ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Karahasan sa eskuwelahan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mga Kapuso, nakakalungkot po ang sunod-sunod na mga insidente ng karahasan sa loob ng paaralan.

Noong nakaraang linggo, dalawang magkahiwalay na insidente ng pag-atake gamit ang patalim ang naiulat sa Cavite City at sa General Trias, Cavite.

At nito nga lang Lunes, tatlo po ang nasawi habang nasa dalawampu ang sugatan sa pamamaril ng dalawang menor de edad sa loob mismo ng paaralan sa Tacloban City.

Ayon sa PNP, pag-aari ng tiyahin na pulis ng katorse-anyos na estudyante ang ginamit niyang baril habang nakarehistro naman sa isang security agency sa Cebu City ang isa pang baril.

Dahil menor de edad ang mga sangkot, nabuhay tuloy ang usapin tungkol sa pagpapababa ng age of criminal liability ng mga kabataan.

Iba-iba ang opinyon ng ating mga Kapuso diyan.

Pero ano nga ba talaga ang sinasabi ng kasalukuyang batas tungkol dito? Ask me, ask Atty. Gaby!

Ang tanong ng bayan: Hindi nga ba makukulong kapag menor de edad ang gumawa ng krimen?

Ayon sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 (Republic Act No. 9344), ang mga batang may edad 15-anyos pababa ay exempted sa criminal liability.

Pero hindi ito nangangahulugan na wala nang magiging aksyon laban sa kanila dahil malamang ay isasailalim sila sa mga intervention program ng pamahalaan. Ito ay maaaring counseling, education, at rehabilitation na naglalayong gabayan at ituwid ang kanilang pag-uugali.

At kung ang kanilang ginawa ay isang “serious o heinous crime,” halimbawa nga ay murder, mga drug cases na 12 years or more ang penalty, serious illegal detention na namatay ang biktima, or arson, walang ngang kulong pero mandatory na ipalalagay sa Bahay Pag-asa or sa juvenile detention facility ang bata.

Samantala, para sa mga batang between 15 at 18 years old, tutukuyin ng mga awtoridad kung sila ay kumilos nang may discernment.

Ang discernment ay tumutukoy sa kakayahan ng bata na maunawaan ang tama at mali ng kanyang ginawa at ang mga posibleng consequences nito.

Kung mapatutunayang kumilos siya nang may discernment, maaari siyang managot at humarap sa criminal liability.

Ang pagtukoy kung ang isang bata ay kumilos nang may discernment ay karaniwang isinasagawa sa tulong ng social worker ng Department of Social Welfare and Development bilang bahagi ng proseso ng imbestigasyon at pagsusuri ng kaso.

Kung 15 to 18 years old at may discernment at gumawa ng isang heinous or serious crime, magkakaroon ng paglilitis pero hindi naman ilalagay sa Bilibid kasama ng matatandang preso kung mahatulang guilty. Baka mas mapasama lamang ang bata kapag isinama sa tinatawag na hardened criminals.

Suspended ang sentence pero malamang ay ilalagay sa Bahay Pag-asa o isang special youth facility, dahil ang aim pa rin ay rehabilitation.

Kapag siya ay umabot ng edad na 21 years old, susuriin ulit ng korte kung successful ang rehabilitation at reformation ng child in conflict with the law.

Kung ang sagot ay hindi – incorrigible pala, ayaw sumunod, ayaw mag-cooperate sa mga effort na ma-reform at ma-rehabilitate siya – lifted ang suspension ng kanyang sentensiya at hahatulan with finality.

After, saka niya ise-serve ang kanyang sentence for the crime of murder, halimbawa, with the mitigating circumstance of minority.

Ano naman ang pananagutan ng mga magulang o guardian ng mga sangkot na menor de edad? Pati 'yung tiyahin na pulis kung saan umano nakuha ang baril?

Kapag ang isang menor de edad ay exempted sa criminal liability, hindi ito nangangahulugan na wala nang mananagot sa naging krimen – especially insofar as the civil liability is concerned o ang tinatawag nating damages o danyos.

Dahil nangyari ang insidente sa paaralan, maaaring managot ang paaralan dito kung naganap dahil sa kapabayaan o kakulangan sa pangangalaga.

At other times, ang mga magulang usually ang mananagot sa civil liability na dapat panagutan dahil sa pagkakamali ng mga anak.

Sa madaling salita, ang sinumang nagkulang sa kanilang tungkulin na magbigay ng wastong pangangalaga at pag-iingat sa menor de edad ay maaaring papanagutin sa mga pinsalang naidulot ng krimen.

At 'yung tiyahin na pulis – kailangan din suriin ang dahilan kung bakit nakuha ang baril na na-issue sa kanya. Magkakaroon siya ng posibleng administrative, civil, at criminal liability dahil dito.

Kailangan tingnan kung may matinding pagpapabaya na humantong sa pagkamatay ng mga inosenteng estudyante.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip.
Ask me, ask Atty. Gaby!