OPINION: Ask Atty. Gaby: Paggamit ng cellphone habang nagmamaneho
“Kaka-cellphone mo ‘yan!”
Malamang napagsabihan na kayo ng ganyan. Pero alam n’yo bang sa kaka-cellphone ninyo, puwede kayong managot sa batas?
Gaya nitong nahuli-cam na bus driver na naglalaro sa cellphone habang nagmamaneho.
Ayon sa uploader, nakaupo siya sa harap ng bus nang mapansing ginagamit ng driver ang kaniyang cellphone.
Noong una ay hindi raw niya tiyak kung anong ginagawa ng driver pero kalaunan ay nakita niyang may nilalaro ito sa cellphone...Na mukha raw online gambling?
Natakot daw ang pasahero lalo't ilang beses ng nawala sa linya ang bus at hindi agad nakaka-preno ang driver kapag may sasakyan sa harap.
Sinita ng pasahero ang bus driver kaya tumigil rin ito.
Sa katulad na insidente nitong nakaraan, nag-viral online ang isang content creator na nagvi-video o nagse-cellphone habang nagmamaneho ng isang sports car.
Shinare pa ng content creator ang post ng LTO [Land Transportation Office] na may caption na "Hindi ako 'yan, promise."
Sinuspende ng 90 days ang kaniyang driver's license dahil sa paglabag ng batas na ito.
Naku, delikado 'yang mga ginagawa ninyo!
Pag-usapan natin ang mga insidenteng 'yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., pang-ilang viral video na ‘to. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho lalo na kung pampublikong sasakyan ang minamaneho?
Ayon sa batas na Republic Act 10913 o ang Anti-Distracted Driving Act, ipinagbabawal o prohibited ang isang driver na humawak o gumamit ng cellphone o ano mang electronic device habang nagmamaneho, kahit na nakahinto ng panandalian tulad sa stoplight. Hindi excuse 'yung “naka-stop naman e”.
Covered din ng batas na ito ang lahat ng uri ng sasakyang pang-transportasyon – bus, jeep, kotse, traktora, crane,bulldozer, motorsiklo, truck, – isama na ang mga habal-habal, kuliglig, at iba pa.
Kasama rin ang hindi motorized transport tulad ng mga bisikleta – at 'yung mga animal-powered na cart o wagon – basta nasa public highway o street, dahil ang pinaka-importante ay ang public safety!
Ipinagbabawal na gumamit ng mga electronic devices, kumuha ng litrato, maglaro ng mobile games, manood ng mga videos o palabas, o kahit simpleng pag-chat o pagte-text ng driver.
Bawal maglaro ng games, manood ng mga sine o kahit na anong programa, mag-surf ng internet, magbasa ng e-books, mag-compute. Basta lahat, lahat ng 'yan, bawal po.
Pero maaaring gumamit ng electronic devices basta ito ay para sa emergency – pagtawag sa doctor, ambulansiya, sa fire department o pulis and other similar emergencies.
Puwede rin gumamit ng “hands free communication” habang nagmamaneho ang driver. Ibig sabihin nito ay naka-speaker o hindi hawak directly ng driver ang kanyang electronic device. Basta hindi lang siya nasa line of sight ng driver
Isa ring halimbawa nito ay ang pag-navigate o paggamit ng GPS o mapa sa electronic device — basta huwag matatakpan ang line of sight niya.
Ang mga lalabag sa batas ay mapapatawan ng parusa under this law. Sa first offense ay aabot ng P5,000, sa second offense naman ay P10,000 ang aabutin ng multa, at P15,000 naman sa third offense at masususpende ang lisensiya ng nasabing lumalabag sa batas.
Of course puwede kayong masuspendehin o ma-revoke ng lisensiya , depende sa gravity ng inyong gagawin dahil 'yung LTO ay maaaring mag-revoke o mag-suspende ng lisensiya.
Tandaan, being able to drive and having a driver's license – pribilehiyo lamang 'yan, hindi niyo karapatan na puwede niyong ipaglaban kahit na ito ay labag sa public safety natin.
So ang dami talagang nalululong sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho – paglalaro ng game at paggamit ng mga content!
Seryosohin po natin, siguraduhin na public safety is always our main concern, hindi po 'yang mga paggawa ng content.
Araw-araw nakakarinig tayo ng mga namamatay o nasasaktan dahil dito.
So please take care. If you don't care about yourself, you need to take care of other people.
Basta’t usaping batas, bibigyan natin ng linaw 'yan.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag mag-dalawang isip.
Ask me! Ask Atty. Gaby!