ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Caretaker, niloko ng nagpapanggap na bibili ng property sa Pangasinan


Sa tila isang bagong modus, naloko ng aabot sa P1,700 ng isang nagpapanggap na bumibili ng lupa ang isang caretaker sa Pangasinan.

Idinulog sa GMA News ni Freddie ('di tunay na pangalan) ang panloloko umano ng isang babae sa caretaker ng lupa ng kangyang ina.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita, ipinakita ni Freddie ang video ng babaeng nagpakilalang si Joyce Villarosa-Guzman.

Una rito, lumapit umano si Joyce sa kanyang inang senior citizen habang nasa isang mall at sinabing gusto niyang bumili ng lupa bago siya lumipad patungong ibang bansa.

Nagkataon namang may ibinebentang property ang ina ni Freddie.

"She was looking to buy property. We made a trip and drove her to the property in pangasinan," ayon kay Freddie.

On the way to Pangsinan, hitik daw sa kuwento si Joyce tungkol sa marami niyang property at mga kakilalang ma-impluwensiyang tao.

Pilit din niyang hinihingi ang bank account number ng kanyang ina.

Habang nasa Pangasisnan, palihim na nakuha ni Joyce ang contact number ng caretaker.

Kalauna'y kino-contact na pala ni Joyce ang caretaker dahil nagpahanap umano ito ng gustong mamasukan abroad.

"Nakakuha siya ng money sa caretaker. She claimed na nagbayad na siya sa amin ... at siya na raw ang new owner," ayon kay Freddie.

"Sabi ng caretaker, naghahanap siya [Joyce] ng babysister, at inerekomenda ng caretaker ang sister niya," dagdag niya.

Pahayag ni Freddie, "Sumatutal, P1,700 ang na-money-transfer noong nakaraang Martes ng caretaker kay Guzman. P1,500 para raw sa passport at P200 para sa NBI clearance.

Humihingi pa umano si Joyce ng karagdagang P2,200 para raw sa terminal fee at medical examination.

Pero hindi na nagpaloko ang caretaker at nagpa-blotter na siya sa mga pulis noong Huwebes. —LBG, GMA News