintal ng mga pangyayari nitong mga nakaraang araw, pati itong ora mismo, ila-log-off ang kompyuter saka isasalang ang kasalukuyan na paboritong DVD, Youth Without Youth, pelikula ni Francis Ford Coppola. Ilang beses niya nang napanood ito. Bawat salang, ang mga eksenang pamilyar ay hinahanapan ng bagong makikita. Kung gaano karubdob ang halo ng lamig at init ng panonood, ganun kalakas noon ang panimdim na sa kanya ay nagpabulusok. Ito na ang saglit ng kanyang pangingimbulóg.
Tags: abetumil