OPINION: Ask Atty. Gaby: Graft vs. plunder
Mga Kapuso, nitong Biyernes, naglabas po ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay Senator Jinggoy Estrada para sa kasong graft o katiwalian na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Dahil umano ‘yan sa mga kickback niya sa flood control projects ng gobyerno.
Ang senador, nagpiyansa ng P90,000 para pansamantalang makalaya.
Ngunit, nahaharap din siya sa kasong plunder o pandarambong.
Non-bailable ang plunder pero sa ngayon, wala pang warrant na nilalabas para rito laban sa senador.
(Note: Naglabas na ng warrant of arrest para sa kasong plunder ang Sandiganbayan nitong Lunes at sumuko na si Senador Jinggoy Estrada sa mga awtoridad. Nakadetine na siya sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City.)
Pag-usapan natin ang mga kasong ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., linawin nga lang po natin. Ano ba ang pagkakaiba ng graft at plunder? At bakit ang graft ay puwedeng magpiyansa samantalang ang plunder ay hindi puwede?
Ang graft at plunder ay parehong forms of corruption ng ating mga public official at nagkakaiba sila depende sa batas na kumikilala at nagde-define sa kanila dahil parehong special laws ang umiiral dito.
Ang graft ay sakop ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019. Nakalista at naka-specify sa batas na ito ang mga particular na gawain ng isang opisyal na ipinagbabawal tulad ng pagpasok sa mga kontrata na dehado ang pamahalaan o 'yung disadvantageous to the government, pagbibigay ng pabor in exchange sa mga regalo, pagbibigay ng lisensiya o permit sa isang hindi karapatdapat na makakuha nito, pag-abuso sa posisyon, pagkakaroon ng interest sa isang business o kontrata na meron siyang opisyal na relasyon o pagtanggap ng kickback kapalit ng isang proyekto o transaksiyon. Kahit na isa lamang na pagkakataon, kahit na gaano kaliit o kalaki ang involved ay kaso na sa ilalim ng Republic Act 3019.
Samantala, ang plunder o pandarambong ay mas mabigat na krimen. Ang plunder ay napapasailalim ng Republic Act No. 7080. Ang plunder ay naituturing na nangyayari kapag ang isang public official ay nakaipon o nakapagkamal ng ill-gotten wealth sa pamamagitan ng marami o kombinasyon ng ilang ilegal na gawain. Hindi ito tulad ng graft sa ilalim ng Republic Act 3019 na isang transaction lang, guilty na!
Sa plunder, dapat maipakita na ito ay systemic at may kombinasyon ng mga gawain. Hindi minsanan na transaction lamang – maaaring pagtanggap ng mga kickback o komisyon, malversation of public funds, pang-aabuso ng posisyon para mapayaman ang sarili sa paggamit ng public funds. At ang minimum amount ay P50 million. Kung P49 million lamang, ito, magiging graft and corruption, pero hindi plunder.
Tungkol naman sa piyansa, alam naman natin na ang bail o piyansa ay ang seguridad na binibigay ng isang akusado para siya ay makalaya. Pero sisiguraduhin na siya ay aapir sa korte 'pag kinakailangan habang ongoing ang paglilitis. Dahil may presumption of innocence, ang bail o piyansa is a matter of right at isang karapatan sa ilalim ng Constitution. Ang tanging exception ay kung ang penalty ay reclusion perpetua and the evidence of guilt is strong.
Kaya't ang graft ay usually isang bailable offense at talagang nakakapagpiyansa ang akusado at malaya ito habang nililitis ang kaso.
Ngunit ang plunder ay may kaparusahang life imprisonment kaya itinuturing itong non-bailable kapag malakas ang ebidensiya laban sa akusado.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!