ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Freezing of assets


Nalulula na ba ang lahat?!

Matapos ang mga rebelasyon ng bilyon-bilyon umanong katiwalian sa flood control projects, lulang lula naman ang buong bayan sa mga pag-aari ng mga diumano’y sangkot na ngayon eh pinapa-freeze na.

Heto makinig kayo!

Pinapa-freeze ng DPWH sa Anti-Money Laundering Council ang halos limang bilyong pisong halaga ng nasa labing isang air asset o mga helicopter at eroplano na nakarehistro umano sa mga kompanyang may kaugnayan kay Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

Pinapa-freeze din ng DPWH sa AMLC ang aabot sa kalahating bilyong pisong halaga ng luxury vehicles ng dalawampu't anim na personalidad na diumano'y may kinalaman din sa flood control projects.

Kabilang d'yan sina dating DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, dismissed assistant engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza at ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Sinasabing aabot sa 727 na bank accounts, at nasa bilyon na halaga ng ari-arian at life insurance ang pinapa-freeze.

Ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ask me, ask Atty. Gaby!

Atty., sa batas natin, ano ba ang ibig sabihin kapag ipi-freeze ang ari-arian ng isang tao? Halimbawa, sasakyan, ibig sabihin ba nito, kukunin ito ng mga awtoridad para hindi magamit for the meantime? Pati ang life insurance paano napi-freeze?

Ang daming usap-usapan tungkol sa freezing. Parang lumalamig na ba ang panahon? Magkakaroon na ba ng snow ngayong Pasko?

Well, hindi naman. Pero as its name implies, "frozen" – as in hindi gumagalaw – parang yelo! So in answer to your first question, 'pag na-freeze ang ari-araian ng isang tao, ganu'n din – hindi siya magagalaw, hindi siya mata-transact. 

What does that mean? Kung ang property na frozen ay pera sa bangko, ibig sabihin ay hindi mo siya mawi-wiwithdraw o malilipat sa pangalan ng ibang tao. Kung ito ay mga sasakyan o mga lupa, hindi mo siya mabebenta at malilipat sa ngalan ng iba.

Ganu'n din ang mga air assets – bagong term 'yan – hindi masyadong nagagamit! But strictly speaking, ang mga air assets ay mga ari-arian na ginagamit sa himpapawid – mga eroplano o mga helicopter. Eh mukhang tuwang-tuwa ang ilang pinaghihinalaan na nagnanakaw ng pera – na ang kanilang mga binibili ay mga helicpter para ma-avoid ang traffic at mga eroplano na maliliit para bumiyahe sa ibang bansa in style!

Ang pinagtatakhan din ng iba – pati ba ang mga insurance policy nafi-freeze din? 

Oo naman. Paano nga ba nafi-freeze ang mga insurance policy? Well ganu'n din – hindi rin siya magagalaw. So halimbawa, maraming insurance policy ang may cash surrender value, 'di po ba? 'Pag sinabing cash surrender value, puwede mong ikansela ang insurance policy at i-surrender o ibalik ito sa insurance company at may ibabalik sila na pera kung ano ang value ng insurance policy na hinuhulugan ninyo taon-taon. Pero hindi rin makukuha ang cash surrender value na iyan habang frozen ang assets ng isang tao. Isang modus pala talaga 'yan sa mga “naglilinis” o naglo-launder ng pera. 

So 'pag frozen na ba ang assets ng isang pinaghihinalaang tao ay maaaari nang kunin ang mga ito ng gobyerno? Hindi pa! Later on na 'yun kung talagang mapatunayan na ito ay ill-gotten wealth o katas ng laundering ng pera.

'Pag nagkaroon na ng paglilitis at confirmed na at may judgement na ang korte – yun, later on ay may forfeiture proceedings na, babawiin na ang fruits of the crime in favor of the government. In the meantime, fini-freeze na lang muna para hindi maglaho ng tila bula ang mga bilyon bilyon na perang ito!

Para sa mga aminado na talagang may kapalpakan talaga silang ginawa, sana ay ibalik na ninyo ang bilyon bilyon na kinurakot ninyo! Imbes na pahirapan pa ang mga ahensiya ng pamahalaan, balik niyo na lang puwede ba? Malaki na naman ang na-enjoy ninyo sa paggamit at paglustay ng pera na 'yan!

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip.

Ask me, ask Atty. Gaby!