ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaki, ‘di nakadalo ng graduation nang mapatay ang kuyang may problema raw sa pag-iisip


Hindi na nakadalo ng kaniyang graduation ang isang 22-anyos na lalaki sa Iriga, Camarines Sur matapos niyang aksidente umanong mapatay ang nakatatandang kapatid na may problema sa pag-iisip.

Ayon sa suspek, nagawa niya ang pananaksak para lamang depensahan ang sarili dahil pinagbantaan daw siya ng kapatid niya. Hiniling ng pamilya na huwag nang pangalanan ang mga kaanak nila na sangkot sa pangyayari.

Pagkukuwento ng suspek, nagpaplantsa siya nitong Biyernes sa kanilang bahay nang bigla siyang sugurin ng 31-anyos niyang kapatid na may hawak na martilyo at akmang hahampasin siya sa ulo.

Nasalag ito ng suspek at naitulak ang kapatid. Dahil dito, hinabol siya ng kapatid at nagbalak uling manghataw ng martilyo.

Muli silang nagkatulakan kaya nahulog umano ang suspek sa hagdan. Nagtamo siya ng gasgas sa likod.

Pagkabangon niya, tumakbo siya palabas ng bahay hanggang makarating sa kanilang kapitbahay. Nakita niyang lumabas din ang kapatid ng bahay nila at naglakad palayo.

Bumalik sa bahay ang suspek dahil sa naiwan niyang plantsa na nakasaksak, at ikinandado ang pinto. Ngunit bumalik ang nakatatandang kapatid at sinira ang kandado ng pinto hanggang sa makapasok.

Nagtago ang suspek sa loob ng kuwarto ng kanilang mga magulang at ikinandado rin ang pinto. Pero sinira rin ito ng nakatatandang kapatid at nakapasok.

Ayon sa suspek, nagmakaawa siya pero hindi nakinig ang kaniyang kuya, na may hawak na dos por dos at may nakausli pang pako. Nag-akma uling manghahampas ang kaniyang kuya.

Dahil dito, agad niyang dinampot ang kutsilyo na nakatago sa ilalim ng kama at napilitan siyang saksakin ang kapatid sa tiyan.

Naitakbo pa ng mga rumespondeng awtoridad ang biktima sa ospital pero idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding tama sa tiyan.

Sinabi ng suspek na nagawa niya ito bilang self-defense dahil kung hindi, baka siya naman ang napuruhan.

Narekober mula sa suspek ang kitchen knife na ginamit sa pananaksak.

Dagdag pa ng suspek, taong 2005 pa ipinapagamot ng kanilang pamilya ang nakatatandang kapatid na may problema sa pag-iisip. Kung minsan daw ay inaatake ito na parang sinasaniban at nagiging marahas.

Patuloy ang imbestigasyon ng Iriga Police sa nangyari, pero posibleng walang maisampang kaso laban sa suspek dahil bukod sa hindi magsasampa ang kaniyang pamilya laban sa kaniya, kinokonsidera ng pulisya ang self-defense ng suspek.

Kasalukuyang nakapiit sa Iriga Police Station ang suspek at hindi na makakadalo sa graduation ceremonies sa kanilang paaralan dahil sakop ng 36-hour reglementary period ang kaniyang detention. — Jamil Santos/MDM, GMA News