OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang prenup
Mga Kapuso, bukod sa kabi-kabilang issue sa pulitika, for sure, isa rin sa mga nababasa ninyo online ang trending na usapang prenup o prenuptial agreement.
May mga kasal daw kasi na nade-delay umano dahil hindi nagkakasundo sa prenup.
Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty, sa mga curious, ano ba kasi ang mga dapat nakalagay sa prenup?
Basically ang isang prenup o prenuptial agreement o tinatawag din na marriage settlement ay isang legal na kasunduan between two people na nagbabalak magpakasal.
Ito ay kasunduan tungkol sa kung ano ang iiral na property regime once ikasal ang dalawang ito – that is, kung anong sistema ang gagamitin para ayusin ang kanilang property at income - kung paano nila ito pagsasamahin o paghihiwalayin.
Ito ay dapat signed ng both parties na involved at dapat pirmahan lamang ito bago ikasal.
Bakit importante ang isang prenup? Kasi kapag walang prenup, ang magiging property regime ng mag-asawa ay ang tinatawag na absolute community of property.
Lahat ng property ng mag-asawa before and after the marriage ay magiging property ng mag-asawa, at kung maghiwalay sila paghahatian ito ng 50/50.
Problema ba ito? Well – kung si babae ay may lupa na P100 million ang value bago ikasal, at si lalaki ay zero – at ikinasal sila ng walang prenup, ang P100 million property ay magiging joint property nilang dalawa at kapag naghiwalay sila – P50 million ang magiging share ni babae at P50 million si lalaki.
Uy unfair naman niyan, sabi ng iba - well, kailangan kayo gumawa ng prenup, para hindi absolute community ang magiging automatic property regime ninyo.
Ano pa ba ang choice? Actually this is what I always tell my students – ang pinaka-fair pa rin - para sa akin – ay ang tinatawag na property regime na conjugal partnership of gains.
Ibig sabihin, sa property regime na ito, ang magiging co-owned property lamang ng mag-asawa ay lahat lamang ng pera at property na mae-earn nila habang kasal na sila. Lahat ng property bago sila ikasal ay magiging separate at sarili nilang property.
So sa example natin kanina, kung si babae ay may P100 million property bago ikasal at si lalaki ay walang property – at ikinasal sila with a prenup na nagsasabing conjugal partnership of gains ang property regime nila, ang P100 million property ay separate property pa rin ng babae, at kapag naghiwalay sila - sa kanya pa rin ito nang buo at zero pa rin si lalaki.
At least puwede sabihin ni lalaki na “I didn’t marry you for your money” or something like that.
Meron pa bang ibang choice na property regime? Well, puwede ang complete separation of property – na ibig sabihin naman ay totally magkahiwalay ang properties ng mag-asawa – they will never own anything together. Na medyo naiba naman kasi parang hindi naman sila mag-asawa. Puwede ring combination – pero mas kumplikado na iyon.
Maaari bang magkaroon ng ibang nilalaman ang isang prenup? Puro tungkol ba ito sa pera at kayamanan? Hindi naman, maaari itong magkaroon ng ibang provision – although usually, ito ay related kahit papaano sa property at pera.
Maaari itong magkaroon ng provision na pagkilala sa isang anak sa pagkadalaga o pagkabinata, halimbawa. Or in case na magkahiwalay at kasalanan ito ng isang party, magkakaroon ng waiver to certain property or interest in properties.
Maaaring i-emphasize ang pagkakaroon ng sariling trabaho at career ng bawat isa.
Puwede ba ang provision na in case na magkaroon ng paghihiwalayan, mapupunta ang automatic custody ng mga anak sa either of the spouses? Naku delikado 'yan na provision, dahil ang issue ng automatic custody ng mga bata ay isang issue na hindi dapat gawing issue na tulad ng property at pera - baka ito ay maging issue against public policy and good morals.
Ang issue ng sino dapat ang magkaroon ng custody ng mga bata ay depende sa best interest of the child, at kung sino ang “better” or more fit na parent.
At depende rin sa age ng mga bata - sa Pilipinas, usually a child of less than 7 years of age, halimbawa, ay hindi ihihiwalay sa nanay – unless may finding na hindi siya fit to be a parent.
In any case, ako, I will always push for a prenup. Hindi ako believer in absolute community of property - fair pa rin ang conjugal partnership of gains.
Of course, ang pinakamahirap pa rin tungkol sa issue ng prenup ay kung paano pag-uusapan ito.
Huwag naman on the day of the wedding, biglang ilalabas at papipirmahan ito. Malaking gulo ang maaaring mangyari.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!