Naglabas ngayong Biyernes ang Second Division ng Sandiganbayan ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay Senador Jinggoy Estrada. Kaugnay ito ng mga kasong graft o katiwalian na isinampa laban sa kaniya kaugnay sa umano’y kickback sa mga flood control project. Hiwalay pa ito sa kasong plunder o pandarambong na walang piyansa.
Pinamumunuan ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Econg ang naturang debisyon na humahawak sa kasong graft na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Estrada at iba pa.
Kasama rin sa inisyuhan ng arrest warrant si dating Department of Public Works and Highways secretary Manuel Bonoan.
Itinakda sa ₱90,000 ang piyansa para sa bawat akusado sa kasong graft, ayon sa isang source na nakausap ng GMA News.
Nahaharap din si Estrada sa kasong plunder o pandarambong —isang kaso na hindi maaaring piyansahan—dahil umano sa pagbulsa ng ₱573 milyon mula sa mga kickback sa infrastructure projects.
Sina Estrada at Bonoan ay kapwa inaakusahan din ng graft at plunder sa magkahiwalay na kaso na kapwa na-raffle sa Fifth Division ng Sandiganbayan.
Sa mensahe niya sa mga mamamahayag, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, na inaasahang maglalabas ang Fith Division ng arrest warrant laban sa mga akusado sa Lunes.
Nitong Biyernes ng hapon dakong 2:00pm, sinabi ni Remulla na inaasahang maglalagak ng piyansa si Estrada para sa kasong graft upang makaiwas sa pag-aresto at pagkakakulong. — FRJ GMA News
