OPINION: Ask Atty. Gaby: Nanghamon, tinaga!
Oh ikaw, gusto mo ba ng away?! Ano? Ano?!
Uy, biro lang po, mga Kapuso! Pero paalala ha, 'wag po kayo basta-basta manghahamon ng away!
Sa Cebu, isang lalaki ang patay matapos pagtatagain ng hinamon niya sa away.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang duguang biktima na sinundan ng lalaking may itak.
Nauna ang biktima pero agad namang nakasakay ang suspek sa tricycle at naabutan niya ito.
Ayon sa pulisya, magkaibigan daw ang dalawa.
Pinatutuloy pa umano ng suspek ang biktima sa bahay. Pero nang araw na 'yon, umuwing galit ang biktima habang natutulog ang suspek.
Nanghamon na ang biktima at dito na nagsimula ang alitan.
Pag-usapan natin ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano ba ang sinasabi ng batas sa paghahamon ng away? Paano kung pinatulan mo lang ang nanghamon sa 'yo?
Well, unang-una, hindi baleng lasing daw, 'wag lang bagong gising.
Pero mahirap talaga ang naghahamon ng away. Whether or not matindi ang paghahamon na may seryosong pagbabanta ng pananakit or dala lamang ng init ng ulo at silakbo ng damdamin, ito ay krimen pa rin sa ilalim ng Revised Penal Code.
Maraming krimen ng pagbabanta o paghahamon sa ilalim ng Revised Penal Code — maaari itong grave threats, light threats and other light threats.
'Pag sinabing grave threats o malubhang pananakot, ito 'yung ang nanghahamon ay may kasamang banta ng pananakit tulad na lamang ng pananakot na ito ay papatay, o pananakit sa tao o ang kanyang pamilya or mga ari-arian – kaya't nagkakaroon ng matinding takot sa parte ng hinamon.
Maaari din na magkaroon ng kapalit o kundisyon para hindi ituloy ang pagbabanta.
Pero 'yung maghamon kayo ng away na dala ng init ng ulo o pagbugso ng damdamin na maipapakita na wala naman kayong intension na ituloy o totohanin, ito ay krimen na other light threats sa ilalim ng Article 285, Paragraph 2 ng Revised Penal Code.
Medyo mababa naman ang penalty ng kulong – aresto menor minimum lamang or 1-10 days imprisonment, pero may posibleng fine ng P40,000.
Maaari ding maging kaso ng unjust vexation kung ang isang tao ay nanghahamon sa pamamaraan kung saan makakaranas ang isang indibidwal ng matinding inis dahil sa direktang paghahamon na maaaring bayolente, pisikal, verbal or written na pamamaraan na magreresulta sa mental distress ng biktima.
Pero paano nga kung pinatulan ninyo ang nanghamon sa inyo? Sabi nga nila, ang pikon, talo. Lalo na sa ganitong sitwasyon na wala naman yatang tunay na pagbabanta na nangyari – pananagutan ninyo nang buo ang naging pagpatay sa isang tao.
Makikita natin na gumamit ng itak ang salarin – baka hindi lamang homicide, kundi murder na ang kaso.
Maaaring sabihin ng ibang tao – e nanghamon naman 'yung biktima, hindi ba ikokonsidera ito?
Totoo na maaaring depensa na self-defense ang nangyari – na may unlawful aggression na naging ugat ng away. At dahil may unlawful aggression o naunang pagbabanta, minsan, sinasabi ng batas na justified ang pagpatay dahil nauna 'yung kabila na naghamon.
Pero hindi maaaring gamitin ang depensa na ito ng self-defense kung sobra naman ang naging reaksyon — hinamon ka ng suntukan, biglang pinatay mo ng itak.
Dapat ay maipakita na ang ginamit mong pagprotekta sa sarili mo ay kinakailangan dahil sa degree ng threat laban sa iyo. Ang tawag dito sa ilalim ng batas ay reasonable necessity of the means employed to prevent the aggression.
Hindi rin ito self-defense kung tumakbo na ang nanghamon sa inyo pero hinabol niyo pa! Hindi na self-defense ito. 'Pag wala na ang threat o danger, dapat ay tumigil na rin kayo.
Kung sa katulad nito ay nakapatay kayo gamit ang isang sandata at 'yung kaaway ninyo ay defenseless at walang hawak na panabla sa inyo at hinabol niyo pa, malamang ay kailangang panagutan sa buong puwersa ng batas ang pagpatay na ito.
Paulit ulit nating sinasabi – walang magandang kahihinatnan ang init ng ulo kaya't huminahon na lamang at hayaan na lamang.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!