Quirino: Pangulong mahusay, dakila at may EQ
Elpidio Quirino’s 125th birth anniversary coincided with the week of the Asia-Pacific Economic Cooperation 2015 meet in Manila. His idea 65 years ago of having a Pacific Union was a vision that foreshadowed the South East Asia Treaty Organization (SEATO) and the APEC.
***
Noong November 16, 2015, ipagdiriwang ng bansa ang ika-125 taong kaarawan ni Pangulong Elpidio Quirino, ang unang Ilocano President, da original Apo Lakay.
Sa matagal na panahon, palaisipan sa akin kung bakit ang mahahalagang kalsada sa Kamaynilaan na Quirino Highway at Quirino Avenue, pati na rin ang Quirino Province, at ang iba’t ibang Quirino schools sa bansa ay nakapangalan sa kanya. Deserving ba siya nito, e kapag pinag-uusapan ang kasaysayan ng Pilipinas ay dinadaanan lang siya?
Gayundin, ang naaalala lamang sa kanyang administrasyon ay talamak raw ang korupsyon at nagmamay-ari raw siya ng isang Golden Orinola. Elitista raw kasi hitsura ni Kuya at mahilig mag-party.
From Guro to Pangulo
Si Elpidio Quirino ay isinilang sa kulungan ng Vigan noong November 16, 1890. Isinilang siya doon hindi dahil kriminal ang kanyang mga magulang, kundi dahil ang kanyang ama na si Don Mariano ay warden ng karsel na iyon.
Nag-aaral pa lamang siya ng mataas na paaralan noong 1906, sa edad na 16, nang kinuha na si Pidiong na guro ng elementarya dahil nangailangan ang barrio ng Caparia-an, Agoo, La Union. Limang buwan siyang naging guro doon kaya naman ang tema nang pagdiriwang ngayong taong 2015 ay “Guro to Pangulo: One Educator’s Journey to Greatness.”
Sa kanyang naipon, nakalipat siya ng pag-aaral sa Manila High School at bilang working student, nakapagtapos ng siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1915. Pumangalawa rin siya sa bar exam. Si Quirino mismo ay hindi mayaman subalit napangasawa niya ay mula sa isa sa pinakamayamang angkan sa Vigan, si Alicia Sy-quia. Nang madiskubre siya ni Senate President Manuel Quezon, nagsimula na ang kanyang pag-angat sa pulitika, naging mambabatas, senador, miyembro ng Independence Mission at delegado ng Constitutional Convention. Humawak din siya ng mga posisyon sa Gabinete. Siya rin ang unang dekano ng Adamson University College of Law.
Pagsubok na magpapatibay kay Quirino
Ang pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas ay malaking dagok sa buhay ni Apo Pidiong. Sa pagsuporta niya at ng kanyang kapatid na si Antonio sa mga gerilya, sila ay inaresto at 15 araw na ikinulong sa Fort Santiago ng mga Hapones.
Noong nalalapit na ang pagdating ng mga Amerikano, tinanggihan niya ang mungkahi na tumungo na siya at ang kanyang pamilya sa Baguio. Tinamaan ng bomba ang kanilang duplex na tinitirhan sa Maynila at dahil dito ay naatake sa puso ang ina ni Alicia at kinailangan nilang lumipat sa katabing bahay.
Noong February 12, 1945, habang sinusubukang tumakas dahil sa gutom ang mga Quirino, nakita sila ng mga tauhan ng Japanese Navy at pinagbabaril sila. Patay ang anak niyang si Norma at ang asawang si Alicia na kalong-kalong ang anak na si Fe Angela, na tinuluyan ng mga hapon sa pamamagitan ng bayoneta. Natamaan ng shrapnel si Armando habang binabawi ang mga katawan ng kapamilya.
Si Elpidio ay nagbabalot pa lamang ng mga damit at hindi pa nakalalabas. Tila tumigil ang kanyang mundo nang makita ang katawan ng mga mahal sa buhay. Nang ligtas na ang paligid, bumalik siya sa kanilang tahanan at nakitang buhay pa ang kanyang mga anak na sina Vicky at Tommy na nakatakbo mula sa eksena, bagama’t ang babae ay sugatan sa binti.
Ang isa sa pinakamataas na tao sa bansa, ay nagpabalik-balik na tumawid sa Ilog Pasig buhat-buhat ang mga kapamilya, siyam lahat kabilang ang iba pang mga kamag-anak, upang bigyan ng maayos na libing. Wala na ang kanyang asawa at tatlo sa kanyang limang anak.
Pangulong Mahusay: Si Quirino Bilang Ama ng Philippine Foreign Service
Sa muling pagtatag ng pamahalaan matapos ang digmaan, hinirang ni Pangulong Manuel Roxas na unang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Ikatlong Republika si Elpidio kasabay ng pagiging Pangalawang Pangulo noong 1946. Ayon kay Dr. Ricardo José, diplomatic historian mula sa UP Departamento ng Kasaysayan, gamit ang karanasan sa pagsama-sama kay Quezon bilang kanyang kalihim sa mga Independence Missions sa Estados Unidos at ang karanasan sa pakikipag-usap sa mga matataas na opisyal na mga dayuhan, itinatag ni Quirino ang Department of Foreign Affairs “from scratch.”
Hindi naglaon, kanyang ipapatupad ang mga eksamen para sa mga magiging diplomat ngunit tulad ng sinabi ni Dr. José, “But since the department was still being built, its first members were appointed directly, based on Secretary Quirino’s recommendation.” Nakapagbukas din tayo ng diplomatikong relasyon sa 27 na bansa. Isang kahanga-hangang tagumpay sa isang maliit at bagong bansa pa lamang.
Sa kanyang pakikipagnegosasyon sa mga Amerikano, sinikap niyang itaguyod ang interes ng mga Pilipino. Bagama’t mahirap. Nasabi nga ng isang Amerikanong diplomat sa inis sa kanya, “The trouble with Quirino is that he is taking Philippine Independence too seriously.” Nagawa niyang bawasan ang bilang ng mga lugar na mananatiling base-militar sa Pilipinas mula 70 hanggang 23 na lamang.
Nang maging pangulo, napilit niya ang mga Amerikano na gawing iron clad ang kanilang pagtatanggol sa Pilipinas kung sakaling manganib ang bansa sa pamamagitan ng paghingi ng Mutual Defense Treaty, na hanggang ngayon ay batayan ng ating pakikipagkaibigan sa Estados Unidos.
Isang indikasyon na tumitingin na sa ibang lugar liban sa Amerika si Quirino para sa pagkakaibigan ng bansa ay ang pagpapahalaga niya sa Asya.
Noong Mayo 26-30, 1950, pinulong ni Quirino ang Southeast Asia Union Conference sa Lungsod ng Baguio, kilala sa tawag na Baguio Conference. Nagbunga ang pulong ng mga hakbang tungo sa pagtutulungan ng mga bansang Pakistan, Thailand, India, Ceylon, Australia, Indonesia at Pilipinas sa mga usapin ng kultura at ekonomiya.

Ipinilit ni Quirino ang isang samahan ng mga bansa na tatawaging Pacific Union upang pagkaisahin ang mga bansa sa Asya-Pasipiko na makipagtulungan sa isa’t isa. Kaso inisnab ng Amerika at India ang mungkahi dahil sa iba-iba ang isinusulong na ideolohiya ng mga bansang pagsasama-samahin. Panahon iyon ng pagsisimula ng Cold War at ilag ang US sa mga komunistang bansa lalo na sa pagkilala ng People’s Republic of China.
Masyado pang maaga sa panahon ang ideya ni Quirino.
Pagdating ng panahon, ang Amerika na mismo ang gagawa ng ideya ni Quirino sa pamamagitan ng pagtatatag ng South East Asia Treaty Organization (SEATO) sa pag-igting ng Cold War. Ipagpapatuloy rin ang pakikipagtulungang ekonomiko at kultural ng mga bansa sa mga samahang itatatag pagdating ng panahon—Malaysia-Philippines-Indonesia (MAPHILINDO), Association of South East Asian Nations (ASEAN) at ang Asia Pacific Economic Cooperation o (APEC) na nagpupulong ang mga pinuno ngayong linggo sa Maynila.
Ayon kay Dean Gloria Santos ng Philippine Historical Association, “Quirino is regarded as the Father of Foreign Service for as the first secretary of foreign affairs, he was responsible for the establishment, development, and growth of the foreign service.”
Pangulong Dakila: Isang pinunong may malinaw na plano
Si Quirino ang kauna-unahang pangulo na naglatag sa industriyalisasyon ng sariling bansa bilang batayang hakbang tungo sa pag-unlad nito.
Ngunit hindi lang ito bola, kongkreto niya itong ipinakita sa pagtatatag ng mga hydroelectric plants tulad ng Ambuklao Dam at maging sa Mindanao sa pamamagitan ng Maria Cristina Falls hydroelectric at fertilizer plants; Nagpatayo ng irigasyon sa mga Ilog Agno at Pampanga at nagpamahagi ng lupa sa Isabela, Cotabato, Bukidnon at Lanao. Siya din ang lumagda ng batas na nagtatatag ng Central Bank of the Philippines, ang pangunahing institusyon ng pananalapi sa Pilipinas.
Gayundin hindi niya kinalimutan ang kanyang pinagmulan. Malapit-lapit sa bituka ng mga tao ang pagsulong niya ng Minimum Wage Law, ang pag-amyenda sa Women’s Compensation Act at ang 8-hour Law upang maipatupad na ito ng maayos, at ang mga proyektong pabahay sa Lungsod Quezon, na ginawa niyang kabisera ng Pilipinas, para sa mga ordinaryong empleyado ng pamahalaan.
Upang ipakita ang sinseridad ni Quirino na makinig sa kahilingan ng mga rebeldeng komunistang Huk, pinadala niya ang kanyang kapatid na si Antonio upang makipagnegosasyon sa Supremo nilang si Luis Taruc, at pinatuloy ni Quirino sa sariling tahanan si Taruc sa pagbaba nito sa kabundukan, sa kabila ng dami ng mga hotel na mayroon na noon. Dito makikita na nais makipag-usap ni Quirino sa mga rebelde bilang kapamilya niya. Nang bumagsak ang pag-uusap at pinatay ng mga Huk sa isang ambush ang kabiyak ng kanyang mentor, si Doña Aurora Aragon Quezon noong 1949. Pinagpatuloy niya ang pagpapatupad ng kahilingan ng mga Huk sa pamamagitan ng kanyang mga programa para sa social amelioration, na pagdating ng panahon ay magiging Social Security System, pagpapautang para sa kagamitan at pangangailangan sa pagtatanim ng mga magsasaka at ang pagpapautang para sa pagpapatayo ng pabahay, na pagdating ng panahon ay magpapatuloy sa pamamagitan ng PAGIBIG Fund.
Hindi lamang may talino, may puso din
Ngunit hindi lamang talino, may puso rin si EQ. Bagay nga sa kanya ang initials niya, may emotional quotient (EQ) siya.
Ipinakita ni Quirino ang kanyang EQ sa ilang mga pagkakataon. Ang mga White Russians, mga residente ng Rusya na tagasuporta ng Czar at mga anti-komunista, ay tumakas noong panahon ng 1917 Bolshevik Revolution patungo sa Tsina.
Nanganib ang buhay nila dahil sa pagwawagi ng mga Komunista sa Tsina. Lumikas sila ngunit walang bansa sa daigdig ang gustong tumanggap sa kanila. Hindi ito nakapagtataka, kakatapos pa lamang ng digmaan at ang mga bansa ay problemado pa rin sa kani-kanilang mga suliranin. Gayundin, 6,000 katao sila.
Sa kabila nito, si Quirino lamang ang tanging pinuno sa mundo na dagling kumupkop sa kanila at pinatira sila sa Tubabao Island, Guiuan, Eastern Samar sa loob ng tatlong taon. Sa kanyang pagbisita doon, ipinagiba niya ang mga pader upang ipadama sa mga ito na malaya sila sa bayang ito.
Nang manganib ang demokratikong pamahalaan ng South Korea nang salakayin ito ng North Korea sa tulong ng mga Tsino noong 1950, tumugon muli si Quirino sa kahilingan ng United Nations na magpadala ng mga batalyon na tutulong na pigilin ito. Nagningning ang galing ng Pilipino sa pakikipagdigma sa Digmaan sa Korea, ang pinakaunang pakikidigma ng mga Pilipino sa dayuhang bansa.
Sinabi sa kanila ni Quirino, “…You who are to go now will be the first to carry the flag of your own sovereign nation abroad in the war for freedom…. Poor as we are, this country is making a great sacrifice in sending you there but every Peso invested in you is a sound investment for the perpetuation of our liberty and freedom.”
Noong 1953, nilapitan si Quirino ng kanyang manugang na si Luis “Chito” Gonzales, kakakasal pa lamang niya sa anak ni Quirino, ang Unang Ginang Vicky Quirino, at sinabi niya sa pangulo, “Papa, I want to go to war.”
Digmaan ang halos umubos sa kanyang pamilya nang walang awang patayin ng mga Hapones ang kanyang asawa at tatlong anak. Buntis ang Unang Ginang at maaaring manganib ang buhay ng asawa ng kanyang anak dahil muli sa isa na namang digmaan.
Ngunit, ang tugon ni Quirino, “If you go to war, then my son has to go with you!”
Kaya naman, si Lt. Tommy Quirino ay nagsilbi sa Korean War bilang tagapag-ugnay ng komunikasyon habang si Lt. Chito Gonzales ay nagsilbi bilang reconnaissance pilot doon at nabigyan pa ng Military Air Medal ng Estados Unidos at ng Korean Pilot Wing Medal ni Pangulong Syngman Rhee dahil sa kanyang katapangan.
Ibinigay din ni Chito sa kanyang mga kasamahan ang suweldo niya sa dalawang buwan niyang paninilbihan.
Ayon kay Quirino sa mga kasapi ng 14th Battalion Combat Team, “I sent ahead of you, my only son and my son-in-law to offer their blood in the defense of democracy. Thus, my pride will be that with my own flesh and blood, I shall have participated in your coming struggle and victory for the honor and prestige of our country.”
Bayan o sarili? Bayan ang pinili ni Quirino.
Ngayon, ang South Korea ay isa nang maunlad na bansa. Hindi sana naisakatuparan ito kung hindi lumaban ang 16 na bansa, at kasama po riyan ang Pilipinas.
At sa kabila ng pag-ubos ng mga Hapones sa halos kanyang buong pamilya noong World War II, noong July 4, 1953, habang nagpapagamot sa John Hopkins Hospital, nagbigay siya ng Executive Clemency sa 437 na mga nananatiling Japanese War Criminals na ilang taon na ring nakapiit sa bansa.
Hindi ito maintindihan ng marami subalit ayon sa kanya, maaari pa nating maging kaibigan ang mga Hapones para sa interes ng bansa. Nais niyang maghilom na ang sugat na iniwan ng digmaan.
Anong klaseng tao ito na imbes na paghihiganti ay pang-unawa ang kanyang isinukli sa mga taong gumawa sa kanyang pamilya ng masama?
Isang maginoo, isang disenteng tao.
Hatol ng Kasaysayan
Nakakalungkot isipin na ang naaalala ng marami sa kanya ay ang hindi niya napigilang korupsyon sa bansa sa kabila ng kanyang mga pagsisikap. Kasi naman mismong mga kapartido niya ay bahagi ng kanyang sakit ng ulo at mismong kumalaban sa kanya. Maging ang CIA ay tinulungang silang siraan siya.
Ipinakalat ng mga kalaban niya na mayroon siyang Gintong Orinola, na ayon sa mga historyador “doesn’t make sense.” Ayon sa kanyang anak at Unang Ginang Vicky Quirino, ayaw gumamit ng ama niya ng orinola at kahit maysakit kailangang dalhin sa banyo. Ngunit tumugma ang paninira na ito sa imaheng elitista, na mula estudyante pa lamang ay nais nang laging magmukhang presentable, naka-amerikana. Isang taong mahilig sa kasiyahan at sa mga magagandang bagay sa buhay.
Ngunit buong buhay niya iisa lamang ang kanyang naging ari-arian: ang kanyang huling tahanan sa Novaliches, sa ngayon ay Quirino Highway. Ang iba ay ari-arian na ng kanyang asawang mayaman. Ang kanyang pamilya rin ay nagpatuloy na mamuhay ng marangal matapos siyang mamatay noong 1956.
Ayon kay Quirino, “So conduct yourself that both in public and in private life you can always look straight into any man’s eyes and tell him ‘Go to hell!’ ”
Sa kanyang kaarawan, binabalikan na ng mga historyador ang kanyang pamana at nakikita na sa paglipas ng panahon at sa paghahambing sa mga sumunod pang mga pangulo, hindi na masama, bagkus magniningning pa ang kanyang rekord. Dahil ayon nga sa respetadong dating UP President na si Salvador P. Lopez sa kanyang talambuhay kay Qurino na The Judgment of History, “With the passage of time, Elpidio Quirino stands taller still in the Pantheon of Philippine Presidents… He deserves to be enshrined in the hearts of the Filipino people not only as First Diplomat and eminent… President of the Republic of the Philippines, but in the sober judgment of many, as the greatest and the best.”
Isinabuhay ni Apo Pidiong ang mga salitang binitiwan niya sa kanyang talumpating pampasinaya, ang pinakamaikli sa kasaysayan ng bansa, matapos na mamatay ang Pangulong Roxas, "Tolerance, Goodwill and Love."
***
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.