May bukas pa ba? Ang laban ko sa Leptospirosis
Ni minsan, hindi sumagi sa isip ko na sa isang iglap, bigla na lang akong magkakaganito.
Hinang-hina. Inaapoy ng lagnat. Halos hindi na makapagsalita at makalakad.
Maya’t maya ang pagsusuka. Naninilaw ang mga mata. May mga panahong nagdedeliryo ako at kakaba-kaba ang dibdib ko habang paulit-ulit na pumapasok sa isip ko— May bukas pa ba?
Nagsimula ang lahat sa pananakit ng lalamunan hanggang sa tuluyan akong apuyin ng lagnat.
Akala ko noong una COVID.
Nagpa-antigen at RT-PCR pa ako, pero negative.
Hanggang sa tuluyan nang lumala ang kondisyon ko.
Base sa mga tests at assessment ng mga doktor, leptospirosis ang naging diagnosis.
Ang mas nakapagtataka, hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung paano ko eksaktong nakuha ang sakit.
Hindi naman ako noon lumusong sa baha o nagpunta sa maruruming lugar.
Pero doon ko na-realize na hindi pala kailangang alam mo kung saan ka na-expose bago maging seryoso ang sakit.
At seryoso talaga.
Bumagsak nang todo ang katawan ko, na-confine ako sa ICU ng halos sampung araw.
Para lang makaihi, kinailangan akong i-catheter.
Sumailalim ako sa dialysis.
Sa totoo lang, may mga sandali na akala ko katapusan ko na.

Pero sa gitna ng lahat ng iyon, may isang taong hindi sumuko sa akin.
Si MJ.
Noong una, ayaw ko pa sanang pumunta sa ospital. Pero pinilit niya ako. At mabuti na lang, hindi siya sumuko.
Nandoon siya sa tabi ko kahit siya mismo ay natatakot na rin. Di ko alam kung paano niya ako kinaya kasi umabot sa puntong di na ako nakkatayo o nakakalakad. Na-trauma na rin siya sa mga nangyayari, pero pilit niyang itinago iyon para hindi ako panghinaan ng loob.
At alam kong hindi lang para sa sarili ko ang laban na iyon.
Gusto kong makauwi.
Gusto kong makita muli ang pamilya ko.
Gusto kong makasama ang anak kong si Aerín.
Sila ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit pinili kong lumaban.
At hindi lang si MJ. Bumuhos din ang pagmamahal at dasal ng pamilya, mga kaibigan at mga ka-trabaho ko.

Matapos ang halos sampung araw sa ICU, unti-unti rin akong nakabangon.
Pero maging ang recovery di naging madali lalo’t kidney at baga ang tinamaan sa akin.
Ilang linggo rin akong manas at ang buong katawan ko namalat.
Muntik-muntik na talaga pero, thank God, napagtagumpayan namin ang laban sa leptospirosis.
Kaya ngayon, hindi ko maiwasang malungkot at mag-alala kapag nakakakita ako ng mga taong lumulusong sa baha—lalo na ang mga bata na parang swimming pool lang ang tingin sa tubig.
Gets ko na minsan, walang choice.
Pero kung may ibang paraan?
Huwag na.
Hindi natin nakikita kung ano ang nasa baha. Maaaring contaminated ito ng animal urine at iba pang bagay na maaaring magdulot ng leptospirosis at iba pang sakit. At kung magkaroon ng sintomas pagkatapos ng possible exposure, huwag balewalain—magpatingin agad.
Leptospirosis is no joke.
I learned that the hard way.
Sometimes, choosing to stay safe doesn’t make you a coward.
It’s simply choosing to live.
To go home.
To see the people you love.
To hug your children again.
To have another day with your family.
Kung may option na hindi lumusong sa baha, huwag.
Piliin nating mabuhay. —GMA News