OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang kalamidad
Bakas ang malawakang pinsalang dulot ng magnitude 6.9 na lindol, lalo na sa epicenter nito sa Bogo City, Cebu mula sa mga nawasak na bahay, kalsada, at mga gusali.
Umakyat na po sa pitumpu't tatlo ang bilang ng mga namatay dahil sa lindol.
Ang ilan sa residente, nakaligtas nga sa lindol, problema naman ang pansamantalang matutuluyan.
Kaya ang iba, sa kalsada na naglatag ng kanilang mga sapin at pansamantalang doon nananatili.
May mga nananawagan naman ng tulong sa kalsada para sa pagkain, tubig at iba pang kailangan gamit ang mga placard.
'Yan ang pag-uusapan natin dito. Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa maaaring makuhang assistance o tulong ng mga apektado ng kalamidad kagaya nitong lindol at ngayon nga ay may bagyo rin?
Kapag may kalamidad gaya ng lindol at sabayan pa ng bagyo, dapat ay may nakalaan talagang tulong ang gobyerno para sa mga apektado.
Kapag sinabi nating gobyerno, ito ang pinagsanib na lakas ng national government at ang mga local government po natin.
Of course, kasama dito ang DSWD, ang Office of Civil Defense at ang NDRRMC. Siyempre ang frontliner diyan ay ang office ng mayor — isama na natin ang barangay — at ng gobernador dahil sila ang pinakamalapit at “on the ground”.
Sa ilalim ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act, malinaw na obligasyon ng gobyerno na magbigay ng assistance sa mga mamamayan. In fact, may pondo dapat na nakalaan for relief and recovery operations at the local and national level. Sa lokal na level, ito ay percentage ng kanilang revenue. Sa national government naman eh ang alam ko nasa GAA 'yan, mga P20 to P23 billion na parang isang buwan na kinita lang ng isang contractor na kinuha diyan sa ating mga flood control projects.
Unang-una, dapat may relief goods gaya ng pagkain, tubig, damit at pansamantalang matutuluyan mula sa DSWD at LGU.
Pangalawa, may financial at medical assistance din para sa mga nasugatan, at burial assistance kung may namatayan. At kung totally damaged ang mga bahay, dapat may programa rin para sa relocation o emergency shelter aid.
Kaya mga Kapuso, tandaan po na karapatan natin ang makatanggap ng tulong mula sa gobyerno lalo na sa panahon ng kalamidad.
So titingnan ninyo ang barangay niyo, mayor, gobernador — sila ba ay tumutulong? Sila ba ay on the ground at tumutulong sa inyo dahil ang unang dapat na tutulong sana ang local government natin and of course the national government through the DSWD, the Office of Civil Defense at kung sino-sino pa.
But at the same time, tandaan: tungkulin din natin na ordinaryong mamamayan na tumulong sa abot nating makakaya. So maaaring mag-donate through established o mga mapagkakatiwalaan na mga foundation at NGO – whether ito ay pera, pagkain, mga tent, kumot, gamot or dugo. Actually nagtatawag din ang Red Cross for blood donations dahil lahat ng mga supplies natin pinapadala na ngayon sa Cebu dahil sa napakaraming nasugatan.
Ang mga usaping batas at hindi lang batas, pati humanitarian needs, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!