ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mabaho at mabangong trapo


Humahaba na ang araw. Nagtutubig na ang niyebe sa Siberia. Pinapabaon ang lamig ng lupalop na ito sa ihip ng amihan. Umiikli na ang gabi. Humuhupa na ang talab ng ginaw. Tumataas na ang temperatura ng kalikasan. Pati ang init ng ulo ng mga tao. Damang dama ang manipestasyon nito sa dalawang kapulungan ng kongreso ng Pilipinas. Nitong ikatlong linggo ng Enero hanggang unang linggo ng Pebrero, bago ang mahigit tatlong buwan pang huling sesyon sa Mayo 31, nagkainitan ang mayorya at minorya sa senado. Ganundin ang nangyari sa mababang kapulungan ng kongreso. Nauwi sa pasaringan at sabuyan ng putik ang mga senador bago at matapos boykotin ng minorya ang sesyon. Didisisyunan sana ang censure kay Sen. Manny Villar kaugnay ng ulat ng imbestigasyon ng Committee of the Whole na pinamunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile tungkol sa “double insertion” sa proyektong C-5 road. Hindi raw ‘yong “C-5 at Tiyaga” isyu ang iniiwasan ng minorya. Tinututulan daw nila ang pagtalakay ng panukalang may kinalaman sa pagpapalawig sa pwesto ng mga opisyal ng National Telecommunications Commission at Philippine Amusement and Gaming Corporation. Papabor daw kasi ito kay Presidente Gloria Macapagal Arroyo sa oras na makaupo sa Kongreso. Tumaas ang presyon ng dugo ni Cong. Mark Cojuangco nang kapusin ng apatnapu’t apat (44) ang siyamnapu’t isang (91) kongresman para sumapat sana sa quorum. Iniiwasan naman daw ng mga kongresman ang talakay at pagpasa ng mga panukalang Freedom on Information at Bataan Nuclear Power Plant Rehabilitation, mga panukalang papakinabangan ng mamamayan. Dalawang linggo pa ang itinakdang petsa, Pebrero 9, para sa simula ng kampanyang elektoral ng mga pambansang pwesto. Pero sa ayaw at sa gusto ng mga politiko, ang init ng ulo nila sa huling hirit ng Ika-14 na Kongreso, ay naging hudyat ng masidhing labanan ng mga tatanghaling Philippine Idol sa larangan ng politika. Ilang gabi habang nagkakainitan ang lehislatibong statesmanship, isang nagiging karaniwang imahe ang nakita ko. Dalawang grupo ng pamilyang kariton ang nakahinto sa tapat ng dalawang basurahan sa labas ng isang fastfood resto. Nakatayong magkakaharap ang mga nakatatanda. Isang ina ang may kasing gusgusin nilang trapo ang nakaalampay sa batok. Kumikibot ang mga bibig nila. Pero walang maiintindihan. Nilulunod kasi ng ugong ng mga sasakyan ang mga salita. Nakatanghod sa mga poster ng computer games ang ilang anak sa tabing computer shop. Inaaninag ang hi-tech na kasiyahan ng mga kapwa nila bata sa loob. Pagkatapos ng pag-uusap, tinawag ang mga bata. At mahinahong nagtig-isa ng basurahan ang bawat grupo. Saka pinagbukod ang mga pinapagpag na plastic, karton, at sinimsiman. Inaasahan ng mamamayan itong Eleksyon 2010. Itinuturing kasi ang demokratikong proseso na ito bilang huling baling sa mapayapang paraan ng pagpapalit ng mga lider-upsiyales sa ehekutibo at lehislatibong mga sangay ng gobyerno. Kumpara sa mga nagdaan, kahit paano, ito na ang eleksyon na may pinakamahuhusay na mga pagpipiliang kandidato sa pagka-presidente at kongreso. Isang matalinong paraan ng pagpili sa mga iboboto, na idugtong sa mga pangalan nila ang urirat sa track record, at plataporma ng pamamahala sangayon sa bisyon ng partidong politikal na kinaaaniban nila. Matutunton sa mga pangalan ng kandidato ang katayuan at interes nila sa buhay. Sa track record, kung tunay na serbisyo o katiwalian ang kinasangkutan sa pwesto. Sa ideolohiya, kung ano ang plataporma nila sa tutunguhin ng kinabukasan nating mamamayan. Sa perspective ng philosophy, sociology at political science, ang mga presidentiable at mga partidong politikal: Nacionalista (1907), Liberal (1945), Lakas-Kampi-CMD, Pwersa ng Masang Pilipino, Kilusang Bagong Lipunan, Bagumbayan, Bangon Pilipinas, Ang Kapatiran at Independent; na bumibitbit sa kanila ay basehan ng ideolohiya ng kolonyalismo at neokolonyalismong US na nagpapagana sa sistema ng lipunang Pilipino nitong nakalipas na mga dekada at sa kasalukuyan. Bukod sa Bangon Pilipinas, Ang Kapatiran at Independent, ang iba pa ay mga niretokeng lunsad din ng mga tradisyonal na politikong (trapong) pinatalsik. O kaya ay nagsikalas dahil nasagasaan ang pansariling interes sa unang dalawang tradisyonal na partidong politikal. Sa forum ng mga presidentiable na inisponsor ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na ginanap nitong alas-9:30 n. g., Pebrero 7, iniere sa ABC 5, parehong kabutihan nating mamamayan, kung pakikinggan lang ang pinagsasabi ng mga kandidatong nagsidalo. Pero kung track record at ideolohiya ang titingnan, karaniwan ang pagkasangkot ng mga trapo sa mga katiwalian. Habang gumigewang ang paninindigan na panatiliin sa status quo ang bukbuking istruktura at sistema ng lipunang Pilipino. May ipinadaramang pag-asa ang Eleksyon 2010. May ilang pangsenador na kandidato kasi ang galing party list na nakipag-alyansa sa isang tradisyonal na partido. Basehan ng alyansa nila, “assert national sovereignty and independence from foreign domination and control; promote a self-reliant and sustainable socio-economic development through genuine land reform, national industrialization and protection of the environment.” Samantala, kinusot ng ina ang trapo sa gripong nasa isang sulok sa pader ng fastfood resto. Ipinunas niya sa bibig ng anak na kasalong kumain ng pagpag. Saka isinampay sa puluhan ng kariton. Naghihintay na pabanguhin ng silahis ng araw na sisikat kinabukasan?

Tags: abetumil