Traysikol o Traysikel?
Traysikol o Traysikel? Traysikol o traysikel? Bakit hindi trisekleta? Kung ang bicycle ay naging bisekleta, bakit ang tricycle hindi naging trisekleta? At bakit naging traysikol o traysikul sa Bikol, Bisayas, samantalang naging traysikel naman sa Kamaynilaan? Baka sakali hindi nyo pa narinig ang kwentong ito: Ilang taon nang nakikitira si Dodong sa kanyang tiyuhin sa Krus na Ligas. Taga Minglanilla, Cebu si Dodong pero napadpad siya sa Maynila para mag-aral. Isang araw, dumating ang kanyang Nanay galing sa probinsya para dalawin siya. Ganito ang kanilang pag-uusap nang bumama sila ng jeep sa Philcoa galing nang pier. DODONG: Tara na Ma, doon tayo sasakay. NANAY: Anak, ang init naman dito sa Manila, pwede ba, kumain naman tayo papsikol? DODONG: Ma, papsikel, hindi papsikol. NANAY: Ha? Ganoân ba? Maskina aysdrap na lang DODONG: Mamaya na Ma, sa bahay na lang. NANAY: Sige na nga, aling traysikol ba ang sasakyan natin? Itong berde o itong pula? DODONG: Ma, traysikel, hindi traysikol. NANAY: Kailan pa? Eh nuong umalis ako sa Cebu, traysikol ang tawag dyan. Tara na nga, baka hinihintay na tayo ng iyong Angkol. DODONG: Ma, Angkel, hindi Angkol. Hindi na lang umimik ang Nanay ni Dodong at sumakay na sila. Siyempre harurot itong traysikel na traysikol hanggang sa malubak sila nang matindi at maumpog si Dodong. Nag-alala kaagad si Nanay. NANAY: Anak, ok ka lang? Patingin, baka nagka-bukel ka anak! Bukol man o bukel, masakit pa rin yon. Pero bakit nga ba nagkaroon ng pagkakaiba ang translation ng tricycle sa mga lokal na wika? Isa ito sa mga dahilan kung bakit nahilig ako sa mga usapin sa wika. Kahit hindi required sa aking kurso, kumuha ako ng isang lingguistics subject noong college at nadagdagan pa sa Masters (na hindi ko naman natapos). Pero hindi ako tumigil sa pag-aaral sa wika. Noon ngang nagtuturo pa ako sa Psychology department sa Diliman, ang madalas na tinuturo ko ay Psychology of Language. Hindi bihira sa mga Pilipino ang magka-interes sa wika at mga usapin nito dahil sa kanyang buhay, sari-saring karanasan at isyu sa wika ang kanyang mararanasan. Ipinanganak ako at tumira sa bayan ng Gubat, Sorsogon hanggang grade six. Nagkamalay ako na ako ay isang Bikolano na nagsasalita ng Bikol. Pero nang pumasok ako sa eskwela, ang aming libro na may mga tauhang sina Badong, Miling at Nonoy ay nasa salitang Bikol, pero kakaiba sa aming salita. Malalaman ko na ang salitang ito pala ay ang Bikol sa Naga. Bikol din ang salita ng pari, pero hindi rin ito katulad ng aming Bikol. Nahahawig siya sa Bikol sa eskwelahan, pero may pagkakaiba. At hindi ko maintindihan ang ibang âmalalaimâ na Bikol na may kinalaman sa relihiyon at pananampalataya. Malalaman ko rin na kaya pala naiiba dahil ang aming pari ay taga Albay at naiiba rin ang Bikol nila. Sa radyo naman mula sa istasyon sa katabing bayan ng Sorsogon, Bikol din ang salita, pero, uli, hindi siya kapareho ng Bikol na salita namin. Tapos na yata ako ng college nang ma-realize ko na ang salitang Bikol pala namin ay Waray. Ang salita sa Northern Samar â katulad ng sa bayan ng Allen at Catarman, ay halos eksakto sa aming salita. (Siguro dahil noong hindi pa uso ang mga bus at kotse, ang aming bayan, kasama na ang mga bayan ng Barcelona, Bulusan, hanggang Bulan na pawang kapareho namin ng salita, ay mas malapit sa mga bayan sa Northern Samar, sa pamamagitan ng bangka, kay sa ibang mga bayan sa Bikol.) Nang umalis ako ng probinsya para maghayskul sa Maynila, ang una kong kinailangang gawin ay matuto ng Tagalog. Kasama sa pag-aaral ng Tagalog ay ang pag-tanggal ng probinsyanong accent kasi pagtatawanan ka ng mga kaklase mo kung sasabihin mong traysikol imbes na traysikel. ( Dumating pa nga sa puntong nagalit sa akin ang kuya ko nang minsang magtalo kami dahil nagtatagalog ako. Mayabang na daw ako.) Pero kung tutuusin, pareho namang âmaliâ ang traysikol at traysikel. Ang tunog sa Ingles ng âcleâ na nasa kalagitnaan ng âkolâ at âkelâ. Pero wala namang tunog na âcleâ sa mga wika sa Pilipinas, kaya siguro namili na lang ang ating mga wika ng pinakamalapit. Ayon sa nakausap kong linguist tungkol dito, mas ânaturalâ sa mga wikang katulad ng Bikol at Sebuano na maging kol o kul ang âcleâ at sa katagalugan naman ay kel, kaya naging angkel, papsikel, traysikel, bukel. (Oops, pwera na pala itong huli.) Bakit hindi naging trisekleta? Dahil siguro sa mas bago ang tricycle kay sa bisekleta. Ang ibig kong sabihin, panahon pa ng mga Kastila may bisekleta na na kaya ang pagsasalin ay mula sa Espanyol. Samantalang ang tricycle at Ingles na ang batayan ng pagsasalin. Ang daming pwedeng pag-usapan tungkol sa wika, no? Katulad ng longganisa at langgonisa. Aklat, libro, buk, teksbuk. Bus o bas? Perspektibo o perspektiba? Nakakatawa. Nakatatawa. Etc., atbp.