15-anyos na dalagita ginahasa matapos piliting uminom ng tableta
Kalunos-lunos ang sinapit ng 15 taong dalagita sa Labrador, Pangasinan matapos siyang gahasain ng dalawang lalaking hindi niya kilala.
Sa isang ulat ng "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing dumulog ang biktima sa pulisya upang ilahad ang kanyang sinapit.
Pauwi na sana siya sa bahay ng kanyang tiyahin nang bigla siyang tutukan ng kutsilyo sa tagiliran ng isa sa mga suspek. Pinilit umano ang dalagita na lumunok ng tableta kaya siya nawalan ng malay.
"Inano po 'yung bibig ko hinawakan po nila tapos 'yung isang lalaki 'yung daliri niya ipinasok na po niya hanggang sa lalamunan ko. Di ko na po alam saan kami napunta tapos pagkakita ko na lang po, ganoon na po hitsura ko," kwento ng biktima.
Nang magising sa isang madilim at bulubunduking lugar, doon niya nalamang wala na siyang suot at muli na naman siyang pinagsamantalahan ng dalawang lalaki.
"Inulit pa po nila tapos sabi po ng lalaki doon sa isa niyang kasama na huwag na siyang magpapakita dito pagkatapos," sabi ng biktima.
Matapos gahasain ay iniwan ng mga suspek ang biktima sa tabi ng highway.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at inaalam na rin kung anong klase ng tableta ang ipinainom sa dalagita.
"Isang substance na pampatulog so iyon pa ang aalamin natin kung anong klaseng gamot iyon at first time na nangyari iyan dito," sabi ni Police Senior Superintendent Joel Cabaddu.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawang suspek.
"Base doon sa nakuha naming description dahil nakilala nga ng biktima ang suspek, iyon ang pinaghahanap namin ngayon. Humingi na rin tayo ng tulong sa mga barangay officials," dagdag pa ni Cabaddu. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News