ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Pekeng notaryo


Tuloy-tuloy pa rin ang pagtutok ng bayan sa mga katiwalian sa flood control projects. At nitong nakaraang blue ribbon committee hearing, maraming revelations ang lumabas.

Isa na riyan ang statement ni Orly Guteza kung saan binanggit niya ang pagdadala ng male-maletang ‘basura’ o pera sa bahay ni Rep. Zaldy Co.

But wait, ang lumulutang ngayon: ang issue na pineke raw umano ang notaryo sa affidavit.

Ayon sa abogado na nakapirma sa notaryo ay wala raw siyang nilagdaan na ganitong notary.

Kaya naman upang makasiguro, iniutos ni Sen. Ping Lacson na i-background check si Guteza.

Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., ano ba ang ibig sabihin kapag notarized ang isang documento? Kung peke nga ang pirma ng abogado, ano po ang mangyayari sa testimonya ng witness?

Kapag sinabing notaryado ang isang dokumento, ibig sabihin nito ay pumunta nang personal at humarap sa isang notaryo publiko o notary public at sa presence mismo ng notaryo ay pinirmahan niya ang kasulatang ipinanotaryo, o hindi kaya ay sinumpaan niya sa notary na ang dokumentong pinepresenta niya dito ay talagang pinirmahan at sinang-ayunan niya ng buong buo at walang pag-aalinlangan.

So importante ang pagnotaryo – una, para makabawas ng incidents ng fraud o panloloko, kasi nga 'yung notaryo ang nagsasabing umapir ang isang tao sa kanya at verified ang identity.

Pangalawa, usually, once na-notaryo ang isang dokumento, nagta-transform siya from a private document to a public document at nagiging admissible bilang ebidensiya sa korte dahil nga parang na-authenticate ang identity ng pumirma dito.

Pangatlo, merong mga kontrata na required na public document o notaryado para maging effective or registrable tulad ng mga donasyon, bentahan ng lupa, mga huling testamento, at mga affidavit.

Ang problema lang nga ay kung hindi naman ang pumirma ang peke – ang problema ay kung 'yung notaryo pala ang nagsasabing “hindi ako 'yan, pineke ang pirma ko!”

Sa ordinaryong mga pagkakataon, kung ito ay isang affidavit na sinubmit sa korte, magiging walang bisa ito. It will be considered as a mere scrap of paper. 

'Yung naging twist lang sa continuing saga ng flood control projects sa Senado ay dahil sumumpa in the course of the proceedings ang pumirma at nagbigay testimonya sa Senado, parang na-solve ang problema at nawala ang depekto. Inulit ang mga sinabi niya sa affidavit matapos niyang magsumpa so parang nag-testify siya under oath. Kung hindi nangyari ito, malamang ay bababalewalain ang naunang affidavit na may fake na notaryo kasi it puts everything into question.

Malaking misteryo talaga, hindi po ba? Pero sigurado naman ay may nagsisinungalng at dapat managot sa kaguluhang ito.

Si Mr Witness ba? Puwedeng hindi naman niya alam talaga kung peke ang notaryo o hindi. Well definitely may falsification na nangyari na dapat panagutan kung sino man ang gumawa nito.

Pero sino ba ang nagdala sa pumirma at nag-secure ng services ng isang impostor pala? Puwede ring managot naman ang notaryo kung mapapatunayan na nagsinungaling siya at siya naman talaga iyon.

Or kung sa opisina nga niya ito nanotaryo pero hinayaan niya ang staff niyang mag-notaryo para sa kanya at hindi niya alam pala.

Alam ko na maraming nagsasabi na normal na pangyayari na hindi naman daw humaharap ang abogado at staff lang niya ang pumipirma at naglalagay ng seal.

Naku bawal na bawal po 'yan. Baka maparusahan pa iyan ng Korte Suprema sa isang disciplinary action.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.

Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!