TRANSCRIPT: Jessica Soho’s 2010 one-on-one interview with Dolphy
Though Dolphy was the unrivaled King of Comedy, he was also surprisingly and admirably down to earth. In November 2010, the actor sat down with GMA News pillar Jessica Soho for one of his last full interviews for television. During the interview, he opened up about his rise from poverty to fame, his reluctance to be called "Comedy King," his checkered love life, and his friendships with some of the greats of Philippine showbiz. Parts of this interview originally aired on the GMA program “Kapuso Mo, Jessica Soho” in 2010 and again last Saturday, July 14. Below is a full transcript of the raw interview. — GMA News
Jessica Soho: Kamusta na po kayo? Dolphy: Okay naman. JS: Kamusta na ho ang kalusugan niyo, Mang Dolphy? D: Medyo may sakit pa ako, pero okay naman. Medyo nagre-recover. JS: Nakakapag-shooting ho kayo? D: Nagshu-shooting. JS: Ano ho ito? Ayaw niyo raw hong mag-retire, talagang kailangan niyo hong… D: Retired na 'ko actually, e. ‘Pag may pumapasok na project, eh 'di sige. Sabi ko, basta kaya ko lang. JS: ‘Yung fire ho, nandoon pa... to perform? D: Nandoon pa naman. Nandoon pa naman kasi hindi nawawala 'yun e. JS: Saan ho ba nanggagaling 'yun? D: ‘Di ko rin alam e. Basta kung minsan nga e, 'yung alam mong may sakit ka na, ‘pag nandoon ka na sa harap ng crowd, nawawala... nagkakaroon ka ng extra adrenaline sa katawan na hindi mo alam. JS: Pwede po bang malaman kung saan nanggagaling 'yung galing niyo sa pagpapatawa? Kasi, ilang henerasyon na ho kaming mga pinapatawa niyo. Saan ho ba nanggagaling 'yun? Noong una ho, naalala ko mga Facifica Falayfay. So, nadadaan niyo sa mga damit, sa mga personalidad na ginagampanan niyo? Pero the comic strip must be coming from somewhere. Saan ho ba nanggagaling 'yun? D: 'Yung iba, may script naman 'yun 'di ba? Well, 'yung iba naman siyempre sa experience ko. Nakasama ko lahat ng comedian. Marami nang namayapa: sina Pogus Togo, sina Pitong, sina Patchie, Chichay, Dely Atienza. Lahat, nakasama ko na ‘yan e, so kumbaga sa kuwan, hasang-hasa na 'ko sa … kumbaga si Pacquiao, marami ka nag laban na medyo automatic nang lumalabas. JS: Pero noong una daw ho, dancer po kayo? D: Dancer ako. JS: Tapos napunta po kayo sa acting? D: Na-switch ako sa song and dance, and then napunta na ako sa, 'yun nga, minor-minor role lang. And then noong lumabas ako na isang parang tetestigo ako sa isang murder. Ang labas ko, Chinese na medyo hindi marunong masyado mag-Tagalog. Nag-click ngayon 'yun. Naging kwela. Nilagyan na ko ng... every week sinasali na ako sa play na tig-kakapirasong role na ganoon. JS: Pero comedian ho kayo talaga simula’t simula pa? D: Hindi pa, hindi pa. Doon lang nagsimula. JS: Kailan niyo nadiskubre na magaling pala kayo magpatawa? D: Noon palang nag-umpisa noon, noon binigyan na ako ng role na ganoon. Ayoko nga e. “Sige na,” sabi [nila]. “Pwede ka. Gawin mo 'yung ginagawa mo rito sa labas.” [Sabi ko], “O sige.” Eh, nag-click. “O ‘yan. kita mo? Maganda. Gusto ng tao,” [sabi nila sa akin]. Every week na 'yun. May role na kong gan’un. ‘Yun na, hanggang lumalabas ako sa labas, sa entablado sa labas, [sa] mga fiesta, ganoon. 'Yun na. Ginagawa ko parang na-kuwan. Na-improve nang na-improve. JS: Saan ho nanggagaling 'yung stimuli para hindi ho kayo maubusan ng mga gagawin na trick o strategy? Ano ho ba 'yun pala, nanood ho ba kayo ng mga pelikula? D: Oo, totoo. Nagbababad ako diyan kung minsan. Lalo ngayon sa DVD di ba? Tsaka kuwan, kinakailangan mag-research ka rin e. So ibig sabihin makihalubilo ka doon sa mga taong … sa mga squatters, sa mga … 'yung below average na mga tao. 'Yung talagang sa rural areas, pupunta ka. Makikihalubilo ka. Saka 'yung mga bata, minsan sa bata, namumulot ako. JS: Namumulot ho kayo ng ... ? D: ...ng joke sa mga bata. JS: Ah talaga ho? Saan pa po? Sino 'yung mga paborito niyong… D: ‘Yung minsan 'yung mga crew mo... mga crew, mo maraming … mga crew na medyo comedian, e. Makakapulot ka doon. Hindi naman sarili ko lahat 'yun e. ‘Yung iba doon pulot bukod sa sarili mo. JS: So ano ho kayo, Mang Dolphy? Aral na comedian o natural na comedian talaga? D: Actually, hindi ako natural na comedian, e. Masyado akong … sa totoong buhay very quiet ako e. Kung hindi mo ko alugin, hindi ako mahuhulog. Hindi ako gumagalaw e, medyo ganoon ako. JS: Seryoso po kayo? D: Kasi mayroon akong complex, e. Hikain kasi ako e. So pagka-hinihika ako, lumalayo ako sa tao, ayokong naririnig. May nebulizer akong kasama. Ne-nebulize 'yung lalamunan ko kaya lumalayo ako, ginaganoon. JS: Parang ang hirap pong paniwalaan seryoso kayong tao. ‘Yung Comedy King ng Pilipinas, seryosong tao? D: Totoo. Totoo. JS: Talaga ho? Bakit ho ganoon? D: E, ganoon, nature ko ho 'yun e. Nature ko 'yun. Nature ko 'yun. Ngayon ‘pag nasa kuwan na, ‘pag nandoon na sa show, iba na ako. Hindi na si Dolphy … Hindi na [ang] natural na [ako]. Iba na 'yun. Ako na 'yung nasa role ko. Doon sa ano... JS: So parang masasabi niyo po ba, Mang Dolphy, na may dalawa kayong klase ng personalidad? D: Split personality. JS: Kayo ho nagsabi. Ayokong sabihin. Split personality nga ho … D: Ibig-sabihin, kuwan lang... Basta ako, in nature, tahimik ako, e. Pero 'pag dating sa entablado o play o kung anuman, kung ano 'yung labas ko, andoon na, iba na ako. Hindi mo na makikita 'yung tahimik ako. Pag madaldal ang role ko, madaldal ako. JS: So parang napapagod din po ba kayo na magpatawa kasi parang sa inyo, 'yung pagpapatawa, trabaho? D: Trabaho 'yun. Trabaho 'yun. Hindi naman ako napapagod e, kasi 'yung ibang kaligayahan na madadama mo ‘pag nakikita mo nakakapagpaligaya ka ng tao, dobleng kaligayahan. JS: Ano pong nagagawa sa inyo? Describe niyo ho 'yung feeling, kunwari, [kapag] humahagalpak lahat 'yung tao sa kwarto dahil sa jokes niyo… D: Ibang klaseng feeling e. Parang inaangat ka sa … parang nililipad ka ng anghel sa langit. Ibang feeling. Tuwang tuwa ka e. Mas tuwa ko. Mas natutuwa ako. JS: Sabi po nila, Mang Dolphy, 'yung pinakamagagaling daw na comedian, 'yun 'yung may pinakamalulungkot na buhay. Tama po ba 'yun? D: Mayroon din naman. Lahat naman siguro nagsasabi may malulungkot na buhay [o] pangyayari sa buhay. Mayroon akong pagiging malungkot sa buhay, pero totally, hindi naman. Madami din akong masasayang mga araw … masasayang araw, masasayang pangyayari sa buhay ko. Mayroon talagang malungkot. ‘Yung mamamatayan ka ng anak, parang ganoon. Mamatay ang mga co-actors namin. Siyempre ma-mi-miss mo sila. Pero we have to move on, ika nga. Kinakailangan. Kinakailangan, kasi the show must go on. Maski namatayan ka, nagpapatawa ka pa rin. JS: Pasensya na ho kayo, pero pwede po bang malaman 'yung biggest pain na dinala niyo ho sa buong buhay niyo? D: The biggest pain na 'yung mamatayan ako ng anak dahil ngayon lang ako namatayan ng anak noon. Mabigat talaga at tsaka … at tsaka 'yung medyo, siyempre 'yung mga anak mo, medyo naghihikahos sa buhay. Medyo nag-aalala ka din sa mga anak mo. Tsaka siyempre, 'yung mga nanay mo, tatay mo, pinakamabigat 'yun dahil sa nawalan ako ng shoulder to cry on, ika nga. E siyempre, pagka may problema ko sa nanay ka tatakbo. E wala na, sa edad ko, magkakananay pa ba ko? Pero mayroon pa akong tiya, kapatid ng nanay ko. JS: Nagpa-interview nga ho sa amin … So mahahaba po ang buhay niyo? D: Sila. Ewan ko. JS: Malaki ho ang tenga niyo. 'Di ba ho, sabi nila, pag malaki ang tainga, mahaba [ang] buhay? D: Ang nanay ko namatay, 82 lang. Pero sila, mahaba buhay nila e. E na-cancer 'yung nanay ko. Sila mahaba talaga 'yung buhay. JS: Pero kayo rin ho siyempre gusto niyo rin mahaba buhay niyo? D: Siyempre sa … kung malakas ka pa. E kung mahaba [ang] buhay mo pero gaganyan-ganyan ka, e, wag na lang. JS: Hanggang anong edad niyo ho kaya gustong mabuhay? D: Depende. Mararamdaman ko naman 'yun e. JS: Gusto niyo pang maging 100? D: Ayoko. JS: Ayaw niyo? D: Ayoko. Tiyak na lumpo na ako n’un. Lumpo na ko n’un. JS: Narinig ko na ho ito, maraming taon na. Totoo ho ba na nakabili na raw kayo ng ano niyo, ng coffin? D: Yah. JS: Ah talaga ho? Bakit? D: Inaalok ako. Binebenta sa akin e. Binili ko naman. Actually, ako [ang] unang bumili ng memorial park dito sa mga artista. JS: Ah talaga ho? D: Kay Puyat ako. Kasi kumukuha ako ng loan sa bangko. Kasalukuyan silang nagbukas diyan sa kuwan, sa Marikina, 'yung Loyola diyan. JS: Pero may kabaong na raw ho kayo? D: Oo, kabaong na. Pero hindil. Iba 'yun. Iba 'yung … iba 'yung sa kabaong. Iba 'yun. JS: Pero sabi ho nila, swerte daw ho 'yun pag inagahan mo raw ng bili [at] apapahaba buhay mo? D: Hindi ko alam 'yun e. Actually hindi ko [alam] 'yun. Ang nalalaman ko lang, inaalok ako, may pera naman ako noon. Binili ko naman. Kasi iniisip ko rin 'yung ... Kanya bumili ako ng family estate sa funeraria. Unang-una ako. Way back pa 'yun. Basta hindi pa nayayari 'yun, 'yung Loyala na ‘yan e. E sabi ko, ba’t ako hindi bibili? Kung talagang mahal mo ang pamilya mo, gusto mo malagak sila sa kabilang buhay sa magandang lugar pa rin. ‘Yun ang talagang pagmamahal. JS: Mang Dolphy, ilan ho ang anak niyo? Pasensya na ho kayo ha… D: Labingwalo. JS: Labingwalo? D: Labingwalo. Labimpito na lang ngayon. Ewan ko, may uma-adlib, pero hindi ko… hindi… JS: Famous ho kayo na ano noong araw… D: Ngayon niyo lang… ngayon niyo lang sasabihing anak kita kung kailan may tahig ka na kako. JS: Noong araw, famous kayo, 'yung pagiging playboy daw, chickboy? D: Hindi naman. Actually, hindi naman e. One at a time lang naman ako e. Pero pagka wala, ‘yan sige nang sige. Fling-fling, fling-fling. JS: Bakit ho madali niyong napapa-in love 'yung mga babae? Sabi nila pag magaling daw magpatawa kasi, madaling ma-in love 'yung mga babae. D: Hindi. Mayroong babaeng ‘di natatawa e. JS: Hindi ho 'yun 'yung naging sikreto niyo? D: Actually hindi naman ako … hindi naman ako palaligaw na palaligaw talaga e. Palatingin lang ako, ganoon. Pero 'yung tingin ko sayo, parang hini-hypnotize na kitang ganoon. Parang, “Halika, akin ka.” JS: Kaya ho, naka-18 kayong anak na may uma-adlib pa? D: Oo, e kung hindi pa nagkaroon ng family planning e, baka ma-singkwenta siguro yan. JS: Ano ho 'yun, bakit ho? Malandi ho kayong lalaki talaga? D: May kalandian ako talaga. Kasi, basta makita ko, siyempre, magandang babae … pagtingin ko ... noong taun-taon pa 'yun. Nauuwi na sa kuwan, sa labas na ganoon. JS: Pero noong na-meet niyo na si Ms. Zsa Zsa? D: Ah, wala na. JS: Wala na? D: Wala na, period, closed na ang factory. JS: So, Mang Dolphy, 'yung 18 niyo hong anak, kamusta naman ho kayo? D: Okay naman kami. ‘Yung walo nasa abroad na. ‘Yung isa nasa Australia. Pito nasa Amerika. Bale ba iba’t ibang lugar e. Kaya nga noong mag-tour kami doon ni Zsazsa, pinuntahan ko lahat sila. Mayroong nasa L.A. Mayroong nasa Balero sa Frisco. Mayroong nasa New Jersey. Hiwa-hiwalay e, ang lalayo. Jersey, saka ... east and west e. Nagkikita naman kami. Okay naman. Masaya naman sila. Masaya naman ako. JS: Sabi ho nila sinusustentuhan niyo daw dati 'yung mga anak niyo, tama ho ba? D: Oo, 'yung iba. ‘Yung ibang kapos. Siyempre hindi mo matitiis 'yun e. Hanggang ngayon, mayroon pang mga kapos e. O sige. JS: Kumusta po kayo bilang isang tatay? Ano ho ba kayo, pisikal sa mga anak, 'yung medyo mahilig kayong … touchy-feely ho ba kayo, mga ganoon? Paano ho kayo? Paano hong fatherhood principles o paano ho kayo bilang tatay? D: Parang pagka nagsusupil ako, sigaw lang ako e. Kasi ‘pag sumigaw ako, galit na ko n’un. Kasi pagka maliliit na bagay na kuwan, na kasalanan, hindi ako masyadong kumikibo. Puro salita lang ba. Pero pag tumaas na ang boses ko at nasabayan ng mura, ayan na. Ibig-sabihin nun, tumigil ka na talaga. Pero hindi ako namamalo. Never. Pinakapalo ko sa pwet na ganoon, o tsinelas sa kamay. ‘Yung minsan si Vandolph namato ng tsinelas. Binato 'yung bata ng tsinelas sa mukha, pinalo ko 'yung kamay ng tsinelas. Mga ganoon lang, para magtanda, ika nga. JS: Paborito niyo daw po si Vandolph, totoo ho ba 'yun? D: Well kasi 'yung maliit pa si Vandolph, 'yung kami ni Ness, kaming dalawa magbarkada. Maliit pa siya. Paborito ko naman lahat sila. Kanya lang si Vandolph malapit, mas macariño siya. Mas macariño siya, kaya sabi nila favorite ko. Oo, favorite ko din. Pero lahat naman ‘yan favorite ko, lalo na 'yung mga babae. ‘Yung bunso ko, paborito ko 'yun. ‘Yung panganay kong babae, paborito ko 'yun. Lahat ‘yan. E kanya lang, noong magkahiwalay kami ni Ness, naawa ako kay Vandolph, kaya medyo ano … lahat ng anak ko nagkahiwalay kami. Napapalapit ako lalo sa mga nanay. Pero lahat noong nanay nila, kabati ko pa rin. JS: Anong sikreto, kahit hindi na kayo, kay Zsa Zsa na lang, okay pa rin kayo? Bakit ho? D: Akala ng iba, hiniwalayan ko 'yung iba. Hindi, ako pinalayas ng iba. JS: Oh? totoo ho 'yun? D: Totoo 'yun. Totoo 'yun. JS: Pero nadadala niyo nang maganda kahit medyo marami sila? D: Oo, siyempre nandoon na e. Kanya pangaral ko nga sa kanila ‘wag kayong pumares sa akin dahil kasi, kako nga e, sakit ng ulo. Nandoon sa libro ko 'yun e. Hirap 'yung uuwi ako ng apat na bahay tuwing Pasko, biro mo 'yun. Tapos kung minsan pag-birthday mo, nandoon ka, lilipatan. Para kang naging istasyon. Di ba ngayon … pag ulam mo dito, sugpo. Pagdating mo doon, sugpo. Puro sugpo! Mga paborito mo hinahain. JS: Mahilig ho ba kayong kumain, Mang Dolphy? D: Ah mahilig akong kumain. Food tripper din ako kasi s’an ba masarap, doon, punta ako, punta kami. JS: Anong mga paborito ninyo? D: Well, paborito ko actually, Japanese e. Mga Japanese ang … Japanese food, ayun... mga Italian, Tagalog. Basta masarap, pinupuntahan namin, kami ni Zsa Zsa. JS: Isa pa ho sa mga remarkable things about you 'yung taste niyo sa pananamit, ever since. Sabi ho nila, magaling kayong magdala ng damit? D: Magaling ba ‘yan? Nakalabas pa nga oh … bagay uso ito. Uso ngayon 'yung ganyan. JS: Pero maano ho kayo sa damit? D: Oo, mahilig akong magdamit kasi siguro noong araw, noong panahon ng Hapon, dadalawa pantalon ko, isang corto, isang largo. Kung minsan, ‘pag may punit, ako nagsusulsi. Kanya kako pagka nagkaroon ako ng pera, bibili ako ng maraming damit. Kaya siguro 'yun ang pumasok sa ulo ko. Iisa ang sapatos ko, alagang alaga ko. Sumpit pa. Nakatingala sa langit na ganoon. 'Yung sapatos ng dwende. JS: So 'yun ho ang luho niyo, damit? D: Palagay ko 'yun ang luho ko, damit din. JS: Bukod po dun, sapatos okay lang? D: Sapatos din. Kamukha ni Zsa Zsa, puro sapatos ‘yan oh. Tuwing bibiyahe ako, puro Vuitton ba 'yun, Vuitton. Kinain ng aso [ang] isang Vuitton niya, galit na galit [siya]. Aba’y libong dolyares ang nabili! Louboutin, a'yun. Louboutin… JS: Sabi ko ano kaya 'yung buton? D: Lambutan na ngayon. Pinangal noong aso, lambutan na. JS: Pero kayo po 'yung mga damit niyo sigurado mahal din po kasi 'yun ang luho niyo e… D: Oo, nagkaroon na nga ko ng sastre ko e. Isinara ko na dahil puro utang e...puro figures lang ang kita pero walang pera. Puro figures walang cash. JS: Mahilig po kayo Mang Dolphy sa mga mamahalin, mga signature na brands? D: Oo. JS: Sino hong paborito niyo ‘pag sa Americana mga ganyan… D: ‘Pag sa Americana Bosch, Bosch, kasi ako mayroon akong binibilhan sa Hong Kong din. Kung minsan mga Japanese na ‘yan e. Kasi ‘pag punta namin ng Hong Kong 'yung sale. ‘Yung mga sale na, mga August sale na ‘yan or after Christmas and New Year, sale na 'yan, so ‘yan ang inaabangan ko. Kalahati na ang presyo kanya dun ako namimili. JS: ‘Nung panahon daw po ng Hapon, nagpi-perform na kayo no'n? D: Oo. JS: Ano ho 'yun? Pwede pong ikwento? D: Sa entablado, dancer ako. Kasama ko sa chorus line and then later on binigyan ako ng solo number, pagkatapos nun mga susunod na programa, solo na ko, binigyan ako ng solo with another partner na babae. Hanggang inabot na ng giyera, nalipat kami sa…sa Avenue kami e, ‘dun pa sa tatay ni Ronnie, Ronnie Poe, FPJ Sr. dun ako…dun siya kumuha sa ‘kin d’un e. Tapos n’un, n’ung pumasok na mga Amerikano napunta kami sa Alegria, 'yung mga sine diyan, e ang sine diyan Apollo, Alegria, Lotus, 'yung mga sine diyan sa Avenida. D’un kami sa Alegria kasama ko 'yung Pogus Togo, Pogak Tugak. Nandad’yan lahat, pati si kuwan, 'yung tatay ni Ronnie. JS: Lahat po ng mga nakasabayan niyo wala na ho lahat, si Panchito, si Mang Ading…. D: Namayapa na nga lahat. JS: Naaalala niyo ho ba sila madalas? D: E siyempre madalas lalo na kung nanonood ka ng kuwan medyo makikita mo sila, manonood ka ng TV kanya minsan nga pagka may nakakapareha ko tinatakot ko, di ka ba natatakot? Bakit? E lahat ng kapareha ko namamatay. JS: Sinong pinaka namimiss mo sa kanila? D: Si Panchito saka si Ading, si Teroy. ‘Yan ang mga talagang solid kami, saka si Pugo kuwan. JS: Saka natatandaan ko ho 'yung nagtatranslate-an kayo ng kanta… D: Oo, sa Buhay Artista. JS: Sino hong nakaisip nun? D: Ako. Ako nakaisip nun. JS: P’ano ho pumasok sa utak niyo? D: E kasi kung minsan literal translation naman, 'yun bang, kako maganda pala 'yung ganito, every…every week na ngayon mayroon na kaming pinag-aaralan na kanta pati nga Kastila tina-translate ko sa Tagalog. JS: Magaling ho kayong mag-Kastila? D: Hindi ho. Palokong translation lang, palagay mo…palagay mo sinabi niyang lose padansoljia, oh yan, nag-yosi siya saka pinasan si Paquito Diaz. ‘Yung mga…’'yung talagang out of this world na translation pero sounds lang, sounds. JS: ‘Yung tunog lang po ang nag-aano sa inyo… D: Bisaya tinatranslate ko d’un. Usahay, oh may usa siya sa bahay. JS: Palakinig talaga ho pala kayo, parang maya’t maya nakikinig kayo sa usapan… D: Oo, kung hindi ako nanonood ng TV, gusto ko nakikinig ako ng music o nakikinig ako ng mga atake sa kuwan, sa pulitika. JS: Anong masasabi niyo sa pulitika natin? Nahahanapan niyo rin ho ba ng komedya ang pulitika? D: Oo naman. Oo naman. JS: P’ano ho? Anong masasabi niyo? D: Ayoko nang magsalita dahil n’ung magsalita ako diyan e na-frontpage ako…na-frontpage ako. Nag-apologize pa ko para lang…kasi 'yung aking commercial na-hold dahil do'n sa sinabi ko, dahil sa joke ko nung panahon ng pulitika. Na-hold 'yung commercial ko. So ang ginawa ko, tinawagan ako nung kliyente. Sabi p’ano ba ‘to Dolphy malalabas ito, e sabi ko kumbaga apologize na lang ako on air kako. JS: Ano hong commercial ito Mang Dolphy? D: Dolfenal. JS: So 'yung mga gano'n ho ba, naalala ko rin n’ung tumakbo si FPJ, na-intriga rin kayo nun e, y’ung mga ganoon ho na… D: Kay FPJ nga 'yun. JS: Oo nga FPJ, p’ano niyo ho nadadala 'yun, kayo na ho si Dolphy pero maya’t maya may tinatapon sa inyo ng mga kung anu-anong kontrobersya? D: Wala kang magagawa kasi pagka pumanig ka dito sa isang politician ganoon ang nangyayari siyempre kalab…dati sa atin masyadong personal dito ang politics. Hindi kamukha sa Amerika balatan nang balatan mo pagkatapos wala na, tapos na. Dito sa atin, tapos na sige pa e, 'di ba? Bihira 'yung wala na talaga e. Mayroon pa e. Medyo may kasamang personal. Nagbabarilan nga madalas. JS: John En Marsha, Mang Dolphy, kayo 'yun e. Ilang taon niyo rin ho kaming pinatawa, maliit pa ho akong bata… D: ‘Yan kuwan yan, concept ni Ading yan, Ading Fernando. JS: Ano hong pinaka-proud kayo dun sa John En Marsha? D: Sitcom na John En Marsha at pinakamatagal 'yun. JS: Anong masasabi niyo sa role niyo na tumatak na talaga ho sa mga Pilipino, 'yun kayo 'yung naging Filipino every man, naka-puruntong… D: Yah, palagay ko 'yung John En Marsha, kasi sa buhay ng mga taong…’'yung everday life ng mga Pilipino parang makikita mo siya John En Marsha e. ‘Yung talagang mga medyo naghihikahos sa buhay. ‘Yun bang isang kahig, isang tuka, makikita mo dun. Tapos mayroon dung mayaman, si Dely, na todo naman siya, makikita mo namang magwawalis ka dun sa ilalim ng floor na kuwan e, puro pera, mga ganoon. Eksaheradong pagkayaman naman. Kanya may contrast noh, parang rich man, may poor man kanya maganda, maganda 'yung kuwan, 'yung John En Marsha. JS: Dahil ho d’un nauso 'yung puruntong… D: Actually 'yung puruntong, naghahanap ako ng damit na medyo parang nakakatawa. E y’ung tatay ko, mamatay y’ung tao nagkalat 'yung mga damit niya dun. E mataba 'yung tatay ko e, malaki siya e, excuse me ha…malaki siya e, so 'yung tiyan niya. Malaki siguro kahit ako ngayon. Isinukat kong gan’un e nahuhubad gan’un, ginawa ko ginupit ko dito, e a'yun nagkabuhol-buhol, parang dukot-dukot na…e 'yun na. Kwela naman. A'yun na. Tapos 'yung lahat ng suot ko na puro gan’un na lang. A'yun na puruntong na. Aba pati sa America may puruntong din. JS: Kayo ang original? D: Original ako. JS: Mang Dolphy, ‘pag tinatawag nila ho kayong The Comedy King ng Pilipinas…. D: Ayoko. JS: Ayaw niyo? Bakit ho? D: E parang nayayabangan ako, pero sila nagsasabi, di sige, e di okay lang, e madami naman kako kaming hari e. JS: So hindi importante sa inyo 'yung mga titulo? D: Ah hindi, pero kung sinasabi nila, importante din sa ‘yo kung nandoon na. Talagang nahirati na ang mga tao sa ganoon, di sige na, hindi na maalis e. JS: Sa punto pong ito ng buhay niyo, ano 'yung pinakamahahalaga na sa inyo? D: Ang mahalaga sa ‘kin siyempre pamilya 'yung una, kami ni Zsa Zsa, 'yung mga anak ko, mga apo ko, 'yung mga apo ko sa tuhod, siyempre mahahalaga sa ‘kin. Siyempre itong hanapbuhay nga ika e, isipin mo panahon pang Hapon lumalabas na ko, so anim na dekada na, anim na, 64 years na kong lumalabas, so 64 na nga ba? Tama 64, 1944 e, tama ba 64? JS: So when you look back, 'pag tinitignan niyo lahat ng pinagdaanan po ninyo, anong sinasabi niyo po sa sarili niyo? D: Sabi ko narating ko ba itong ganito lahat. Siyempre pinagdaanan ko talaga mahirap ikwento, lahat ng…palagay ko sa carnaval lang ako hindi nakalabas e, lahat ng…ng klase, lahat ng field ng showbusiness napasukan ko na. Ultimo d’un sa Sarsuela nasama ko, e mali ginagawa ko, kinalawit ako ng matanda, wag kang sumama diyan. Gago hindi mo alam ‘yan, e may kanta pala. May lyrics pala para do'n sa play e. Nag-radyo ko. Uso pa n’un 'yung radyo and then later on 'yun na nga, kinuha na ko sa TV. JS: So ano 'yun, parang hindi po kayo makapaniwala na nakarating kayo sa kinalalagyan niyo ngayon? D: Hindi ako makapaniwala, oo. JS: Talaga ho? D: Kaya abut-abot ang panalangin ko sa kanya, si Lord hindi ako nakakalimot everyday, every morning, every night, every Sunday. JS: Bakit po? Ano po ba 'yun, galing po ba kayo sa kahirapan din noong araw? D: Actually [noon], hindi naman kami mahirap na mahirap. May trabaho ang father ko. Well to do naman ang kita niya. Kuwan siya e, mekaniko ng bapor noh. So ang mother ko naman e modista so mayroon siyang parlor-parlor kanya maganda naman ang kita nila. But n’ung nagkagiyera nawala lahat ‘yan. Unang una na sa tatay ko, bapor ng mga Amerikano pinagtatrabahuhan niya, and then 'yung nanay ko, gan’un din, so kanya-kanyang kayod na ngayon, kanya-kanyang tinda na kami. JS: Pero sabi niyo ho, bakit parang kahit ang dami niyo ng napagdaanan, parang hindi pa rin kayo mapakaniwala at ayaw niyo nang matawag na Comedy King kayo? E kayo na ho ito e, si Mang Dolphy. Tinitingala ng lahat, bakit parang hindi niyo ho ma… ano bang tawag ko doon, hindi niyo matanggap kung sa'n kayo nakalagay ngayon, bakit po? D: Hindi naman sa hindi ko matanggap kundi 'yung parang nayayabangan ako baka kasi isipin ng tao ako talaga ang nagpursigeng maging Comedy King ako na ano, pero hindi, talagang nagamay na ang tao tinatawag ako ng ganoon, so nandun na, siyempre hindi mo na maaalis 'yun, kumbaga sa kuwan nagamayan na nila e. JS: So anong tingin niyo sa kasikatan o katanyagan na nakamit niyo sa buhay? Anong tingin niyo diyan? D: Well ang tingin ko diyan, basta lahat naman yan dadaan sa…lahat tayo may araw. May time tayo ng pagsikat. May time na sa tugatog ka. May time na pababa yan siyempre. May time na wala ka na, y’un ang sinasabi ko. Sa pag-aartista, ang hirap sa lahat 'yung makapasok ka lang sa inner circle ng…ng pag-aarista, pag andun ka sa loob na, sikat ka na. Mahirap din dahil kuwan ka na, hindi mo na sariling mundo, [public] property ka na ika nga, lalo ngayon naka-text na lahat ang tao hindi ba? Maski jumi-jingle ka iinterviewhin ka, kukunan ka ng litrato. Ang pinakamahirap kako nga 'yung laos ka na, wala ng kumukuha sayo, 'yung hardest part ng kuwan, ‘pag showbusiness JS: Hindi pa naman ho kayo nakarating dun noh? D: Hindi nga, dadating lang ako doon, dadating tayo dun e, kumbaga sa kuwan, nasa winter na ko ng aking career di ba? JS: Pero nakakondisyon na po ba kayo do'n? D: Ah oo, resign na ko dun. Pati sa buhay ko resign na ko, darating at darating ika nga, 82, ano pa bang ini-expect mo. Sobra-sobra ang pasasalamat ko sa Diyos, sobrang biyaya, tagumpay ang pinagkaloob sa akin, asawa…asan ba ang asawa ko? Sa edad kong ‘to nakapag-asawa pa ko napakaganda at bata pa, sabi ko nga ano daw…ba’t kami’y nagkakasundo ni Zsa Zsa. Sabi ko kasi matanda na ko, pinagpapasensyahan niya ko. Kasi bata naman siya, pinagpapasensyahan ko siya. Gano'n ba, give and take. Pero 'yun talaga, 'yun 'yung pinag…pinakamasaya sa buhay ko. JS: Siya po ba ang biggest love niyo? D: Oo, actually ilang taon na kami. More than 20 years na kami. ‘Yung iba nga ang aga-aga diyan hiwalay na e, 'di ba? ‘Yung anak naming e isang 20 na. Isang 19 na. Pero nagplano kami wala na talaga. Hindi na ko makikita kasi n’ung araw e kanya dumami yan e n’ung araw kasi ang sayaw n’ung araw may slow drug, 'di ba? ‘Pag sumayaw ka ng slow drug at saka maganda 'yung kasayaw mo, nabubulong-bulungan mo, nahahalik-halikan mo 'yung leeg kahit tainga, hindi ba? O kapag hindi pumalag, o tuloy na 'yun, hindi ba? JS: ‘Yun pala ang salarin… D: E ngayon, mahirap ngayon ang slow drug e, malalayo ngayon. Kung minsan panay ang lalaki, panay babae, 'yung araw na slow drug e. JS: Mababaw din ho ba ang luha niyo Mang Dolphy? D: Mababaw, oo, madali akong… JS: Ano hong nakakapagpaiyak sa inyo? D: Kung minsan 'yun lang nakikita kong mga labas na nakakaiyak e naiiyak ako, kasi kung minsan 'yung…lalo na 'yung pag na-witness mo na 'yung mga ganoong pangyayari sa buhay, maawain ako e, maawain ako. JS: Si FPJ, naalala mo? D: Sobra, sobra. JS: Si Nida Blanca? D: Lalo na si Nida, kasi si Nida sabi ko nga favorite leading lady ko yan e, pinakamarami kaming pelikulang ginawa niyan, tsaka ang ganda ng chemistry namin e. Sabi nga ni Ading, si Nida daw ang Dolphy na babae. Puwede siyang sumayaw. Puwedeng kumanta, puwedeng mag-tumbling. Mas marami pa siyang nalalaman sakin e. ‘Pag nagkukuwan, nagwa-waterski yan kung ano, kuwan, miss na miss ko talaga. Kaya 'yun naiyak ako n’ung namatay si Nida. Naiyak ako talaga kasi nakita ko pa siya noong mga a week ago e bago nangyari. Nakita ko pa siya. Binisita ko nun sa set. Nag-eensayo siya ng sayaw. E wala, hanggang ngayon hindi pa nasosolve 'yung case. According to do'n sa anak ni…si Kaye, 'yung anak ni Nida. Oh sabi ko siguro happy ka na ngayon namatay na si kuwan, si Rod. Nagcommit daw ng suicide pero misteryoso kakong suicide 'yun bakit sa 2nd floor lang tumalon di ba ang daming 20 storeys dun sa Amerika? Bakit hindi d’un tumalon, para sigurado? E two-storey kako mababa, di ba mababa 'yung two-storey parang 2nd floor lang bahay mo. Gan’un lamang ang hotel sa America e, mababalian pwede pero namatay baka naman patay na itinapon do'n? Ngayon sabi niya oo nga, pero hindi pa rin ako kuntento. There you go kako, ako din kako hindi kuntento na si kuwan ang pumatay diyan e, e mahirap masolve 'yun kako, kung 'yung bumaril kay Ninoy hanggang ngayon hindi pa…hanggang ngayon hindi pa malaman kung sino e. JS: Buti walang nang-engganyo sa inyong pumasok sa pulitika Mang Dolphy? D: Wala, do'n nga nanggaling 'yung b’at hindi ka pumasok, siguradong mananalo ka. D’un nga ko natatakot baka manalo ko, sabi ko. JS: ‘Yun ho ang famous quote, ang problema, 'pag nanalo, pa'no? Ano ho 'yung eksaktong pagsasabi niyo d’un? D: Sabi ko d’un nga ko natatakot baka manalo ko, ba’t ka matatalo…natatakot ako. Ba’t ka matatakot siguradong mananalo ka naman? D’un nga ko natatakot baka manalo ko. JS: Eh pero ang dami na hong pumasok sa pulitika Mang Dolphy, hindi kasing sikat niyo pa ha… D: Sila siguro, e ako talagang papasok ako diyan, talagang magsisilbi ka sa bayan di ba? E kung mapapabayaan ko, ‘wag na. Okay na ko dito. Nakapagpapaligaya ka rin ng tao di ba, may talent fee ka pa di ba, pero dun wala di ba, e may puro bonus siyempre mayroon kasama yan. JS: Ano hong masasabi niyo sa naging evolution na po o 'yung pagbabago sa larangan ng comedy? Nung araw may mga pinagdaanan ho yan sabi po nila may toilet humor pa raw, may slapsticks, etc. Ngayon iba na ho, may situational, etc. Ano hong masasabi niyo diyan? D: Actually, wala namang nagbabago e. Walang nagbabago. Naging high-tech lang ngayon ang mga…ang mga equipment, ang mga ika nga pag-eexecute ngayon pero actually ang plot gan’un din. Well, 'yung toilet humor kung gagamitin mo sa tamang paraan okay pero kung puwersado hindi okay. Like nung kamukha nung ibang ginagawa ko, kung nasa squatter area ka, wala kayong CR, mga ganoon, magagamit 'yun. Pero kung wala namang karapatan, 'di gamitin mo, puwersado. JS: Kayo ho ba maika-classify niyo ho 'yung klase ng comedy na isinulong niyo ho? Maka-characterize niyo ho ba? D: Kasi ako, chini-check ko din 'yung pagka-script. Kino-compare ko muna d’un sa gumawa at saka d’un sa director. Kako hindi ba kuwan ‘to, ganito, ganyan, o kayo, kasi parang ganito, ganyan e, pumapayag naman sila. Explain mo sa ‘kin nang mabuti kung bakit. ‘Pag naniwala ako, okay, sige gawin natin. JS: Pero 'yung comedy niyo ho tama ho ba na masang masa kasi 'yung mga characters niyo, kayo nga 'yung sinasabi ko kanina para kayong the Pinoy every man… D: Masa talaga. Kinakailangan kasi, kasi actually mga nanonood ng sine masa e, 'yung mga medyo matataas e ‘yan pa ang nangangailangan ng passes bago manood e, hindi nanonood basta-basta kun’di mapupuwersa ‘pag pwinersa ng anak. JS: Masa pero nanonood din po 'yung mga upper classes. Napapatawa niyo rin. D: Kasi nga n’ung araw masa, pero siyempre n’ung huli, nakukuha ko na rin pati 'yung mga American kuwan, American crowd na kuwan, nanonood ng American feature. Kaya nga ko nalagay ako sa…akong nag-umpisa niyang mga American movie house na walang naglalabas ng Pilipino. Nag-umpisa ko diyan, 'yung mga Pinoy Matador, mga Facifica Falayfay, mga John En Marcia, nag-umpisa na 'yung mga ganyan. E 'di naglalabas diyan ng mga Tagalog e. JS: May mga pagsisisi ho ba kayo sa buhay, Mang Dolphy? D: Well, wala actually. Wala, actually sobra nga ang pasasalamat ko. Wala akong pagsisisi. Wala, sasabihin niyan pagsisisi ko marami akong anak, sumakit ulo ko. Hindi, siyempre ang binigay naman sa ‘kin kaligayahan ng mga anak ko bago sila lumabas. 'Di ba masarap din ang kaligayahang ibinigay sa ‘yo? Ngayon, kung minsan kapag may mga problema, hindi naman sila nasusulat, ako e, 'di ba? Sabi nga nung isang anak ko e hindi naman ako sinusulat, Dolphy e, e siyempre maski nga aso ko nakakagat, aso ni Dolphy. Mas malaki 'yung Dolphy kaysa dun sa aso ko. JS: May dream role pa ho ba kayo? D: Wala na. Dream role ko nga 'yung pari e, ito Father Jejemon, oh nakuha ko na 'yung dream ko. JS: Ito na ho 'yun? D: Ito na, paring nagko-comedy na lumalabas, fighting priest. JS: Hindi ho kayo nangarap magdrama din noong araw? D: Hindi, nagdrama na ko. JS: ‘Yung Nanay kong Tatay? D: Nanay kong Tatay, which I won an award sa FAMAS. Marami kong naging award sa drama. A'yun si Neneng…dalawa award ko nun, isang drama, isang comedy. ‘Yung Star Awards. ‘Yung Best Drama Picture…Drama Special. JS: So lahat po nagawa niyo na, nagpaiyak, nagpatawa… D: Uhm-uhm, nagawa ko na 'yun, magpaiyak, Tatay kong Nanay is talagang classic na 'yung ano, baka 'yun ang gustong gawin ng ibang sinasabi sa ‘kin, na gawin kila kuwan, sa ibang artista. Sa ‘kin, okay kako kung gagayahin nila. Basta okay lang sakin depende siyempre sa lalabas ano. JS: Paano niyo ho gustong maalala Mang Dolphy? D: Sabi ko nga with a smile on their faces. Basta gusto ko nakangiti sila pag nabanggit 'yung pangalan mo, ngumingiti ka. May maiwanang ngiti sa ’yo. I remember Mang Dolphy [tapos ngingiti], gano'n…kaysa d’un sa...buwisit na ‘yan. JS: Kasi sobra na ho kayong tumatak sa kamalayan ng ilang henerasyon na nga po ng mga Pilipino… D: Oo e. Una e lola’t lola, mga apo na. JS: Mga lolo’t lola namin, 'yung mga apo niyo sa tuhod, nakikita kayong nagpiperform pa rin, nagpapatawa. ‘Pag binabanggit ho 'yung mga ganyang bagay sa inyo, ano hong naiisip niyo, nararamdaman po ninyo? D: Wala, at least ang nararamdaman ko tuwa siyempre dahil rumirehistro 'yung ginagawa mo. Ang masama e 'yung ginagawa mo ano, walang sinasabi sa ’yo ang tao, walang pumupuri sayo, walang binibigay sayong mga award or ano. At least rumirehistro 'yung ginawa mo, that means to say na maganda 'yung ginawa mo. JS: Mang Dolphy, baka may mensahe po kayo dun sa mga fans niyo… D: Wala, ako’y magpapasalamat sa mga fans ko na sabi ko nga sa libro ko hindi ko narating ito nang mag-isa kun’di sa inyo, kayo na walang sawang tumatangkilik sa akin hanggang ngayon magmula pa sa mga lolo niyo, nanay at tatay niyo, lolo’t lolo niyo, mga anak niyo na ngayon at apo na niyo ngayon. Nandiyan pa rin kayo tumatangkilik sa akin. Sana itong mga huling gagawin kong mga project e wag kayong mag-atubiling tangkilikin, lalo na itong Festival. Tangkilikin niyo ang pelikulang Pilipino sapagkat pinaganda ho namin nang pinaganda itong mga gagawin ngayon. Panoorin niyo. At saka itong album ko, may album ako ngayon, panoorin niyo naman…makinig naman kayo ng album ko. Bumili naman pala kayo, parang awa niyo na. JS: Kayo ho kumanta n’un? D: Oo ako. JS: Ilang kanta ho 'yun? D: ‘Yung iba may ka-dueto ko, ka-dueto ko 'yung…si Zsa Zsa. Kadueto ko 'yung anak ko, si Zia, saka si Vandolph, saka si Mar. ‘Yung iba ako na lahat. JS: Wala ho kayong hindi pwedeng gawin, kanta, sayaw, comedy, drama… D: ‘Yung huli nga mag-album ako 1960s pa e, ayan ito nga pala 'yung album mo… JS: Hindi ko na natanong. Totoo ho ba lagi kayong gumagawa ng ano, pelikula sa Baguio kasi ayaw niyo ng mainit? D: Kasi nung araw, actually nung araw ayoko sa Baguio dahil tuwing papanhik dun nakikita ko pal ang 'yung bundok minsan, hinihika na ko. Ang ginawa ko, nilabanan ko 'yun, so d’un ako nagshooting e maganda pala saka maganda ang scenery at gumaganda ang photography pag dun dahil hindi polluted masyado. JS: Saka ayaw niyo daw po ng mainit. Tama ho ba 'yun? D: Siyempre ayaw mo ng mainit…masarap magshooting dun kay exterior, sa interior hindi ka masyadong maiinitan. (END)