ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
BUWAN NG WIKA

"Wer na u?" o kung saan patungo ang gula-gulanit nang wika natin


Pamilyar na kayo sa ganitong uri ng palitan ng text: “Wer n u? L8 k n” na sasagutin ng “W8 lng” at sasagutin naman ng “k.” At bilang pangwakas: “;-p”.
 
Hindi man kayo ang nagpadala, may malaking tsansang kayo ang nakatanggap lalo’t sa EDSA kayo dumaan para katagpuin ang kung sino man. Iyan ang mga mensaheng kulang-kulang o mali-mali ang baybay, mga akronim na lamang, o koda (code), mga mensaheng sadyang may mali sa gramatika, mga mensaheng sa pagmamadali, ay tigib na lamang ng katinig, numero, o—at ito ang napapanahon—smiley o emoticon.

Pero sa kabila ng kakulangan at kamaliang ito, malinaw namang naipararating ang ibig sabihin. Kaya kapag tinext ako ng asawa ko ng “Sn k n?” May pakiramdam akong hindi talaga gustong malaman ng asawa ko kung nasaan ako. Naroon ang takot at kilabot ko sa nais iparating talaga ng mensahe. Kaya dapat malapit na lamang ako sa amin, o kung nasaan man siya, para masagot ko ng “Malapit na po. Malapit na talaga, Beh.”
 
Dahil buwan pa naman ng wikang pambansa ngayon, magandang pagnilayan kung nasaan na ba ang maraming patinig sa mga mensahe, sa texting man o private message ng social network o sa chatting. Kung bakit naglalaho o kung hindi man tagtuyot na sa patinig ang mga mensahe nating nababasa.

Pero hindi lamang patinig, maaaring nawawalang pang-abay, naglahong pantukoy, tumakas na panlapi, naglayas na bantas, o kahit na ano pa mang linguistic symbol na kukumpleto sa isang maayos at wastong pahayag.

Gusto kong pagnilayan kung bakit nagkakagula-gulanit ang mga salita—ang wika!—dahil sa paraan ng nakararami sa pagpapadala ng mensahe. Gusto kong pagnilayan kahit na malayo sa putok ng kanyon na matawag akong isang linguist o grammarian. Ginagamit ko ngayon ang ilang mumunting angas ko sa pag-aaral ng Araling Filipino at pagtuturo ng Kulturang Popular at Malikhaing Pagsulat kaya ako naglakas-loob, nagpatibay ng hiya, na sumulat. 
 
Ganito, wala akong itatangi at wala akong value judgment na tama o mali sa kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan, bibitbitin ko ang pangunahing prinsipyo ng linguistic description na ipinanukala ni Larry Andrews, isang English-linguist, na nagsasaaad na dapat ilarawan ang penomenon ng pag-inog ng wika, na kabaligtaran naman ng linguistic prescription na nagpapatupad ng panuntunan kung ano ang tama o mali sa paggamit ng wika, na prinsipyong ibinabandila ng akademiya (kung saan ako nabibilang), ng peryodismo, ng panitikan, at mga sektor na may mahigpit na kahingian sa tamang paggamit ng wika.

Hindi ako magtutungayaw dito para itama ang bantad na kamalian sa pagsulat, at minsan ay pagsasalita, nang kulang-kulang o tulad nga ng nauna kong sinabi, pagkakagulanit ng wika. Hindi sa pagkakataong ito.
 
Sa iba marahil, titingnan itong bahagi ng nagbabagong panahon dahil katangian naman talaga ng kahit anong wika ang magbago (iyang 70s’ jeproks, tadbalig, erbi, lonta), pero pwede ring moda (jeje?), koda o code (beki?), antas o kolektibang kinabibilangan sa lipunan (coño?), na naghahati-hati sa language-users sa kani-kanilang sociolect. 
 
Sa pagkakagula-gulanit ng wika (hindi ko alam kung eksklusibo ito sa wika natin, o sa mga wika natin), ang nakikita kong pangunahing dahilan ay ekonomiya. Oo, tama ang basa ninyo. Ekonomiya, pera. O kawalan natin nito. Ganito kasi iyon.
 
Noong unang panahong wala pang selfie, text o email o chat, at hindi pa laganap ang landline, liham ang pangunahing paraan upang maipabatid ang nais ipahayag sa malayong lugar na gusto mong paratingan ng mensahe.

Sulat. Pwedeng iabot lalo kung hindi masabi ng harapan ang nais sabihin, o pupwede ring ipadala. Na mas kilala ngayon sa nakapanlulumong tawag na snail-mail. Para sa mga kabataang mambabasang hindi na inabot ang nakapanghihilakbot na paraang ito, ganito ang snail-mail. Gamit ang primitibong kagamitan tulad ng papel at bolpen, isusulat ang nais sabihin. Ititiklop ang papel sa isang sobre, minsan sa tatlong bahagi lalo na kung love letter para daw ang ibig sabihin ay “I love you.” 
 
Isasara ang sobre sa pamamagitan ng pagbasa sa flap (didilaan kung nagmamadali?). Isusulat sa labas ng sobre ang ngalan ng indibidwal na nais mong sulatan. Siyempre hindi makararating ang sulat kung walang nakasulat na address. Hindi aalis ang sulat sa iyong poder kung hindi mo ito dadalhin sa uugod-ugod na institusyong tinatawag na koreo, o postal service.

Kapag naroon ka na sa karaniwa’y lumang gusali, bibili ka na ng selyo. Depende sa layo ng padadalhan mo lalo na kung nasa ibayong-dagat, o bigat ng bungkos ng papel sa loob ng sobre, ang presyo ng selyo. Babasain mo ang selyo (o didilaan?) at ididikit sa sobre. Ihuhulog sa kahong gawa sa bakal ang sobre, at matapos ang ilang araw, matatanggap na ng nais mong sulatan. 
 
Depende ang bilis ng sulat. Dati, nang may sinusulatan pa ako sa Lucban, mula Valenzuela, mga apat na araw. Kung pakiramdam ko’y mahalaga ang sasabihin ko, dagdag na bayad sa kung tawagin ay priority mail na darating sa kidlat-sa-bilis na dalawang araw.

Pero may mahahalagang okasyon na nangangailangan ng lubhang mabilis na pagpapabatid ng mensahe. Karaniwan ay masamang balita. Sa loob ng kulang-kulang isang araw, maipapabatid ang mensahe sa pamamagitan ng telegrama. At sa telegrama nagsimula ang lahat.  Dahil kada salita ang padala sa telegrama. Dahil mahal ang bawat salita kaya telegrama ang unang nagsawalang-bahala sa gramatika at masasabing maayos na gamit sa wika. Karaniwang malagim ang ibinabadya ng telegrama: “Uwi ka anak, tatay wala na. Atake. Burol sa atin.” Deretsuhan dahil hinihingi ng sitwasyon ang balanse ng malinaw na mensahe at ang kakayahang magbayad ng nagpapadala. Na sinundan ng beeper.

Pero ang higit na dahilan ng kung anong pagkakagulanit ng wika ngayon ay dulot ng mamisong text.
 
Bago pa dumating ang unlimited texting promo ng mga kompanya ng telecommunications, sa loob ng 160 characters, dapat mabisang maipahayag ng magpapadala ang kaniyang mensahe. Maraming gustong sabihin ang PInoy kung kaya tinagurian tayo noon, hanggang ngayon, na texting capital of the world. At kamakailan, batay sa deklarasyon ng mga delegado ng bigong kampanya natin para dito ganapin ang Basketball World Cup, social networking capital na diumano tayo. Na hindi na nakapagtatakang ideklara ng kinauukulan na kasama na sa pangunahing pangangailngan natin ang load para sa text at aksesibilad sa Internet, kasama ang pagkain, tirahan, damit, edukasyon. 
 
Naisantabi ng karamihan sa atin ang tamang pagbaybay at tamang gamit ng wika dahil kailangang maipahayag natin sa napakalimitadong bilang ng character ang nais nating sabihin. Nakasanayan ng karamihan sa atin ito. Katwiran natin, ano ba naman kung tama o mali ang spelling? Basta tama ang mensaheng tinataglay ng baku-bakong pangungusap, ayos na. Dahil kung tutuusin, hindi ba’t iyon namang pagpapadala at pagtanggap ng mensahe ang silbi talaga ng wika?
 
Hindi ko alam kung ako lang, at ang ilang kaibigang guro, ang nakararanas nito. Nagpapasulat ako sa klase, kompyuterisado. Oo nga’t may limitasyon ang dami ng salita, lalo na sa mga subject na ang requirement ay magsulat, pero madalas akong nakakaengkuwentro ng mga salita at paraan ng paglalahad na sa texting ko lang nababasa. Na kung isa-isa kong itatama, isa-isang iuukilkil ang kamalian na dapat sana’y noong elementarya o sekondarya pa natutuhan, ay baka maubos ang semestre nang hindi ako natatapos magtsek.
 
Saan ito galing? Sa text. Kung bakit nadadala ang kamaliang ito sa akademikong sulatin ay maibibintang ko lang sa sinasabi ng neuro-surgeon na Ingles na si Maxwell Maltz, ayon sa kaniyang aklat na “Psycho-Cybernetics” na tumatalakay kung ano ang katangian at kailan dumarating sa isang indibidwal ang habit. Dahil habit nang matatawag ang paraan ng pagbaybay ng “d2 na me.” At tulad ng kahit anong habit (tandaan sanang wala akong value judgment kaya hindi ko tatawagin itong bad habit), mahirap itong tanggalin, o ituwid. Lalo na ng isang matandang institusyon tulad ng akademiya.
 
Dahil temporaryo lamang ang oras sa loob ng akademiya at hindi hamak na mas matagal ang ginugugol na panahon ng bawat isang nagdi-“d2 na me” sa labas ng institusyong mahigpit ang pagpapatupad ng prescriptive linguistics. At dahil naniniwala akong mundo ng nagmamadali ang dulot ng Internet at texting kung kaya ang pagtatama sa nais ipahayag ay nasa likod na lamang ng kanilang prayoridad, nasa likod kasama ng matandang planong mag-diet, o magsipag. 
 
Ano na ngayon ang kinakaharap ng pagkagulanit ng wika? Malabo. Lalo pa’t dumarami ang platform sa Internet at teknolohiya na nagpapalaya sa mga gagamit ng wika palayo sa masinsing patakaran kung paano ito tamang gamitin. Gayunman, mananatiling tagapagbandila ng wastong paggamit ng wika ang fourth estate, o ang media.

Bagamat may ilang pagkakataong mapapansing mayroon ding kamalian, maibibintang na ito sa maluwag na editing. Kasama ng media sa krusadang ito ng wastong pagsulat at pagsasalita ang ilang sektor na nakabatay sa maayos na paggamit ng wika tulad ng business process outsourcing industry, at siyempre, ang akademiya, kung saan ako kabilang. Patutuloy na ituturo ng akademiya ang wasto, ang pinakamabisang paraan ng pagpapahayag nang hindi nasasakripisyo ang pagmamadali, ang pan-load sa mga gadget at cellphone. O maaaring mali din ako. 
 
Ilang beses ko na itong napapansin. Ang mismong kakilala kong guro, ang mismong dapat ay nagtuturo ng wastong gamit ng wika ay nagpo-post sa social network ng ginulanit na wikang dapat itinuturo niya nang maayos, Ingles man itong itinuturo niya o Filipino, o anumang subject na kailangan ang tamang pagpapahayag. Sa ganitong pagkakataon ako nagkakaroon ng value judgment.

Naisip ko, paanong ituturo ng mga gurong ito ang wastong gamit sa wika kung sa pang-araw-araw nilang pagsulat—kahit pa sabihing mundo ng nagmamadali ang Internet at cellphone—ay nagdi-“d2 na me” siya? 
 
Delikado ang trabaho naming mga guro ng wika, kultura, at panitikan. Lalo na ngayong laganap ang aksesibilidad—text, chat, email, o status man sa social network—sa isusulat ko, sa ihahayag ko bilang guro at manunulat. Itinuturo ko, sa abot ng aking limitadong makakaya, ang wastong paggamit sa wika. Kaya may pananagutan ako sa makatutunghay, mag-aaral ko man o karaniwang follower, na gagamitin ko nang wasto ang wika.

Oo, kahit na sa pagte-text ng “Malapit na po. Malapit na talaga, Beh.”  


 
Bukod sa titser ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa UST, Writing Fellow din si JOSELITO D. DELOS REYES sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Siya rin ang may-akda ng mga aklat na PAUBAYA, iSTATUS NATION, at TITSER PANGKALAWAKAN. Kasapi siya ng Museo Valenzuela Foundation at Lucban Historical Society. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang disertasyon para makamit ang Ph. D. Philippine Studies mula sa De La Salle University.  Siya ang recipient ng 2013 NCCA Writers’ Prize para sa maikling kuwento at ng 2013 Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino.