Kasaysayan, tradisyon at kahalagahan ng inagurasyon
President Duterte wishes to have a simple Inaugural, a break from tradition. But what are the traditions that he will break?
Sa Huwebes ay pasisinayaan na ang bagong pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas. E ano naman ito sa atin?
Nangangahulugan ito ng mapayapang pagpapatuloy ng ating pamahalaan na hindi katulad halimbawa ng nangyari noong digmaan, o noong People Power Revolution o noong EDSA Dos na masalimuot ang pagkakaroon ng bagong pamunuan. Ang pagpapasinaya ay nangangahulugan ng tagumpay ng demokratikong proseso sa bansa at affirmation ng mandato na ibinigay sa pangulo ng sambayanang Pilipino.
Ayon sa Article VII, Section IV ng Saligang Batas ng 1987, magsisimula ang termino ng pangulo at pangalawang pangulo na kada-anim na taon ng June 30 matapos ang halalan. Pero bago ang Martial Law, December 30 ito ginagawa, Araw ni José Rizal. Tigib ng kahulugan at kasaysayan ang mga seremonya at protocol ng inagurasyon.
Ngunit ang pangulong-halal, Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay nagnanais ng isang mas simpleng inagurasyon sa Rizal Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malacañang. Ito rin ang unang pagkakataon na hiniling ng isang pangulo na maging hiwalay ang kanilang inagurasyon ng pangalawang pangulong-halal, Leni Gerona Robredo. Interesanteng makita kung ano ang mga tradisyon na isasagawa at mawawala batay sa naging mga inaugurasyon sa ating kasaysayan.
Ang ina ng mga inagurasyon: Ang inagurasyon ni Pangulong Manuel Quezon noong 1935
Balikan natin ang ina ng mga inagurasyon na ito sa bansa—ang pagpapasinaya ng Pangulong Manuel Luis Quezon bilang Unang Pangulo ng Komonwelt. Bagama’t nagkaroon ng pagpapasinaya ang Unang Republika at ang unang presidente nito na si Emilio Aguinaldo noong 1899 sa Malolos, Bulacan, marami sa ating mga tradisyon sa inagurasyon ay nagmula sa mga inaugurasyon ng pangulo ng Estados Unidos, na siyang naging modelo ng inagurasyon ni Pangulong Quezon.
Naganap ang seremonya sa Legislative Building, ngayon ay National Museum, noong November 15, 1935, tulad nang kung paano ito isinasagawa ng regular sa Kapitolyo ng Estados Unidos. Ang mga detalye ay makikita sa opisyal na Blue Book ng selebrasyon, ang dokumentasyon ng inagurasyon. Ang mga sumunod na inagurasyon ay nagkaroon din ng mga aklat para lamang sa espesyal na araw na iyon—sapagkat makasaysayang araw naman talaga.
Tumungo ang Secretary of War Hon. George H. Dern at ang Gobernador Heneral Frank Murphy mula Malacañang patungo sa seremonya kasama ang isang cavalry escort. Gayundin ang pangulong-halal at ang kanyang pamilya na magmumula naman sa Pasay, may cavalry escort rin.
Sa ganap na 7:10 a.m. binuksan ang likurang mga pintuan ng gusali para sa mga magsisipagdalo na dapat nakaupo na sa ganap na 7:40 a.m.
7:45 a.m. nagsimula ang processional march ng mga matataas na opisyal ng pamahalaang Amerikano at Pilipino. Pinakahuling pumasok ang Pangalawang Pangulong-halal ng Pilipinas Sergio Osmeña.
8:10 a.m., isang bugle call ang naghayag ng pagpasok ni Gobernador Heneral Murphy at ng Pangulong-halal Quezon, at sa tunog ng apat na ruffles (drum rolls) at apat na flourishes (trumpet blasts) at ng “Hail to the Chief” tumungo si Quezon sa kanyang upuan.
Nang ilagay ang bandilang Amerikano, pinatugtog ang Pambansang Awit ng Amerika. Sakop pa kasi tayo noon.
Sa ganap na 8:15 a.m., nanalangin si Gabriel M. Reyes D.D., Arsobispo ng Cebu, nagsalita ang Hon. Dern, at matapos na basahin ng Gobernador Heneral Murphy ang proklamasyon ng resulta ng halalan, tumayo ang lahat sa sagradong oras ng panunumpa ng pangulo, na pinangunahan ni Ramon Avanceña, Punong Mahistrado ng Korte Suprema ng Pilipinas:
“I, Manuel Luis Quezon, hereby solemnly swear that I will faithfully and conscientiously fulfill my duties as President of the Philippines, and I hereby declare that I recognize and accept the Supreme Authority of the United States of the Philippines and we maintain true faith and allegiance thereto, So help me God.”
Matapos nito, nagkaroon ng gun salute, ruffles and flourishes at pinatugtog ang Pambansang Awit ng Pilipinas, “Land of the Morning.” Matapos nito, nanumpa naman si Pangalawang Pangulo Osmeña.
Matapos basahin ni Hon. Dern ang pahayag sa ngalan ng Pangulo ng Amerika na ang pamahalaang Pilipino ay mayroon ng kapangyarihan batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, nagsalita ang Pangulong Quezon ng kanyang talumpating pampasinaya sa oras na 8:45 a.m.
Nagkaroon ng inaugural parade at matapos nito, sa ganap na 9:30 a.m., tumungo si Quezon sa Malacañang para sa ritual climbing of the stairs. Ginawa niya ito na inaalala ang alamat ng pagsusumamo sa mga hagdang ito ng ina ni Rizal upang magmakaawa para sa buhay ng kanyang anak sa dayuhang mga Espanyol. Ang kanyang pag-akyat bilang unang pinunong Pilipino na mamumuno mula sa Palasyo ay isang pag-angkin dito at paalala na walang Pilipino na kailangang magmakaawa para sa kanyang buhay.
Step-by-step: Gabay sa mga tradisyon ng inagurasyon
Mula noon, bawat pangulo ng Pilipinas ay nagbigay ng kakaibang ambag sa kasaysayan nito.
Nagsisimula ang bawat inagurasyon ng bagong pangulo sa tradisyunal na pag-alis ng pangulong-halal sa kanyang sariling tahanan upang sunduin ang aalis na pangulo sa Palasyo ng Malacañan na sinimulan noong panahon ng inagurasyon ni Manuel Roxas nang sunduin niya si Sergio Osmeña noong 1946.
Sa loob ng Palasyo, madalas nag-uusap pa ang dalawang pangulo. Mayroong panahon na biniro ni Elpidio Quirino ang nakatalo sa kanya na si Ramon Magsaysay na subukan nang maupo sa opisina ng Pangulo noong 1953. Ngunit nang ibalik ang tradisyon noong 2010, hindi na umakyat si Noynoy Aquino sa mismong tanggapan ng Pangulo. Siya ay sinalubong ni Pangulo sa hagdanan.
Matapos nito, kadalasang bababa sa hagdan ang dalawa at sasakay na magkasama sa kotse patungo sa lugar ng inagurasyon.
Noong una, sa Legislative Building ginagawa ang inagurasyon subalit naging paborito ang Independence Grandstand at ang replica nito, ang Quirino Grandstand sa Luneta simula ng inagurasyon ni Roxas bilang unang Pangulo ng Ikatlong Republika noong July 4, 1946.
May mga pagkakataon na kahit ibang lugar ang pinipili para manumpa, binibigkas pa rin ang inaugural speech sa Luneta, tulad noong kay Joseph Estrada noong 1998 na nanumpa sa Barasoain Church sa Malolos tulad ng ginawa ni Emilio Aguinaldo noong Unang Republika at sa ikalawang inagurasyon ni Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 na naumpa pagkatapos ng kanyang talumpati sa Luneta sa Kapitolyo naman ng Cebu.
Ang darating na inagurasyon ni Rodrigo Roa Duterte ang ikalawang pagkakataon na ang pormal na inagurasyon ay gaganapin sa Palasyo mismo. Ang una ay noong ika-apat na inagurasyon ni Ferdinand Marcos sa mismong araw ng EDSA noong February 25, 1986. Bago ito, sa biglang pagkamatay ng dalawang pangulo, sa Malacañang din isinagawa ang panunumpa ng pangulo (sa panunumpa ni Elpidio Quirino noong 1948 pagkamatay ni Manuel Roxas, at sa panunumpa ni Carlos Garcia noong 1957 sa pagkamatay ni Ramon Magsaysay). Bagama’t hindi ito maituturing na pormal na inagurasyon dahil hindi pagdiriwang kundi trahedya ang pagkamatay ng isang pangulo.
Sa mga kakaibang mga pagkakataon tulad ng digmaan at pulitikal na kaguluhan, ang panunumpa ng Pangulo ang nangyari sa Malinta Tunnel, Corregidor Island (ikalawang inagurasyon ni Manuel Quezon noong 1941), sa Washington, D.C. sa Estados Unidos (ikatlong inagurasyon ni Manuel Quezon noong 1943 at panunumpa sa katungkulan ni Sergio Osmena noong 1944), sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan (inagurasyon ni Cory Aquino noong 1986 EDSA People Power Revolution) at sa EDSA Shrine, Lungsod ng Quezon (sa unang inagurasyon ni Gloria Arroyo noong 2001 sa EDSA Dos.
Pagdating sa lugar ng Pangulo at Pangulong-halal, sa huling pagkakataon, binibigyan ng huling parangal ang Pangulo ng Pilipinas bilang commander-in-chief ng Sandatahang Lakas. Kadalasan matapos ang parangal na ito ay lilisan na ang papaalis na Pangulo bagama’t noong 1992, sinaksihan ni Cory Aquino ang pagsasalin ng kapangyarihan kay Fidel Ramos bago sumakay sa sariling kotse, ang mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan ay huling naganap halos 27 taon na ang nakalilipas noong 1965 kina Diosdado Macapagal tungo kay Ferdinand Marcos. Si Osmeña at si Ramos ay naroon din sa panunumpa ng kanilang mga kahalili.
Isang tradisyon na ibinalik noong 2010 ay ang pagbabasa ng Pangulo ng Senado ng proklamasyon ng pagwawagi sa halalan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Mauunang manunumpa ang Pangalawang Pangulo at sa ganap na alas dose ng tanghali, manunumpa ang Pangulo ng Pilipinas.
Sa maraming inagurasyon na ginanap sa Quirino Grandstand, sumusumpa sila sa tatlong entidad—sa bandila ng bansa na nakataas sa Independence Flagpole, sa ating mga bayani na kinakatawan ni Rizal na nasa kanyang bantayog, at ang taumbayan na nasa kanyang harapan na pinagsasaluhan ang sagradong sandaling iyon. Nakatayo ang lahat.
Si Magsaysay ang unang nagpatong ng kamay sa Biblia sa panunumpa. Bago ito, nais ipakita ng mga Pangulo ang paghihiwalay ng simbahan at ng estado.
Kadalasan ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang manunumpa. Pinili ni Duterte na manumpa sa harapan ng isang Associate Justice tulad ng ginawa ng mag-inang Cory Aquino noong 1986 at Noynoy Aquino noong 2010.
Matapos nito, magkakaroon ng 21-gun salute, apat na ruffles at flourishes, at ang pagpapatugtog ng Mabuhay March. Matapos nito ay bibigkasin na ng Pangulo ang kanyang talumpating pampasinaya—ang inaugural address. Sa kanyang pagbabalik sa Malacañan, aakyat siya sa hagdan sa kanyang simbolikong pag-angkin sa Palasyo.
Matapos ito, magkakaroon ng unang pagpupulong ng Gabinete at madalas sa gabi may mga selebrasyon tulad ng inaugural ball o mga konsiyerto, isang tradisyon na hinango din natin mula sa mga Amerikano.
Ayon sa Pangulong Cory Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address noong 1991, “The traditional ceremony of political succession will unfold at the Luneta. …This is the glory of democracy, that its most solemn moment should be the peaceful transfer of power.” Kaya ito ay dapat ipagdiwang ng sambayanang Pilipino.
Malaking pasasalamat kay Undersecretary Manuel Quezon, III sa kanyang mga pag-aaral ukol sa kasaysayan ng inagurasyon at ng panguluhan at pagbati sa isang job well done sa Official Gazette.
Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng Pamantasang De La Salle Maynila. Isa siyang historyador at naging consultant ng GMA News TV series na Katipunan at Ilustrado. Ang sanaysay na ito ay batay sa kanyang news segment sa “Xiao Time: Ako ay Pilipino” sa istasyong pantelebisyon ng pamahalaan.