ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

KOMENTARYO: Ano ba ang dapat basahin ng kabataan?


May nag-private message sa akin kaninang nagmu-multitasking ako nang taimtim sa harap ng laptop ko: nagsusulat ako ng dissertation habang nagfe-Facebook habang nagse-search-and-destroy ng blackheads habang nagtsa-tsaa habang ka-text ko si Beh, ang asawa ko (oo, sabay-sabay). 
 
Heto ang sabi nung nag-private message, kinapipeyst ko: “Magsulat ka naman para sa GMA Online. 750 words or less. Ano ba ang dapat basahin ng kabataan?”
 
Wow, ang profound ng paksa! Ako namang si mapagpatol, pumatol.
 
Ang totoo, hindi naman talaga profound, sisiw nga ang tanong eh. Sa edad kong itong katatapos lang maging kabataan, 38 years old, bilang manunulat, at sa trabaho kong magturo ng Kulturang Popular at Panitikan sa isang magaling na unibersidad, erase erase, sa pinakamagaling na unibersidad sa España, Manila, dapat alam na alam ko na ang sagot sa tanong na iyan.

Heto ang sagot ko: lahat ng pwedeng basahin ngayon, basahin. Walang dapat, walang hindi dapat. Walang value judgment kung panitikan o hindi, kung may aral o wala, kung maganda o hindi. Basta magbasa lang.
 
Ito kasi ang mas kritikal: kung may panahon pa bang magbasa ang mga kabataan? Kapag sinabi kong panahon, hindi ibig sabihin ay nagmu-multitasking na din sila tulad ko ngayon. Pero parang ganoon na nga.
 
Walang panahon ang kabataan dahil sa dagsa ng mga profit-oriented cultural commodities na dala-dala ng teknolohiya, media, lalong-lalo na ng new media gaya ng Internet, na nangunguha nang bulto-bulto sa atensyon at oras ng mga kabataan na dapat sana ay sa pormal na pag-aaral at sa pagbabasa nakatuon.

Kasi naman, bukod sa instant gratification ng social network at Internet (Like? Comment? Share? Multi-tabs kung mag-browse?), totoo namang kawili-wili ang dulot ng profit-oriented cultural commodities na ito. Nakakalibang. Ang daming pamimilian.

Parang ganito, bakit ko pa babasahin ang aklat kung isasapelikula din naman. At kung pelikula iyan o television series, bakit ko pa kailangang abangan kung pwede ko namang i-download at panoorin agad. Makakapag-social network pa ako at the same time.
 
And speaking of social network, idadagdag pa rito sa kawalan ng oras para magbasa, ang ritualistic maintenance nila sa kanilang virtual existence na kailangan nilang balik-balikan, ayusin, mag-share at mag-post ng kung ano-ano para sa atensyon ng iba pang nagme-maintain din ng social network. 
 
Tulad ko, bente kwatro oras pa rin naman ang katumbas ng isang araw para sa mga kabataan, pero kaiba sa akin, ang malaking bahagi nito sa mga kabataan ngayon ay naka-dedicate na para tumangkilik sa profit-oriented cultural commodities na hindi kasing dami noong panahong dial-up pa ang serbisyo ng Internet at ang love letter ay isinusulat pa sa stationery at hindi itinetext. O gm.
 
Mas naglipana ang dapat basahin ngayon kung ihahambing sa panahon ko noong nag-aaral pa ako sa Philippine Normal University. Mas accessible. Ang wala lang ay panahon. 
 
Pero may kokontra sa akin siyempre. Nagbabasa rin naman ang mga kabataan kahit papaano.

Oo, text, status, blog, cheesy love stories. Kahit papapano, tinatangkilik nila ang mga aklat sa bookstore. Palatandaan nito ang naglipanang kuwentong formulaic—rich boy meets poor girl, poor boy meets campus princess, sosyal meets dukha, mahiyain meets lakas-loob, sikat meets laos, and they all lived happily ever after. Muli, wala akong value judgment, basta nagbabasa, ayos ‘yan.
 
Pero hindi iyon ang gusto talagang makuha sa akin ng nagre-request ng, paano ba tatawagin itong isinusulat ko? Nitong artikulong ito? Ano ba kasi ang dapat basahin? Nasa bookstore, bagamat nasa kasuluk-sulukan na ng shelves ang panitikang mula pa noong bagong hukay ang Ilog Pasig ay panitikan na.

Taun-taon, padagdag nang padagdag ang mga aklat na naghihintay ng kalinga ng bagong mambabasa, kabataan or otherwise. Eh sa hindi nga binibili, eh sa hindi nga maintindihan, eh sa nakakatamad nga. Magiging masaya na lamang ba ako sa ganito? Dehins, Beh.
 
Imumungkahi ko pa ring basahin, nang walang bagahe ng grade mula sa titser, ang Noli at El Fili, mga tula ni Jose Corazon de Jesus, mga kuwento ni Genoveva Edroza-Matute.

Imumungkahi ko rin ang mga bagong dapat basahing awtor: Allan Popa, Jerry Gracio, Eros Atalia, Ferdinand Jarin, Lourd de Veyra. Pati na ang mga awtor sa pagi-pagitan ng mga noon at ngayon. Dapat iyan.

Pero hindi na nga ganito kadali ang magpakilos. Hindi na epektibo, palagay ko, ang pagpapabasa nang may nakatunghay na nanlilisk na mata ng titser. May banta ng pagbagsak. Hindi matatagpuan ng estudyante ang sense of enjoyment tulad ng nakukuha nila sa pagbabasa ng formulaic makeso stories.   
 
Dito papasok ang gawain ko bilang manunulat sa kasalukuyan, bilang, ehem, tagapagtawid sa mambabasa. Bilang, ehem uli, gatekeeper patungo sa “dapat”.

Lumunsad ako sa kung saan naroon ang mga kabataan: blog, Facebook, kuwentong pa-tweetums, at mahahabang status na may humor. Nag-o-offer ako ng akda bilang alternatibong pagpipilian nila. Sumagot sa kanilang mga tanong. Pasalamatan ang mambabasa sa kanilang inilaang resistensya para basahin ang 900-word essays ko. At dahan-dahan, isulat ang dapat nilang mabasa patungo sa inaasahang pagninilay (wow, pagninilay, ang bigat, Beh). At kapag nakuha ko na ang atensyon, alagaan. At gabayan silang tuloy-tuloy patungo sa mas dapat nilang basahin. Mangahulugan man itong hindi na ako ang awtor. 

 
Bukod sa titser ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa UST, Writing Fellow din si JOSELITO D. DELOS REYES sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Siya rin ang awtor ng mga aklat na PAUBAYA, iSTATUS NATION, at TITSER PANGKALAWAKAN. Itinanghal siya bilang Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.