Guro tinangayan ng 'Koreana' ng pera at mga alahas
Isang guro na namimili sa isang mall sa Pagadian City ang nabiktima ng isang "Budol-Budol" gang nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa biktimang si Ermelinda Segovia, 59 anyos, na nagtatrabaho bilang guro sa Guipo, Zamboanga del Sur, namimili siya sa C3 mall sa Barangay Sta. Lucia nang lapitan siya ng isang "Koreana."
Ilang sandali pa ay kinausap na siya ng Ingleserang babae at sinabihan siyang pumili ng kahit anong gusto niyang damit. Sinabi raw sa kanya ng babae na kaarawan niya at gusto niyang manlibre.
Ayon kay Segovia, pilit din siyang binibigyan ng babae ng P6,000 pero ilang ulit niya itong tinanggihan.
"Una akong pumasok sa tindahan at tsaka pumili ng damit. Pagkatapos sumunod yung Koreana sa akin. Habang akoy namimili sabi ng Koreana pili kayo maam kasi birthday ko ngayon. Bibigyan kita kasi kaugalian namin na kapag mag-birthday magbibigay kami ng regalo sa mga tao, sa mga mabubuting tao," ani Segovia.
Habang nag-uusap silang dalawa, isang babae pa ang sumingit at kinumbinsi rin siyang kunin na ang pera dahil talagang mapagbigay umano ang mga Koreana.
Habang pilit siya sa pagtanggi sa alok na pera, bigla na lamang umanong isinilid ng "Koreana" ang pera sa kanyang shoulder bag.
Ayon kay Segovia, sinabi sa kanya ng babae na kararating lamang niya sa bansa at nakiusap sa kanya na ipasyal siya sa Pagadian City.
Dahil mukha namang mayamanin at mabait ang Koreana, pumayag si Segovia na samahan ito sa pamamasyal sa iba pang mall kasama ang isa pang babae.
Paglabas nila ng C3 mall, huminto sila sa sidewalk kung saan hinintuan sila ng isang kulay maroon na SUV at isinakay siya sa likurang bahagi ng sasakyan.
Sa loob ng sasakyan, nagkunwari umano ang Koreana na bibili siya ng gamot sa isang botika at inutusan ang drayber ng sasakyan na mag-canvass muna sa botika. Pagbalik ng drayber, sinabing lagpas P1 milyon ang halaga ng gamot.
Dito na nagsabi ng Koreana kay Segovia na pautangin muna siya dahil P500,000 lamang ang dala niya. Ipinakita pa umano ng babae kay Segovia ang pera at pinangakuan pa siyang P1 milyon ang ibabalik sa kanya bilang ganti na rin sa kabaitan niya.
Habang nag-uusap, kinuha umano ng Koreana ang pera ni Segovia kasama ang mga alahas mula sa bag.
Nang malimas ang kanyang pera at mga alahas, nagpaalam ang Koreana na isasama ang kanyang drayber para magpa-encash ng tseke.
Tatlog oras ang lumipas, hindi na bumalik ang mga suspek at dito na naisip ni Segovia na nabiktima siya ng mga miyembro ng "Budol-Budol."
Hawak na ng pulisya ang ilang CCTV camera footage kung saan makikitang kasama ni Segoriva ang dalawang babae na naglalakad palabas ng mall.
Umaasa si Segovia na makikilala at maaaresto ang mga suspek. Inaalam pa kung magkano ang halaga ng pera at alahas na nalimas ng mga suspek sa guro.
Payo naman ng pulisya sa publiko, maging alerto laban sa mga mapagsamantalang mga tao gaya ng mga nambiktima kay Segovia. —ulat ni Aude Hampong/ALG, GMA News