Agam-agam ng isang tagahanga ng laos na idolo
Kung makakasabay mo siya, malamang na akbayan ka. Ang akbay niya ay hindi ekspresyon ng pagkagusto sa kapwa lalaki. At kung paga-20 ka, magugustuhan mo ba ang malapit nang magkaroon ng twenty percent discount sa drug store? At may pribilehiyo sa pila? Ang akbay niya ay para alalayan ang panunuot ng kirot sa paa, binti, tuhod, hita, balakang⦠Habang iniiiwas na mahalata ang pag-ika. Minsang nangingitim ang bandang dulo, kayumanggi ang gitna at namumuti ang puno ng buhok. Kapag nagkukwento, maririnig sa boses niya ang pagsamo ng mahigit limang dekada nang pinagdaanan. Minsan, naisalaysay niya ang pag-angkin ng mayamang kamag-anak sa lupang dapat manahin sana ng ama. Ang pagsusungit ng kamag-anak na pinakituluyan noong bumubulas pa lang ang pangangatawan. Noong natitiyak na ang pungay ng mata, tangos ng ilong, banayad ng labi, kinis ng kutis. Simpatya ang iniaalok sa kanya ng kakwentuhang gaya ni Joy. âSa PIO ako maestro,â pagtukoy ni Joy sa departamento niya. May dalawampung taon na mas bata kay maestro si Joy. Parang nakukuyumos na supot ng pandisal ang mukha ni Joy. Unambeses niyang narinig ang kwento ng sitwasyon sa departamento ni maestro. Departamentong isa sa mga umaalalay sa turismo ng lunsod. Kapag may okasyon na panglunsod, departamento ni maestro ang tagataguyod ng grupong koral. Maharlika ang pakiramdam ng mga nakaririnig ng mga awiting tradisyonal. Nabubulabog ang inip nila habang hinihintay ang âthe next number of our programâ â speech ni mayor. Sukdulan ang kwento ni maestro kay Joy. Kasama raw siya sa pinasisibak ng department head. Dati, pagtili ng mga kaupisina ang naikukwento ni maestro. Pati aksyon ng kadyot patalikod sa puwet. May dalawang linggo na raw ang banta ng pagsibak kay maestro at mga kadepartamento. Isang gabi, bumalik sa upisina ang kamyembro ni maestro sa koral. Nahuli ng bumalik ang bading na department head, may pinupuwitan daw na lalaki. Kinabukasan ay naging atas agad ang banta. Nakapagkomento si Joy na kultura pa man din ang tinataguyod ng departamento ni meastro. Pero pinayuhan din ni Joy si maestro na isulat sa papel ang insidente saka iulat sa city administrator. Minsan din, parang bagumbago na bond paper, may drowing na smiley, ang mukha ni Joy. Kapag napapanood niyang naggigitara si maestro. Kapag kinukwento kung paano naging inspirasyon ng komposisyon ni maestro ang pagkamkam sa lupang mana sana ng ama. Walang bakas ng kalungkutan si Joy kapag nakikita niya ang litrato ni maestro na kasama sa dalawang poster ng mga nanalo sa Metropop Music Festival. Nakapalamuti ang poster sa dingding ng harap ng inuupahang bahay ni maestro. Hindi maunawaan ni Joy kung galit sa department head, o suya sa kababaang-loob ni maestro, ang bigat ng agam-agam na nagpapalupaypay sa balikat niya.