ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalawang tula ng pag-ibig


Naaalala ko noong fourth year high school, panahon na nagkalakas-loob na ‘kong manligaw. Isa sa mga paraan ng pagpapa-cute noon ay ang pagtula sa object ng tibok ng dibdib. Na ikinapupuyat at dahilan ng tagyawat. Ayon sa paniwala ng mga pumipiyok ang boses at humuhugis pa lang ang dibdib at bewang. Wala akong inabutan ng tula noon. Portrait kasi ang binigay ko. Pero ngayon wala na akong lakas-loob magbigay ng portrait. At dahil araw naman ng mga puso, umaabot nga sa buwan ang selebrasyon nito sa mga mall e, eto, dalawang tula ko muna ang pagtiyagaan natin.

1. Lagi ko nalilimutang hindi mo na ako mahal Lagi ko nalilimutang hindi mo na ako mahal, Ang ating pinagsamahan ay matagal nang nahimbing. Lagi ko naaalalang iba na ang iyong mahal, Pisilpisil na unan ka t’wing umaga pagkagising. Tanghaliang nasa hapag kahit may sawsawang sili, Panga ay di makanguya dahil ako’y nagsosolo. Ang kuryente ay may tampong sumusulpot gabigabi, Hapunan ay tumatabang kundi ikaw ang kasalo. Kapag ako’y nakahiga ang banig ay lumalawig, Ang antok ay nahuhubad at kumot ay numinipis, Pinupukaw ang dibdib ko’t mga paa’y humahakbang Para ikaw ay sunduin bago tumindi ang lamig. Lagi ko nalilimutang hindi mo na ako mahal, Kumakatok ulit ako sa bahay mong nilipatan. 2. Layon “Love can wait, sex cannot.” –Peter Koestenbaum May simuno itong budhing Inaakay nitong diwang Nagdiriwang sa pagmulat. Ang kalansay na balangkas Ng mga sistemang pangkatawan Ay sinisimbuyuan ng rosas: Nagbubuntong-hininga Sa mala-bagumpaligong puklo, Natatakam Sa lasap ng pawis sa areola at utong, Sumasagap Sa mutawi ng haling ng lambing, Tumititig Sa kilo at igtad ng mga biyas, Kumikilig Sa patda ng mga yapos – Isang paghahayag ng anyo Mula at paarok Sa bawat kaibuturan natin… Wala nang gusot ang kobrekamang May salansan ng dalawang unan Sa ulunan, nasa ilalim ay tiniklop Na kumot ang karimlan ng sansinukob, Ang mga luha, pawis at mineral natin Ay mga bituin na nagniningning. Isang kaway ng pagkawalay ang umaga Sapagkat yakap ng pagtatagpo ang gabi, Isang himpilan ng pananabik ang alaala Sapagkat demograpiya ng paglalakbay ang karanasan, Isang pulbos ng alikabok ang pagkamuhi Sapagkat grabidad ng daigdig ang pag-ibig. May simuno itong budhing Ang diwa ay pagsuong, Lumalawig ang pagkamulat Sapagkat ikaw ang layon. Pagkatapos itong basahin at mamalayan ninyo ang mga sariling may katabi sa Pasay, Caloocan, Sta. Mesa, Cubao at Pasig, o kung nasa abroad man kayo, siguradong mas romantiko pa sa mga lunsod na nabanggit ang kakainan ninyo sa harap ng may sinding kandila.
Pero siguradong walang kinalaman sa takam ninyo ang mga tulang ito.
Tags: abetumil