
Sa wakas, matatawag ko na ang sarili kong isang full-fledged blogger. Sa totoo lang, hanggang ngayon, typing ng story lang ang mabilis kong nagagawa pag kaharap ko ang computer. Pero salamat sa gmanews.tv at nabigyan ako ng pagkakataong i-share ang mga nakikita ko sa aking paligid sa pamamagitan ng blog. Alam niyo ba na isang taon na ang nakakalipas, ay nasa basecamp ako ng Mt. Everest sa Nepal para i-cover ang pag akyat ni Romy Garduce? Syempre, hindi ako nag-iisa doon dahil isang buong team kami kasama ang mga satellite engineer na sina Dennis Mariano, Allan Gutierrez, Buboy Pacursa, cameraman na si Gemmo Soho, UP Mountaineers President Henry Nakpil at syempre si âGarduch.â

Medyo mahirap yung coverage na yun kasi halos nasa 18,000 feet kami, at dito mabagal kumilos dahil manipis na ang hangin. Pag nasa sea level, normal ang paghinga pero pag andun ka sa ganung altitude, naghahabol ka na ng hininga! Mahirap lahat â magsulat, magreport, uminom, kumain, matulog at kahit magpupu. Pag minsan pa, nagigising kami sa ingay ng avalanche sa katabing bundok o mga nahuhulog na bato. Pag minsan naman di namin namamalayan na dahil maraming pumatak na snow noong nakaraang gabi, natatabunan ang mga tents namin. Alam niyo ba na inabot ng may isang tonelada ang bigat ng broadcast equipment at mga personal na gamit namin? Pag-akyat namin may mga kasama kaming porters bukod pa sa Yak (yung parang kalabaw nila dun) para magbuhat ng mga generator, satellite at ibang gamit namin.

Matagal-tagal na lakad din yung ginawa namin, mga 11 days papuntang basecamp. Lahat lahat mga 150 kilometers yun! Sa haba ng lakad namin, pag minsan sa daan na ako inaabutan ng tawag ng newsdesk, para idikta nila yung script sa "24 Oras," sa pamamagitan ng satfone. At habang palapit kami ng palapit sa paanan ng Everest, nawawala na din yung mga halaman dahil nga kokonti na ang oxygen. Karaniwan na lupa, bato, yelo o buhangin na lamang ang makikita namin. Pero nung maka-summit na si Romi, talagang tuwang-tuwa kami. Heroâs welcome ang ginawa namin sa kanya pagbalik nila sa basecamp. Yung mga sherpa niya, binigyan pa ko ng mga bato galing sa summit ng Everest kaya panalo talaga. Mahirap na masarap na experience yung coverage ko sa Everest. Habang nasa basecamp kami, mas lalong tumindi yung pagkakaibigan naming team. Mas nagkaroon ng disiplina sa trabaho, kasi mahirap kumilos. At kung uulit pa ang coverage na ito, tiyak na sasama ulit ako. Thank you po mga Kapuso!