ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang Matanda


Itinapat niya sa balangkas ng pintuan ng kwarto ang silyang walang sandalan. Saka iniapak ang kaliwang paa. Kumapit sa balangkas at marahang tyumempo ng bwelo ang kanang paa para maiangat. Bago siya nakatayo nang tuwid sa silya, may yumanig sa dibdib ko. Parang bumulwak ang dugong pagkalaputlapot galing puso padaloy sa mga artery. Naging siyamsiyam na buhos sa mga vein at pinaguho ang kung anong bangin sa loob ko. Parang mga kalamidad kapag tag-ulan. Kalas na ang isang dulo ng alambreng nakatuhog sa kurtina paglapit ko para magboluntaryo sana. Nakakabit sa pako sa dulo ng hamba ang kabila. Binalumbon ko ang kurtina sa kanang braso ko. Ang kaliwa ay inihawak ko sa isang kamay niya habang inilalapat ang kanang paa sa baldosa. Nakahinga ako nang maluwag. Parang pinakaunang simoy ng hangin na nalanghap ko sa simula ng tag-araw. May ilang uka, lamat at mahabang biak ang flooring ng bahay niya. Nakukulayan ito ng red cement. Walang palitada ang labas at loob na dingding. Aabot ng sampung talampakan na patong ito ng mga hollow block. Walang kisame kaya’t litaw ang mga suhay sa silong ng segunda manong mga yero na parang bituin ang mga butas. Ang dalawang pintuan ay kusang bubukas kapag kinatok. Wala nang silbi ang mga seradura. Plywood ang sa harap at yari sa drum na pinitpit para lumapat ang sa likod. Sa gitna ng dalawang pinto ng kwartong walang divider, namumutiktik ang altar ng sarisaring eskultura at poster ng mga Sto. Niño, Hesukristong nakapako sa krus, Mama Mary, rosaryong galing Vatican – bigay ng pamangkin niyang seaman, mga kandila, marami pa. Sa kabilang sulok ay ang lumang luma na makina niyang panahi. Di bale na ang tatak, di ko alam e. At kahit alam ko, di na rin maalala. Tanaw sa bintana ang district hospital sa tapat na mas kilalang Emegency. At ang kalyeng pababa papunta sa Bagong Buhay Elementary School. Kapag ang pakiramdam ay luma na at dala ako ng ihip ng hangin sa lugar na ito, sa bahay niya ako nakikituloy. “Tao po! Aling Inday?” “Halika, tuloy!” “Magpapadasal po kami para kay Mang Pidyong, b’yenan ko ho, sa Purok Singko.” Lahad ng aleng kulay Brown Madonna sa ukayukay na blusa. Ikatlong hati ng mga naghahanap sa kanya ay ganun ang pakay. Ang ikalawa ay mga nagpapatahi, o kaya ay tumutubos ng ‘pinatahi. Ang huli ay mga amiga niya sa simbahan at senior citizen. Nalaman ko sa mga amiga niyang ito, na mahigit pitumpu na pala ang idad niya. Kung pitumpu’t dalawa, o pitumpu’t apat ay hindi ko na matandaan. Mas marami ang hiblang abo sa buhok niya. Buo ang ngipin. Kubado nang bahagya. At inaabot na ng pagkaulyanin. Minsan, naikwento niya ang nangyari sa anak na panganay. Nagwala raw ito isang gabi habang kainuman ng bayaw. Nasaksak sa baba ng pusod. Dinala sa ospital. Tapos, ‘pinakulong ng asawa. Nang tanungin ko kumbakit, e, sobrang naninimdim, o depressed na raw. Hindi na nagkatrabaho mula nang mag-resign bilang messenger na de-motor at manager sa isang janitorial services. Naging englotero at shabuhista raw. Ilang saglit nang mangyari ‘yon, may balitang umugong galing sa kulungan. Nakita raw na hubad na ang pantalon ng panganay. Nakabuhol sa leeg niya. Nagbigti, sabi ng mga enforcer. E, nakasayad ang tuhod sa sahig! Nalaman ito ng anak na may kakilalang taga-midya, inalok siyang paimbestigahan ang nangyari. Umayaw ang matanda. Natatakot raw siya sa balik ng mga sindikato ng kung ano. Notorious daw kasi ang kulungan na ‘yon. Hindi una at pangalawang beses lang na biktima ang panganay niya. Ang ikalawa at ikatlong anak ay mahabang panahong hindi pinag-usap ng hidwaan. Mabuti na lang at yumakap si ikatlo kay pangalawa nitong nakaraang bagong taon. Ang pang-apat ay DH sa KSA. Mabait naman daw ang mga amo. Kaso ang asawa, suki rin sa tyangge ng shabu. Ang bunso ay hindi na nagtatyangge. Pero pabalangbalang, mapanumbat at “kung maibabalik ko lang” ang laging tono ng salita sa kanya. Nakiusap sa ‘kin mismo ang misis ng bunso niya, kung pwede ko raw silang tulungan na ipa-rehab. Para raw kasing luto na sa gin ang atay at baga. Hindi binanggit kung in-in na rin ang utak na hindi pangsisig. Sa regular pero bihirang pagpadpad ng hangin sa akin sa tahanan ng matanda, saka lang siya nagluluto. Ayaw ipaubaya sa akin kahit akuin ko ang paggawa. Nakaiilang na parang senyorito ang trato sa ‘kin. Sa mga padasal at gawain sa simbahan siya kumakain. Napapanisan pa nga raw siya kapag may ipinauuwi. Sa loob ng isang araw, laging may naghahanap sa kanya depende sa nabanggit na tatlong pakay. Pinasisigla raw siya ng mga gawain na ito. Ang panalangin ay ikinapapanatag ng mga nagpapadasal. Umaasa sila na ang mga kaluluwa ng kamaganakan ay payapang nakatatawid sa kabilang-buhay. Nasusukatan, ginugunting at naitatahi ng bihis ang mga nagpapatahi. Ang demokratikong tradisyon ay ibinasbas ng mga myembro ng senior citizen para maging presidente sa barangay nila ang matanda. May araw na magkaupisina na sila ng bayaw ng panganay niya. Nanalo kasi ang mama sa pagka-konsehal. Paanan ng kalbaryo ang barangay hall, atang ng mga anak ang kanyakanyang krus. Ang bahid ng mga sugat sa belo ng matandang ina ay niyurakan sa tuktok. Sa makabuluhan at palagiang pagsalungat ko sa ihip ng hangin para paliparin ang saranggola ng Bagong Buhay, nalayo at nalapit ako sa matanda. Pati sa kuya at mga kapatid. Noong mababang uri ng oraganismo pa lang ako, sa loob ng siyam na buwan ay kinanlong ako ng sinapupunan ni Aling Inday. Pagputok ng panubigan, kagaya ninyong lahat, sumabay rin ako sa tilamsik ng dugo! Malas daw ang sahig na may uka, lamat at biak ayon sa pamahiin. Di kaya resulta ito ng mahigit dalawang daan na lindol taun-taon kung syensya ang pagbabasehan? Ignorante lang sa tuktok ang nasisindak sa payanig ng heograpiya ni Inang Kalikasan. Nang maging mas komplikadong organismo na ang katawan at pagmumukha ko, hindi ko nakaugaliang magregalo sa kanya. Ayoko nang mahiya ngayon kahit ang blog na ito lang ang nakayanan. Wala siyang kompyuter at hindi na maiigpawan ng pagkaulyanin ang information technology. Happy Mother’s Day, mahal na mahal kita – ito ang una’t huling siete palabras ko kay Nanay.