ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Kailangan ng disiplina sa boxing at family planning'


Matapos ang matagumpay na laban sa mas malaking si Sugar Shane Mosley, may panibagong pagsubok si Sarangani Rep. Manny Pacquiao – ang pabagsakin ang kontrobersiyal na Reproductive Health Bill. Sa panayam ni Jessica Soho sa SONA noong ika-16 ng Mayo, inihalintulad ni Pacquiao sa boksing ang tamang pagpaplano ng pamilya. Jessica Soho (JS): Ilang beses na niya tayong pinabilib at binigyan ng karangalan bilang mga Pilipino. Ngayong gabi kasama natin ang boxer of the decade, ang Pacman, Pambansang Kamao Congressman Manny Pacquiao. Maraming salamat po sa pagdalo niyo dito sa State of the Nation, Congressman. Cong. Manny Pacquiao (MP): Thank you, magandang gabi. JS: May thrill pa po ba sa inyo na nanalo uli kayo kasi ito na 'yung inyong pang-walong world title and pang-fourteen na sunod-sunod na panalo. So nung nanalo po kayo kay Mosley, may thrill pa po ba kayong naramdaman? MP: Masaya, pero hindi kamukha ng ibang mga laban ko na talagang iba yung saya mo. Ngayon, parang natural na lang sa akin na ganun, 'pag nanalo. JS: Bakit, kasi hindi naman daw siya sumuntok? MP: Takbo lang siya nang takbo eh, ayaw niyang sumugod o makipagpalitan ng suntok. JS: Bakit kaya? Natakot? Nawindang? MP: Baka nasaktan or... ewan ko. JS: May binulong ka eh dun sa isa sa mga round. Ano 'yung binulong mo sa kanya? MP: Bale, sabi ko ingat sa headbutt. JS: Hindi mo naman sinabi sa kanya, sumuntok ka naman? MP: Minsan. JS: Ok, so ano pang natitira sa iyo, Congressman Pacquiao. Sabi nila na naubos na lahat ang mga kalaban mo. 'Yung mga Mexicano, wala na. Mga Amerikano na ngayon mga nilalabanan mo. Babalikan mo na lang 'yung isa sa mga napatumba mo na dati na si Juan Manuel Marquez. So, paano 'yan? MP: Naghamon din si Marquez. Matagal nang naghamon 'yan eh. Pero hindi pa nafinalize 'yung fight. But definitely, ang next fight ko is November 12. JS: Ok. Pero sabi nila Congressman Pacquiao, parang nagiging money game na lang daw ito kasi nga wala ka na halos ka-ranggo eh. So parang sila, kumikita sa'yo. Eh siyempre kumikita ka rin. Hindi kaya ganun na lang ang nangyayari? MP: Hindi naman. Marami namang mga boksingero na magagaling ngayon. At siyempre, naghihintay lang ng tamang panahon para lumaban sa akin. JS: Papaano si Mayweather? Tuloy pa ba iyon o hanggang bluff lang siya talaga? MP: Hindi ko alam kung lalaban o hindi pero hindi natin aasahan. Kung lalaban man din, mas maganda. Kung hindi, 'wag na nating isipin 'yun. JS: Si Mosley, may mga tweet siya although later on dinedeny niya na siya daw ang nag-tweet parang pinasa lang daw sa kanya 'yung impormasyon. Again, about this nakakainis na issue na lagi na lang itinatapon sa'yo, 'yung steroids daw. MP: Eh mula noon hindi naman ako na-positive sa mga drug test ko. Lagi naman tayong nagpapa-drug test before and after the fight. At wala namang ano, malinis naman tayo. Hindi ko nga alam kung ano 'yang steroids na 'yan, 'yang mga sinasabi nilang pampalakas daw. Ako talaga pag nag-training, training talaga ako. Talagang pinaparusahan ko ang sarili ko. Kinukuha ko 'yung lakas ko sa pagdarasal ko at sa disiplina sa sarili sa training. JS: Baka kasi hindi sila makapaniwala na ang katulad mo ay nakakapagpalit-palit ng weight division at laging nananalo. Parang pambihira raw kasi 'yung skill na 'yun o 'yung katatagan na ipinamalas mo. MP: Parang ganun na nga, parang nagdududa sila na bakit kaya nakaya ni Manny? Parang nag-iisip nila na, ah baka gumagamit ng ano 'to, ng kung anu-anong mga pampalakas. Eh ang totoo lang, ang pampalakas ko is 'yung dasal ko, 'yung paniniwala ko sa Panginoon, at 'yung sakripisyo ko sa sarili ko. 'Yun ang lakas ko. JS: Congressman, paano mo ba pinapanatili na ang iyong mga paa eh nakatanim pa rin sa lupa? Ang dami mo nang pera, ang dami mo nang napanalunan, wala ka nang dapat pang patunayan, sabi nga nila. Hindi ba mas mahirap para sa'yo na tumuntong lagi sa lupa lagi kaysa nandoon sa alapaap. MP: Alam mo ako, kung ano mang na-achieve ko sa sarili ko, anumang nakamit kong tagumpay, sa totoo lang hindi ko iniisip 'yan. Hindi ko inilalagay sa ulo ko. Ang lagi kung iniisip 'yung maging close ako sa God. 'Yung pagdarasal ko. Kapag nakalimutan kong magdasal, talagang guilty ako. Humihingi ako ng tawad na nagkasala ako, na nakalimutan kong magdasal. Ang akin is, ang pagdarasal ko sa Panginoon is talagang mataimtim. 'Pag ikaw ay malapit sa Panginoon, lagi kang naka-smile, lagi kang masaya. Dahil ang Panginoon nasa iyo, ang pag-ibig is Panginoon eh. Kumbaga sa ano, masaya lagi ang puso mo. Lagi kang nakangiti, naka-smile. 'Pag may mga problema kang dinadala, balewala sa'yo ang problema. JS: At mukhang malakas ka sa Diyos dahil lagi ka niyang pinapanalo. Bakit kaya? MP: Tayo naman lahat malakas sa Panginoon basta tama at mataimtim ang dasal natin. At laging nandiyan para sa atin ang Panginoon. JS: Ngayon may bago kang laban. Bakit ka sumabak sa isyung ito, sa RH Bill? Bakit ang posisyon mo ay anti ka o kontra ka rito? MP: Ang pananaw ko, bago man ako magdesisyon na maging against the RH Bill, walang mga kumausap sa akin na pari o kung sino mang mga tao na maimpluwensiya na kumausap sa akin para dito. Nagdesisyon ako para sa sarili ko dahil alam ko na tama ang desisyon ko, na kailangan 'wag nating labagin ang utos ng Panginoon. Unang-una, naniniwala ako na labag sa kautusan ng Diyos na i-kontrol mo kung ilan lang ang magiging anak mo. And then sa tingin ko, hindi ito ang solusyon para lutasin ang kahirapan. Ang solusyon para lutasin ang kahirapan ay magkaisa tayong lahat at sugpuin ang corruption. Kasi kung walang corruption, hindi maghihirap ang mga mahihirap na tao. Matutulungan pa natin, nagkakaisa tayo, at 'yung budget ng gobyerno ay mapupunta talaga sa mahiirap na tao. Ang budget natin talagang bina-base 'yan sa population ng Pilipinas, sa population ng tao. Hindi natin pwedeng sisihin ang tao na naghihirap tayo dahil sa parami nang parami ang tao. No, that's wrong. Sa paniniwala ko, mali na sisihin natin ang mga tao, na kaya tayo naghihirap dahil dumarami tayo. Sa totoo lang, naghihirap ang tao dahil maraming corruption. JS: Pero sigurado 'yung mga nakikinig diyan sasabihin, eh madaling sabihin sa kanya, aba'y bilyon-bilyon ang panalo niya. Kahit ba isang dosena ang maging anak nila ni Jinkee, sana kay Jinkee lang ha, eh kayang-kaya niya. Paano naman daw 'yung walang trabaho ang mister, 'yung misis wala ring stable na trabaho, tapos anak sila nang anak hanggang sa maka-isang dosena. MP: Tama 'yan. Maganda 'yang tanong mo na 'yan. Alam mo, nung mga bata pa kami, ilan kami? Apat kaming magkakapatid. Ang mama ko walang trabaho, ang papa ko walang trabaho. Wala kaming tirahan, wala kaming sariling bahay. Saan kami matutulog? Pero dahil sa pagsisikap ng magulang ko, sa pagsisikap namin, lagi kaming nagdadasal, bakit kami nakasurvive? At ang mga kapatid ko, maganda ang buhay nila. Maganda dahil malinis, nagsisikap nang mabuti, nasa tama. Hindi 'yung dahil sa kahirapan, kailangang tulungan, bigyan ng pera ng gobyerno para hindi maghirap ang tao. No, mali. Kailangan kumilos din tayo. At hindi 'yung sabihin na o, kailangan kaunti lang ang ianak mo dahil mahirap kayo, mahirap magpakain. No, kailangan turuan natin ang sarili natin na kung paano humanap... magtrabaho. 'Wag nating ikahiya kahit anong trabaho. Ako noon, noong bata ako, pupunta ako sa isang restaurant sasabihin ko, 'Manang, pwede ba akong maghugas ng plato para makakain ako?' JS: Ginawa mo 'yon? MP: Oo, ginawa ko 'yon, 'Manang, pwede ba akong magtinda nitong paninda mo. Ikaw na bahala kapag naibenta ko na lahat, ikaw na bahala kung magkaano ibigay mo.' At least malinis. Hindi tayo pwedeng, pahingi ng ano, pangkain ko. No, never kong ginawa 'yan sa buhay ko. Kahit wala akong pagkain, kahit hindi ako nakakakain sa tamang oras, tatlong beses sa isang araw. Never sa pagkabata ko na sinabi ko, 'pahingi po ng piso, bili po ako ng pagkain.' No. Ako noong bata ako, tulad nung sinabi ko, pumupunta ako sa restaurant, 'Manang, pwede ba akong maghugas ng plato.' Kahit maraming plato huhugasan ko basta makalibre lang ako ng pagkain. Ganun. JS: Pero ang problema Congressman, merong mga mag-asawa, I'm playing the devil's advocate here, 'yung kontra naman sa posisyon mo. Merong mga mag-asawa na walang kakayanan na dahil wala daw silang access sa family planning methods, eh lalo lang silang nadaragdagan ng anak, lalong lumalala ang kanilang problema. MP: Ganito 'yon... ganito 'yon. Ngayon wala pa 'yang RH Bil, ang mga tao gumagamit na ng condom, gumagamit nang pills. Eh, bakit pa natin ipapasa ang RH Bill? Anong ibig sabihin? What for, na ipapasa pa natin eh tutal gumagamit na din sila? Siguro ang tamang gawin natin is ituro, i-educate sila, kung 'yan man ang gusto nila, turuan sila nang tamang family planning. Hindi 'yung, bakit, ano bang ibig sabihin? Bakit kailangan ba nating ipasa 'yang RH Bill? O, 'di ba? JS: Kayo ba ni Jinkee nagpa-family planning at gumagamit din ng contraceptives? MP: Kami kapag sinabi namin, o 'wag muna tayo ngayon, dahil medyo... 'pag nag-make love tayo ngayon is mabubuntis ka. Tiis lang, disiplina. Parang boxing din, nagdisiplina ka sa sarili mo, 'di ba? Dapat ituro rin sa bawat pamilya hindi 'yung, kasi 'pag pinasa mo 'yung RH Bill, ibig sabihin parang inoobliga mo 'yung tao. Eh akala ko ba ano tayo dito sa Pilipinas, sa atin may freedom tayo? Parang 'pag pinasa mo 'yang RH Bill, inoobliga mo 'yung tao na ganyan lang. Eh samantalang ngayon, kahit na wala pa 'yang RH Bill, eh ang tao gumagamit ng condom, ng pills, wala man ang RH Bill. JS: So mukhang masusundan pa si Queenie? MP: Masusundan pa. JS: Ngayon ang makakasagupa mo, ayaw mo man o gusto, kasi labanan daw ito ngayon ng celebrities. Ikaw ang nasa hanay ng mga anti-RH Bill o pro-life. Ang nasa kabila naman, si Lea Salonga, si dating Presidente Ramos, pati na si Senator Miriam Defensor-Santiago, paano ba 'yan? MP: Sa totoo lang, tayong lahat nagdadasal, naniniwala tayo sa Panginoon. Lahat tayo nagdadasal. Kung hindi tayo naniniwala sa Panginoon, bakit tayo nagdarasal, 'di ba? Tayo, dapat isipin natin na hindi tayo malilikha maging tao kung wala ang Panginoon. Hindi malilikha ang buong mundo kung wala ang Panginoon. Hindi malilikha tayo kung wala ang Panginoon. So in short, kailangan magdasal tayo sa Panginoon, 'wag nating labagin ang utos ng Panginoon. Unang-una, labag sa Panginoon, labag sa kautusan niya ang ikontrol ang mga anak. Nasa Bibliya 'yan. Sabi niya, "Go to the world and multiply." Hindi niya sinabi na multiply just to have two children, o kaya tatlo lang. Ang sinabi, magpakarami kayo. JS: Maraming salamat Congressman Pacquiao. Yellow ang iyong tie, yellow ang iyong boxing gloves. May ibig sabihin ba 'yan sa iyong politika? MP: Yellow is... sabi ko nung nakaraang laban ko is simbolo ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Kasi nagkawatak-watak tayo ngayon. Nagkahiwa-hiwalay tayo ngayon dahil sa ating paniniwala. Pero sana magkaisa pa rin tayo, ang puso natin. At 'wag nating alisin sa puso natin na ang pagmamahal dahil ang Panginoon palaging nasa atin, nagga-guide sa atin palagi. JS: Bigyan ka namin ng pagkakataon, para sa iyong mga fans. Ngayon ka lang kasi nag-guest nang live after nung panalo mo. Baka may gusto kang sabihin sa mga Pilipino na tumutok uli dito sa iyong huling laban. MP: Nais kong pasalamatan ang buong sambayanang Pilipino. Alam niyo taus-puso po akong nagpapasalamat sa lahat ng suporta ninyo. Kung wala po kayo, wala pong Manny Pacquiao. Hindi po ako makikilala na Manny Pacquiao kung wala po ang suporta ninyo. At siyempre sa ating mahal na Panginoon. Sana po 'wag nating kalimutan ang Panginoon at 'wag po nating piliin ang utos ng tao kaysa utos ng Panginoon. Sana palaging tayo'y nasa utos ng Panginoon. Maraming-maraming salamat sa inyo, mga kababayan. JS: Maraming salamat po muli, Congressman Pacquiao. Maraming salamat po sa pagdalo niyo dito sa State of the Nation. And thank you sa lahat ng karangalan na ibinigay niyo sa ating lahat. -- HS, GMA News