Mga residente, ‘di makatulog at makakain sa dami ng langaw sa kanilang barangay
Pinoproblema ngayon ang sangkaterbang langaw na namemerwisyo sa mga residente sa isang barangay sa Orani, Bataan, na bukod sa pumapasok sa mga bahay, dumadapo pa sa mga ulam kaya hindi sila makakain nang maayos. Ang itinuturong pinagmulan ng mga peste, ang mga poultry farm na malapit sa barangay.
Sa ulat ni Mariz Umali sa Balitanghali Weekend nitong Sabado, sinabing hindi rin makatulog ang mga residente sa Barangay Pagasa dahil sa sandamakmak na langaw.
"Madami pong langaw sa ulam po tsaka sa tao din po. Pinapaypay po, nagsisindi po ng kandila, nagkukulambo po," sabi ni Mimi Villafuerte, residente.
Tila hindi na rin umuubra ang mga takip sa mga lalagyan ng ulam kaya tinatakpan pa rin ito ng tela.
At ang ilang residente, kailangan pang magkulambo para makakain nang maayos.
"Kalalapag niyo lang kahit kumukulo ang ulam eh, nasa loob na eh," sabi ni Adoracion Calanib, residente.
"Ang problema nila rito, lalong lalo na pagka sila'y kumakain halos ang iniuulam nila langaw," sabi ni Joel Villafuerte, chairman, Bgy. Pagasa.
Ayon kay Villafuerte, nanggaling ang mga langaw sa dalawa sa apat na poultry farms sa Orani, na halos tatlong kilometro lang ang layo sa barangay na may mahigit 3,000 residente.
Kinausap na umano ng barangay chairman ang mga nag-aasikaso ng mga naturang poultry farm.
"Umaksyon naman po sila, ine-spray-an agad nila 'yung loob ng kanilang building para mapatay ang langaw. Binantaan ko po sila na magkakaroon sila ng problema 'pag hindi nila pinatay ang kanilang mga langaw sa loob ng building nila. Huwag nilang bubuksan hangga't hindi napapatay ang langaw," sabi pa ni Villafuerte.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga may-ari ng poultry farm. — Jamil/MDM, GMA News