ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Postscript ni Jessica Soho: Liwanag sa dilim
Alam naman po nating lahat, kuryente ang nagpapailaw sa ating mga tahanan, nagbibigay-buhay sa mga ospital at paaaralan, at nagpapaandar ng mga negosyo. Kaya may dahilan pong mabahala ang bansa sa blackout na bumalot sa buong Mindanao.
Hindi lang kasi mga taga-Mindanao ang nangapa sa dilim. Mismong Department of Energy, nagulat sa pangyayari. Maging ang National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, na siyang responsable sa distribution ng kuryente sa bansa, inaalam pa kung ano ang naging sanhi ng malawakang blackout.
Ang hindi nakakagulat, matagal na pong iniinda ng mga taga-Mindanao ang rotating brownouts. Tuwing natutuyo ang mga hydroelectric plants doon, kinukulang ang kuryente kaya salitan sila sa pagkakaroon o kawalan ng kuryente. Kaya tinawag na rotating.
Ganito ang sitwasyon nila nung nakaraang taon at mukhang ito muli ang mangyayari ngayong taon. Matagal na ring alam ng gobyerno na patuloy na tataas ang pangangailangan ng bansa para sa elektrisidad sa mga susunod na taon.
Sa gitna ng dilim, isang bagay ang naging maliwanag. Hindi sapat ang ginagawa ng mga kinauukulan para solusyonan ang problemang ito.
Ang “Postscript” ay binabasa ng anchor na si Jessica Soho sa dulo ng mga “SONA” newscast sa GMA News TV. — GMA News
More Videos
Most Popular