ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-asawang lolo at lola sa Iligan, pinaghandaan na ang kanilang kabaong


Inihanda na ng isang mag-asawang lolo at lola ang kanilang mga gagamiting kabaong sa Iligan City para raw hindi na mamroblema pa ang kanilang mga anak kapag namaalam na sila.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing hugis eroplano pa ang kabaong ni Lola Flora Tapik, 86-anyos, samantalang simple lang ang kay lolo Luciano, 85-anyos.

Bagama't buhay, malakas at nakakapagbanat pa ng buto ang mag-asawa, matagal na raw nilang pinaghahandaan ang kanilang kamatayan.

Ayon sa kanilang mga anak, ayaw daw ng kanilang mga magulang na mamroblema pa sila sa kanilang kamatayan.

Higanteng lapida

Samantala sa Ilocos Norte, dinadayo ngayon ng mga tao sa isang museo ang isang higanteng lapida.

Nagsisilbi itong dedication board na pwedeng sulatan ng pangalan ng mga yumaong kamag-anak.

Pinapayagan ding magtirik ng kandila sa tabi nito.

Sa Bangued, Abra naman, nananatiling matibay ang mga antigong apartment-type na nitso na gawa sa purong bricks sa isang sementeryo.

Hindi kaila na lumang-luma na ang mga ito, at nalampasan na ang ilang mga kalamidad. — MDM, GMA News