ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

KASAYSAYAN: Limang lindol na naramdaman sa Maynila


Noong July 16, 1990.  Alas 4:26 ng hapon iyon, nasa aming bahay kami sa Tarlac, ako ay anim na taong gulang lamang.  Nanonood kami ng kapatid kong si Michelle ng Tagalog Movie Greats sa TV sa aming silid nang biglang umuga ang lupa nang napakalakas na parang duyan!  Nakita ko kung paanong bumagsak ang aming electric fan.  Ang nanay ko na naglalaba noon sa likurang bahay ay pinuntahan kami at dinala kami sa ilalim ng mesa.  
 
Habang ako ay iyak nang iyak dahil sa napanood ko sa mga pelikula, pihado kakong mamamatay na kami. Ang kapatid kong babae naman ay tawa nang tawa habang nangyayari ang lahat.  
 
Nang matapos ang pagyanig, nilapitan ko ang aming malaking Sto. Niño dahil sa pananaw ko noon ay hawak nito ang mundo na kanyang pinayanig.  Akin itong sinampal, “Bakit mo pa kami binuhay kung papatayin mo lang kami!”  
 
Dapat ko pa palang pasalamatan ang Diyos dahil hindi man lamang naano ang aming bahay gayong nakita ko kung paano nasira ang bahay ng aming mga kamag-anak, maging ang aming ancestral house sa Balibago I. Umangat ang mga kalsada at nabiyak ang lupa.  
 
Usap-usapan ngayon kung gaano kadelikado ang libu-libo nating mga kababayan sa Kalakhang Maynila dahil sa mapang inilabas ng pamahalaan. Detalyadong ipinapakita nito ang mga aktwal na dinadaanan sa ilalim ng lupa ng Valley Fault System, ang fault line na gumagalaw sa kalakhang Maynila.  

Ayon sa isang pag-aaral noong 2002 ng Japan International Cooperation Agency o JICA, ang Marikina Valley Fault System ay dalawa hanggang apat na beses nang gumalaw sa nakaraang 1,400 taon, o kada 500 taon.  

Huli itong gumalaw noong ika-16 na siglo, 500 taon na ang nakalilipas.  

Kaya ang kuwestiyon ay hindi kung mangyayari ba, kundi kung kailan mangyayari ang tinatawag ng mga eksperto na “The Big One.”  Tinatayang Magnitude 7 ang magiging lakas nito, sinlakas ng lindol na naranasan ko noong hapon na iyon.  
 
July 16, 1990 killer quake sa Luzon
 
Ang lindol na naranasan ko noong hapon ng July 16, 1990 ang itinuturing na pinakamapaminsalang lindol na naganap sa bansa. Naramdaman ang lindol na sumentro sa Rizal, Nueva Ecija malapit sa Cabanatuan at may lakas na 7.8 surface wave magnitude sa Richter Scale sa 23 matataong mga probinsya sa anim na rehiyon sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila.
 
Sa Cabanatuan, ang pinakamataas na gusali doon, ang anim na palapag na Christian College of the Philippines ay gumuho sa oras na may mga klase. Pumatay ng 154 katao ang lindol doon.

Naaalala ko na pinapanood sa telebisyon ang isang batang babae na kinapanayam pa ng isang reporter (hindi ng GMA Network) habang nasa ilalim ng guho. Namatay din ang bata.  

Ang 20-taong gulang naman na si Robin Garcia ay nakapagligtas pa ng walong estudyante at guro bago siya mismo ay matabunan sa isang aftershock.  
 
Sa Dagupan, parang kumunoy na lumubog ang ilang gusali ng lungsod ng isang metro!  
 
Ngunit ang Lungsod ng Baguio talaga sa kabundukan ng Benguet ang nawasak. Nagkaroon ng pagguho ng lupa sa Kennon Road, nasira ang mga kalsada at mga gusali, lalo na ang pinakamalaking hotel sa Baguio, ang Hyatt Terraces Hotel. Gumuho ito na parang kastilyong baraha. Nawalan ng tubig at naputulan ng kuryente at telepono ang lungsod.  Tumira ang maraming nasalanta sa mga tolda, at nauso ang “tent city.”
 
Narito ang apat pa sa mga hindi malilimutang lindol sa kasaysayan na naramdaman sa Maynila.
 
Lindol sa Maynila sa kapistahan ni San Andres, November 30, 1645
 
Dahil daw kay San Andres, nakaligtas ang Maynila sa pagsalakay ni Limahong.

Ngunit sa araw ng pagdiriwang nila, 8:00 ng gabi, isang 7.5 surface wave magnitude ang naramdaman nila na yumugyog sa tagal ng apat na dasal na credo.
 
Ayon sa isang sanaysay ng historyador ni Ambeth Ocampo, ang mga batong pader ay tila naging mga piraso ng papel na nilipad ng hangin, at ang mga tore ay yumugyog na tulad ng mga punong nahanginan.  Ayon sa isang nakasaksi, “Nothing was heard but the crash of buildings mingled with the clamor of voices entreating Heaven for mercy, the cries of the terrified animals adding to the horror.”  
 
Ang katedral ng Maynila ay “nilamutak na parang papel,” 150 mga gusali ang bumagsak, 600 Espanyol ang namatay, 3,000 Espanyol ang sugatan.

Hindi isinama sa bilang ang mga Indio.  
 
Lindol sa Maynila sa kapistahan ng Corpus Christi, June 3, 1863
 
Alas siyete ng gabi noon sa bagong muling-tayong Katedral ng Maynila: Ang mga relihiyoso at hindi mabilang na mga deboto ay umaawit noon ng kanilang vespers para sa kapistahan ng Corpus Christi nang bigla na lamang lumindol at bumagsak sa kanila ang Katedral.  Nanatiling nakatayo ang kampanaryo.
 
Tatlong araw na sinikap na makuha ang mga biktima at mga namatay na natabunan ng katedral. Isa sa mga namatay ay ang bayani ng unang sekularisasyon na si Padre Pedro Pelaez.  
 
Isang tagapag-ulat mula sa  Illustrated London News  ang nagbalita at gumuhit ng ilan sa mga eksena noong lindol na iyon:  Sa ilalim daw ng mga guho na ito ng katedral ay natabunan ang halos lahat ng biktima, na sinikap painumin ng tubig sa pamamagitan ng mga basag na organ pipes. Ngunit nangamatay rin sila sa ilalim ng mabibigat na batong ito.  Napakabaho raw ng amoy nang iginuhit niya ang mga drowing na iyon.  
 
Nasira din ang mga tore at harapan ng Simbahan ng Santo Domingo, ang tore ng simbahan ng Binondo, ang almacen o imbakan ng tabako ng pamahalaan, at ang Palasyo ng Gobernador Heneral.  Sa sobrang pagkaguho nito, ipinasyang ilipat na ang luklukan ng kapangyarihan sa kapuluang Pilipinas sa Palasyo ng Malacañan.  Muli lamang naipatayo ang dating palasyo ng gobernador heneral makalipas ang mahigit isang siglo, noong 1976.  
 
Sa kalahating minutong lindol ng 1863, 300 ang namatay at higit 200 ang nasugatan kabilang na ang mga nasa night market at mga nasa ospital, 1,172 na mga bahay at gusali ang gumuho.  
 
Serye ng mga lindol Maynila, July 14-25, 1880
 
Makalipas lamang ang 17 taon matapos ang lindol ng 1863, muling nagkaroon ng serye ng mga lindol, kabilang dito ang tatlong napakalakas.  Pinakamalakas dito ay Intensity 10.  Tinapos na nito ang kampanaryo ng Katedral ng Maynila na nakaligtas noong 1863. Ang dati nang nilindol at mahina nang  isa sa mga kampanaryo ng Simbahan ng San Agustin ay lalong humina, na naging dahilan ng tuluyang pagpapabagsak nito kalaunan.

"Ruby Tower" Earthquake, August 2, 1968

Isang malakas na lindol na nakasentro sa Casiguran sa ngayon ay lalawigan na ng Aurora. Intensity 7 nang maramdaman ito sa Maynila at nagkaroon ng mga structural damage ang mga gusali ng Aloha Theater, PNB, DBP, ang Pambansang Aklatan, at ang pabrika ng La Tondena.  
 
Ngunit ang pinakasikat na napinsala nito ay ang Ruby Tower. Akala ng mga bata noon kapag naririnig nila ang kuwento ay tore itong gawa sa alahas. Ngunit ang Ruby Tower pala ay isang anim na palapag na condominium sa kanto ng Teodora Alonso at Doroteo Jose sa Sta. Cruz.. Ang unang dalawang palapag nito ay mga komersyal na establisyimento. Itinayo lamang ito noong 1965 ng Solid Towers, Incorporated, tatlong taon bago ang lindol.  
 
Dahil 4:18 ng madaling araw naganap ang lindol, marami ang tulog at hindi nakalabas ng gusali. Karamihan sa kanila ay mga Tsinoy.  May 500 na agad nagboluntaryo sa rescue operation upang makuha ang mga nakaligtas na naipit sa mga guho.  
 
Noong tanghali, bumisita ang Pangulong Ferdinand Marcos at Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos sa guho ng Ruby Tower. Lumabas ang mga bayaning Pilipino ngunit mayroon ding mga nahuling dorobo na pinagtangkaang nakawan ang gusali.  
 
Sa ikalimang araw ng operasyon, nabuhayan ng loob ang lahat dahil sa pagkakaligtas ng magpinsang sina Suzie at Shirley Chan, bagamat sugatan at hinang-hina.  
 
Ngunit ang naging kapansin-pansin: Nakatayo at hindi halos naapektuhan ang iba pang mga gusali sa paligid ng Ruby Tower, gayong marami sa mga ito ay nakatayo na bago pa man ang World War II. Ang Ruby Tower lang ang nadurog.  
 
Ayon sa papel ni Dr. Ma. Luisa de Leon, dating tagapangulo ng UP Departamento ng Kasaysayan, “Kalamidad, Lipunan at Kasaysayan:  Anatomiya ng Lipunang Pilipino sa Konteksto ng Lindol ng 1968”:  “nagbukas ang insidente ng isang lata ng mga lihim na transaksyon ng pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan na maaaring ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling interes.”  
Sa imbestigasyon ni Mayor Antonio Villegas lumabas: May naglabas ng permit kahit na walang ipinakitang planong istruktural, hindi nasunod ang nakasaad sa mga blueprint ng gusali, hindi gumawa ng soil foundation at soil bearing tests, hindi regular ang inspeksyon sa konstruksyon at nagpalabas ng permit of occupancy kahit hindi pa nainspeksyon ang naitayong gusali.  
 
Natagpuan sa guho ang 292 na bangkay. Talaga naman, ang korupsyon sa pamahalaan, NAKAMAMATAY.  
 
Ilang repleksyon
 
Makakalimutin tayo sa kasaysayan. Minsan binanggit sa akin ni Atty. Marc Castrodes na isang posibleng ugat nito ay dahil sa mga kalamidad sa Pilipinas. Daanan kasi tayo ng bagyo at bahagi ng Pacific Ring of Fire.  
 
Tuwing may kalamidad, maaaring mawala ang naipundar natin, mamamatay ang ating mga mahal sa buhay. Kung didibdibin natin ang mga trahedyang ito, masisira ang ulo nating mga Pinoy, kaya ang coping mechanism natin ay makalimot. May punto.
 
Kagandahan lamang, sa panahon din ng mga kalamidad, lumalabas ang bayanihan ng mga Pinoy kung saan nagkakaisa tayo sa pagtulong bilang isang bansa.  
 
Ngunit ngayon, sa kabila ng hindi natin malaman kung kailan mangyayari ang “The Big One,” binibigyan tayo ng pamahalaan at ng modernong agham ng pagkakataon na kahit papaano aymakapaghanda.  Kasaysayan na ang nagpapakita sa atin na hindi malayong mangyari muli ito.
 
 
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.