ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

KOMENTARYO: Ilang mukha ng ina sa pamilyang dukha 


“Happy Mothers’ Day” – tatlong salitang maririnig at mababasa sa maraming panig ng mundo tuwing ikalawang linggo ng Mayo. Tanda wari ng malaking pagkilala at pagpahalaga sa lahat ng kababaihang nabuntis, nanganak at nag-alaga ng pamilya – naging ina.
 
Bagama’t nag-umpisa raw ang pagdiwang ng Mothers’ Day sa sinaunang panahon sa Greece, ang petsa at paraan ng pag-aalala sa Pilipinas ay hango sa Amerika kung saan naging malaking industriya ang pagpapadala ng bulaklak, lalo na puting carnation, pagreregalo, at pagsasalu-salo.
 
Pero hindi pare-pareho ang paggunita sa Mothers’ Day. Malaki kasi ang pagkakaiba ng karanasan ng pagiging ina sa mayaman at mahirap na kababaihan.
 
Bilang doktor ng kababaihan sa mahihirap na komunidad, mapalad ako na marami at iba’t-ibang nanay na ang nakasalamuha ko. Ilan sa kanila ang nasa alaala ko pa rin.

May isang nanay sa Baseco, Manila na nakapagluwal ng 22 na buhay na anak sa edad na higit 40. Bata pa’y namatay na ang apat. Isa sa anak niyang babae ay bata ring nabuntis, at nagkasabay pa silang dalawa sa pagbubuntis!

Natulungan naming gumamit ng family planning ang nanay na ito, pero dahil sa laki ng pamilya, natutulak siyang manghingi ng pera sa iba kahit labag sa kalooban nya.

Sa Malabon, may nakilala akong kabataang aktibo sa samahan ng kabataan. Labing anim na taon pa lang siya nang mabuntis. Nahinto siya sa pag-aaral at maraming taon na solong pinalaki ang anak. Hindi na siya nakapag-aral pa. Mapalad siya’t inalalayan ng mga magulang, at ngayon ay may trabaho na.

May nakilala rin akong kabataan sa parehong lugar na nabuntis, nahinto rin sa pag-aaral, at natulak maging sex worker para may pantustos sa anak.

Pareho silang iniwan ng kanilang boyfriend. 

May bata rin sa Malabon, 15 lamang ang edad, na nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng kemikal na panlinis ng pilak. Buntis siya at ayaw daw panindigan ng boyfriend. Kilala ko rin ang nanay ng batang ito – isang youth leader na nabuntis rin nang bata pa, na-stroke nang manganak, naparalisa at hindi na makalakad. Dinadalaw ko siya sa bahay para hikayating magpa-rehab. Pero nalaman kong namatay din kalaunan mula sa kumplikasyon sa puso, kaya nanay niya ang nagpalaki sa anak niya.

Sa pagsasaliksik namin tungkol sa maternal death o pagkamatay mula sa pagbubuntis, napatunayan naming maraming nanay ang nasasawi sa kanilang “pagbibigay-buhay.”

May nanay sa Eastern Samar na namatay sa kanyang ika-15 pagbubuntis dahil sa matinding pagdurugo matapos manganak. Mula sa kanyang bahay sa isang bulubunduking lugar, sinikap siyang dalhin ng mga kapitbahay sa ospital sa bayan gamit ang tricycle.
 
Hindi na siya umabot nang buhay sa paanakan.
 
Batay sa mga personal kong alam at sa pananaliksik ng marami, hindi madali at hindi laging masaya ang pagiging ina.
 
Sa Pilipinas, higit tatlong milyong kababaihan ang nabubuntis taun-taon. Mahigit sa kalahati sa kanila ay hindi pinlano o ginusto ang magdalantao.

May alam akong teen-ager mula sa Pasay na ginahasa ng kaibigan ng kanyang tiyo habang tinutukan ng kutsilyo.

May isang nanay sa Maynila na labis ang pag-aalala nang mabuntis noong ipinagbawal ni Mayor Lito Atienza ang family planning. Bago pa kasi ito, sinabihan na siya ng doktor na puwede niyang ikamatay ang susunod na pagbubuntis. Ang problema, wala namang inialok na paraan o gabay sa kanya para di magbuntis.

Dahil sa mga trahedya sa pagiging ina, ang paggunita ng Mothers’ Day ay dapat din sanang okasyon para maging planado, ginusto, at ligtas ang lahat ng pagbubuntis at panganganak.
  
Harinawang mawakasan na ang rape at abusong sekswal kung saan natutulak ang kababaihang mabuntis nang labag sa kanilang kalooban.
  
Harinawang itinuturo na sa kabataan sa iskuwela kung paano protektahan at alagaan ang sarili sa usapin ng sekswalidad at pagbubuntis.
  
Harinawang mayroon nang malawak at makatotohang impormasyon at mahusay na serbisyo ang gobyerno para sa pagpaplano ng pamilya at ligtas na panganganak.
  
Harinawang makibahagi ang kalalakihan sa hirap ng pagbubuntis, panganganak at pag-aalaga sa anak.  
  
At harinawang hindi na nila ito ipipilit kung ayaw ng babae, alalayan na nila ang partner habang nagbubuntis at nanganganak, at tutulong na sila sa mga gawaing bahay at pagpapalaki ng anak.
  
Harinawang may sapat nang breastfeeding centers o breast milk stations, daycare centers at ibang suporta sa mga nanay at tatay na nag-aalaga ng mga bata.
 
Harinawang may mga oportunidad na para magpaunlad ng sariling kakayahan at makapagtrabaho ang kababaihan para magkaroon ng kaganapan liban sa pagiging ina.  
 
Kapag nakamit natin ang mga kondisyong ito, magiging tunay na masaya ang mga ina, hindi lang sa Mothers’ Day, kundi sa araw-araw na buhay!
  
Si Dr. Junice L. Demeterio-Melgar ang isa sa nagtatag ng Likhaan, isang grupong nangangalaga sa mga kababaihan, noong 1995. Mahigit 20 taon na niyang kasalamuha ang mga babaeng may pangangailangan na serbisyo at impormasyon tungkol sa reproductive health.