ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

COMMENTARY: Annulment dahil sa pangit na sex life, puwede ba?


May nagtanong sa akin kung puwede bang magpa-annul ng kasal dahil sa hindi kaaya-ayang sex life. 
 
Ang sagot: depende. 
 
Kung ang dahilan ng reklamo ay dahil sa kulang sa husay o karanasan ang asawa, hindi ito sapat na batayan para sa annulment. 
 
Ang technique kasi sa pagsisiping ay puwede namang matutunan, at kahit na sinong walang alam tungkol dito ay matututo at huhusay, lalo na kung interesado ang isang tao. Mayroon din namang babasahin na nagtuturo ng technique. 
 
Kung may problemang pisikal na nagiging dahilan para maging mahirap ang pagtatalik - pero hindi imposible - hindi pa rin ito basehan para sa annulment. 
   
Ang problemang pisikal kasi ay makikita naman agad, lalo pa't ang mga nagmamahalan ay lagi raw nakatitig sa isa't isa. Kung magpapakasal pa rin sila sa kabila nito, ang ibig sabihin nito'y tinatanggap nila ang pisikal na problema at nagkasundo silang harapin ito nang magkasama. 
 
Pero kung ang isa sa mag-asawa ay walang kakayahan para isakatuparan ang pagniniig, at kung ito ay dahil sa isang problemang walang solusyon, maaring ipa-annul ang kanilang kasal. 
 
Kung ang ugat ng problema sa kama ay ang   ari ng lalaki (maaring sobra o kulang sa laki) o kaya ay sa ari ng babae (maaring sobra o kulang sa laki), walang basehan para sa annulment hangga't maari pa ring magtalik ang mag-asawa. 
 
Sa isang kaso noong 1997, matapos ang medical examination, natagpuan na ang isang mister ay may ari na umaabot lamang ng tatlong pulgada kapag ito ay nasa estadong dapat ay handa na sa pagtatalik. Hindi ito ang naging batayan ng Korte Suprema sa pagpapawalang-bisa sa kasal. Bagkus, sinabi ng Korte Suprema na may psychological incapacity ang lalaki dahil sa patuloy nitong pagtanggi na makipagtalik sa kanyang misis. 
 
Ang misis ang humiling sa korte na balewalain na ang kanilang kasal dahil baog daw at closet homosexual ang kanyang mister, at sa halos isang taon nilang pagsasama ay hindi nito ipinakita sa kanya ang kanyang ari. 
 
Kuwento pa niya, nakita niyang gumagamit ng eyebrow pencil at cleansing cream ng kanyang biyenan ang kanyang mister. 
 
Umamin ang mister na hindi sila nagtalik, pero dahil daw ito sa pag-iwas ng kanyang misis. Minsan daw ay pinilit niya ito, pero hindi raw ito natuloy dahil nanginig si misis at hindi raw nito gusto ang kanilang gagawin. 
 
Walang nakitang problema ang Korte sa tatlong pulgadang ari ng lalaki at sa paggamit nito ng eyebrow pencil at cleansing cream. Ang nakitang problema ng Korte ay ang pagtutol ng lalaki na magtalik sila ng kanyang misis. Layunin daw ng pagpapakasal ay ang pagtatalik at pagkakaroon ng anak. Ang hindi raw pagtupad sa obligasyong ito ay nakakabawas sa kabuuan ng matrimonyo.
 
Ang pag-iwas o pagtanggi sa regular na pagtatalik at pagiging makasarili sa pagsasama ay hindi normal. Ang pagsusuri ng lisensiyadong psychologist ay kakailanganin para malaman kung may ganitong problema ang isang tao. Matapos iyan, maaring dumulog sa korte para sa judicial declaration of the absolute nullity of the marriage dahil sa psychological incapacity.    
 
Sa isang kaso sa Korte Suprema noong 2009, nagreklamo ang isang misis dahil hindi raw siya nagiging maligaya tuwing magtatalik sila ng kanyang mister. Minsan sa isang buwan lang daw sila magsiping at hindi pa siya nasisiyahan. Tuwing susubukan niyang kausapin ang kanyang mister tungkol dito, sinasabi raw nitong ang pagtatalik ay sagrado at hindi dapat ikasaya o gawin nang madalas. 
 
Matapos ang psychological evaluation, lumitaw na ang pagtingin ni mister sa kanyang misis ay tulad ng pagtingin niya sa kanyang sariling ina, na siyang lider ng tahanan na kanyang pinagmulan. Ang matagal na pagsandal ni mister sa kanyang ina ay nakasira sa kanyang pagtingin sa sex at tiwala sa sarili. Wala rin siyang kakayahang tumindig sa sariling paa, at tumingin sa mundo bilang isang lalaking nasa edad na.
 
Nakita rin ng Korte na ang problemang ito ay naroon na bago pa man siya ikasal, at naging kapuna-puna dahil sa hamon ng buhay may-asawa. 
 
Idineklara ng Korte na walang bisa ang kasal mula sa simula, dahil batay sa ebidensiya ay bigo ang lalaki na hindi niya kayang magkaroon ng relasyong may-asawa dahil sa hindi niya maihiwalay ang imahe ng kanyang ina sa kanyang misis. 
 
Ayon sa Korte Suprema, ang pagpapawalang bisa sa kasal dahil sa psychological incapacity ng isang kapareha ay pagtatanggol sa pagiging sagrado ng matrimonyo. Sa pamamagitan daw nito, ang isang taong hindi makatugon sa obligasyon ng pagiging may-asawa ay pinalalaya. 
 
Gayunman, may mga batayan. Dapat malaman kung ang psyhological incapacity ay a)malala b) naroon na bago pa man ang kasal at c) walang lunas. 
 
Dapat din na ang psyhological incapacity ay nasa isip, hindi sa katawan, bagaman may pagkakataong makikita ito.
 
Dapat din na ang incapacity ay maipapakitang nagaganap na sa panahon ng kasal. Sabi kasi ng Korte “A marriage contracted by any party who, at the time of the celebration, was psychologically incapacitated to comply with the essential marital obligations of marriage, shall likewise be void even if such incapacity becomes manifest only after its solemnization.”
 
Sa ilalim ng batas, kasama sa obligasyon ng mga nagpakasal ang pamumuhay nang magkasama at nang may pagmamahalan. Ang pagmamahalang ito ay nagiging ganap kapag nagsisiping. Ang pagtanggi ng isa rito ay nakasisira sa matrimonyo. 
 
Pero paano naman kung masyadong madalas ang pagtatalik na gusto ng isa, at madalas ay tuyot na ang lakas ng kapareha? 
 
Ang mataas na libido ay hindi batayan para sa annulment. Pero kung nakakaistorbo na ito sa normal na pamumuhay ng mag-asawa, kailangan ang psychological evaluation para malaman kung ano ang ugat ng hypersexuality ng isa. 
 
Paano naman kung ang asawa ay may kakaibang gustong gawin kapag nagtatalik? O kaya ay nangangaliwa?
 
Ang perversion o pangangaliwa ay hindi batayan para maipawalang-bisa ang kasal, liban na lang kung mapapatunayang ito ay dulot ng isa pang mas malalim na problema. Muli, kailangan dito ng pagsusuri ng psychologist. 
 
Paano kung homosexual o lesbian pala ang isa at walang interes makipagtalik sa pinakasalan? 
 
Ang lesbianism at homosexuality ay batayan para sa legal separation, pero hindi sa annulment. Kapag legally separated, maaring paghatian ng mag-asawa ang kanilang ari-arian at mamuhay nang hiwalay. Gayunman, kasal pa rin sila sa isa't isa. 
 
Pero kung itinago pala sa kapareha ang lesbianism o homosexuality? Ito ay batayan para sa annulment dahil lumilitaw na pumayag ang kapareha sa kasal nang hindi alam na lesbian o homosexual pala ang mapapangasawa. 
 
Gayunman, hindi magagamit na dahilan ang lesbianism o homosexuality kung nagsama pa rin ang dalawa kahit nabisto na ng nagrereklamo ang kasarian ng asawa. 


 
Si Atty. Reeza Singzon ay isang trial lawyer na humahawak ng mga kasong may kinalaman sa family law at civil law. Kung may tanong o komento, ang email niya ay reeza.singzon@gmail.com
Tags: annulment, sex