ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy teacher sa bansang China nakikipagsapalaran


Mabuhay! Isang mainit na pagbati mula sa China. Ikinalulugod kong ibahagi sa inyo ang kwento ng aking pakikipagsapalaran sa lupaing inaakala ng iba na hindi maganda para sa mga dayuhan. Una akong dumating sa China noong Agosto 2005 sa imbitasyon ng isang kaibigan na nagtatrabaho sa Beijing. Bago ako pumunta sa China, may maganda akong trabaho sa isa sa mga pang-rehiyonal na opisina ng gobyerno. Sumusulat din ako sa isang magazine na pinamamahalaan ng isang matalik na kaibigan. Kung ikukumpara ang karera ko sa mga kabataan na kaedad ko noon, maganda ang tinatakbo ng sa akin.Sabi nga ng karamihan, huwag na akong umalis ng Pilipinas. Dahil bata ako at likas sa akin ang pagiging adbenturera, tinalikuran ko ang tinatawag na “comfort zone" at nag umpisang humakbang upang sundin ang aking pangarap, ang makapangibang bayan. Mass Communications graduate ako sa Iloilo ngunit nakakuha ako ng diploma in Teaching, pumasa sa LET kaya qualified akong magturo. Una akong nagturo sa Inner Mongolia, isa sa pinakamahirap at napakalamig na parte ng China. Sa tuwing winter, apat na doble and aming suot pantaas. Isang beses lang ako pinagturo ng aking boss mula noong ako’y dumating. Nakuha ko ang kanyang tiwala kaya sa loob ng anim na buwan habang ang mga kasamahan ko na puti, itim at 2 Pinoy ay nagtuturo, nag-enjoy naman ako sa pagbibista sa iba’t-ibang lugar sa Inner Mongolia. Iyon ay upang makipanayam sa mga estudyante’t mga guro, dagdagan ang kanilang kaalaman sa salitang English. Canadian ang aking nakakasama dito. Masaya ako kasi hindi lamang nakatutulong sa kanila palakasin ang kanilang kaalaman sa English, kundi nakaka-experience din ako sa kultura ng mga Insik at mga Mongolian na kung titingnan mo ay parang mga mansanas ang pisngi tuwing lumalamig ang panahon. Napapahanga ko rin ang karamihan kasi ang alam nila ang Pilipinas ay hindi gumagamit ng English sa pang araw-araw na gawain. Sabi ko sa Pilipinas, sa sinapupunan ka pa lang sinasabihan ka na ng Nanay mo ng “hello, baby." Sa kanila ang hello ay natututunan lamang kung sila’y mag-uumpisang mag-aral ng English sa paaralan. Isa pa, tayo ang nag-iisang English speaking country sa Asya. Kahit elementary graduate, nakapagsasalita ng English. Matapos ang anim na buwan, nag-umpisa na ako magturo sa isang Middle School at isang kindergarten. Ako ang pinakaunang dayuhan na magturo sa kindergarten school na ‘yun kaya noong unang araw ko, walang kibo ang mga bata. Wala rin akong masyadong alam na Mandarin kaya nangangapa pa ako. Sa anim na buwan kong pagtuturo doon, nagkahulihan na rin kami ng loob ng aking mga estudyante. Kung noon sasabihin nila na “Lao shi, hao," ngayon ito’y hello teacher na may kasama pang “How are you?’ Nakatataba ng puso. Noong umuwi ako upang magbakasyon, pinalitan ako ng isang teacher. Ayaw nila, gusto ay ako. Ang Pinoy daw may pag- aaruga na kasama. Nang pumirma ako sa pangalawang kontrata, ipinadala ako ng boss sa iba (mas malaki kasi kikitain n’ya kesa sa kindegarten). Ang kindergarten na naghihintay, hindi na muling kumuha ng foreign teacher. Ang sumunod ko na paaralan, YuHong School of Chaoyang City Liaoning Province. Ito ang pinakamalaking primary school sa buong Asya. Dapat ay estudyante lamang ang nasa classroom ko. Doon pumapasok na rin sa klase ko ang ibang mga guro upang mag-aral na rin ng English. Ako ang kaunaunahang dayuhang guro doon. Dahil sa hindi na rin maganda ang trato ng aming boss sa aming mga guro, umalis ako sa kanyang kumpanya. Merong may bibigyan n’ya ako ng personal na computer at tataasan ang sweldo. Hindi ito nagpatinag sa aking desisyong umalis. Gusto ko lang ipakita sa kanya, hindi tayo ganun kahirap para pagtiyagaan ang delayed na pasahod at mga pangakong napapako. Akala n’ya siguro dahil ako’y Filipino, titiisin ko ang ganun at susundin ko na lamang ang lahat ng kanyang gusto. May nagsasabing mahihirapan akong maghanap ng bagong pagtuturuan dahil ako’y Filipino at hindi naiintindihan ng Insik na ang Pinoy ay magaling din sa English. Nagkamali sila. Ngayon may bago akong pinagtuturuan. Ito’y isang kindergarten na dati’y pinapasukan lamang ng mga puti at ako ang kauna-unahang Filipino na nagtuturo dito. Hindi pa nga natapos ang isang buwan, napahanga ko na sila sa abilidad ng Pinoy. Pagtuturo na may halong pagmamahal. Kahit ang mga guro ay unti-unti na ring lumalapit sa akin upang kami’y mag-English practice. Dito sa China, marami na ring Pinoy na nagtuturo, kumakanta sa banda, nagnenegosyo at kung anu-ano pa. Masaya ang buhay dito, hindi gaano na nakapapagod. Ang mga bilihin ay mura lang. Para sa karamihan sa mga Pinoy dito, ang pera ay madali sa China basta ba’y gawin lamang sa tamang paraan ang kung ano mang mapagkakakitaan. Kung kaligtasan at seguridad ang pag-uusapan, mas kampante ako dito. Dito sa China nakikita ang pagiging world class ng Pinoy. Saan man sa mundo Pinoy talaga maabilidad, may puso, may utak! Kaya mga kababayan, tuloy lang ang buhay. Mabuhay tayong lahat.. Ann Carlie Gaton-Abalena Foreign Pre-School Teacher Qing Nian Lu You er Yuan Baoding City, Hebei Province PR China