ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Postscript ni Jessica Soho: The world lends us a helping hand  


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nang dahil sa trahedyang idinulot ni Super Typhoon Yolanda, nararamdaman ngayon ng Pilipinas ang pagmamahal sa atin ng iba't ibang mga bansa at organisasyon sa buong mundo. "We are so well-loved by the world," ika nga.
 
Sa Guiuan, Eastern Samar, kung saan ako nanggaling kahapon, maraming dayuhang tumutulong – mga volunteer aid worker, mga doktor, mga sundalo mula sa America, maging sa France, Sweden, Germany, Spain, at marami pang ibang mga bansa.
 
Nakakatuwa silang makita, pursigido sa ating tumulong. Kahit sa Tacloban City at sa iba pang mga lugar na nasalanta, maraming mga dayuhan ngayong umaalalay.
 
At sinong makakalimot sa dalawang batang nagtinda pa ng lemonade para makalikom ng pera para sa mga biktima ni Yolanda? Pati mga celebrity, nakikiisa po sa atin. Ang basketbolistang si Pau Gasol, sa bawat puntos na kaniyang maii-score sa kaniyang laro, tutumbasan niya ng US$1,000 na donasyon para sa mga biktima. Sina David at Victoria Beckham, ititinda ang kanilang mga gamit para makalikom din ng pondong ido-donate nila sa atin.
 
Lahat ng ito, bukod pa sa cash at “in kind” na donations mula sa dayuhang mga gobyerno at asosasyon. Napakarami ang sa ati'y tumutulong ngayon.
 
Marahil ang pinakamagandang maisusukli natin sa kanilang pagmamalasakit sa atin ang siguruhing makabangon nang maayos ang mga nasalanta at magamit sa tamang paraan ang mga donasyon. 
 
 
 
Ang “Postscript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV. — KDM, GMA News