ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Behind the scenes: Unang sulyap kay Pope Francis, ang tinaguriang Pope of many firsts


“Made in heaven” kung ituring ko ang coverage na ito, di lang dahil sa okasyon ng Conclave o proseso ng pagboto sa susunod na Santo Papa. Kundi dahil tingin ko, sobrang swerte ko para mabigyan ng ganitong oportunidad sa aking trabaho.

Dapat kasi ang una kong ico-cover ang World Economic Forum sa Switzerland nung Enero 2013, at eto sana ang unang beses na makakapag-cover ako sa Europe. May visa na nga ako at aking cameraman. Pero sa last minute, nagdesisyon ang opisinang di na muna tumuloy.

Feb 28, 2013, nagulantang ang buong mundo nang ianunsyo ni Pope Benedict XVI ang pagbibitiw niya bilang Santo Papa. Siya ang unang pope na nag-resign mula pa nung 1400s. Ilang araw matapos, nakatanggap na lang ako ng tawag mula sa opisina para maghandang pumunta sa Roma.

Tinakda ang unang araw ng conclave ng March 12, 2013. Umaga ng araw na iyon kami dumating sa Vatican, kasama ang cameraman kong si Ariel Dano. Sa malayo pa lang, nakakamangha na ang St. Peter’s Basilica. Imposing, o iyong laki at ganda nito alam mo na ang kapangyarihan at katatagang sinisimbolo nito.

 
Kakaunti pa lang ang tao noon sa St. Peter’s Square. Pero marami nang nakapwestong media. Umabot raw sa 5,000 ang mga nagpa-accredit na media mula sa iba’t ibang bansa.

 
 
Tulad sa Pilipinas, may ilang reporter na sinubukan ding maka-ambush interview sa mga cardinal-electors na natiyempuhan naming naglalakad sa square.

 
Pag nagsimula na kasi ang conclave, ikakandado na ang Sistine Chapel. May oath of secrecy ang 115 mga cardinal-electors at iba pang kasali sa proseso, at sinumang lumabag nito ang katapat automatic excommunication.

Kasama sa 115 electors ang mga tinawag na "papabili"—o iyong mga matunog na pinagpipiliang maging susunod na Santo Papa. Nababanggit ng ilang analysts at mga batikang reporter sa Vatican ang ating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

 
Kaya naman may ilang Pilipino rin akong nakitang nagtipon noon sa piazza, para hintayin ang resulta ng botohan. May dala pa nga silang Philippine flag.

Dahil may misa at mga seremonyas pa sa unang araw, isang botohan lang ang nangyari noon. Itim na usok ang lumabas mula sa Sistine chapel, na ang ibig sabihin wala pang nahalal na bagong Santo Papa. Kapag meron na, puting usok ang lalabas mula sa chimney o smokestack.

March 13, ikalawang araw ng conclave.

 
Maulan at malamig, at may pasok ng araw na iyon sa Vatican pero maraming tao pa rin ang naghihintay sa piazza. May grupo ng mga pari at madre. Maraming mga dayuhang may kanya-kanyang bitbit ng bandila ng kanilang bansa. Matanda, bata, may kapansanan. May mga kasama pa ang kanilang alagang aso.

 
Habang nagaabang, napansin din ng marami ang isang ibong pumwesto pa mismo sa chimney kaya nga usap-usapan sa social media, ang smoke-watching naging bird-watching na! Ang ibon nagkaroon pa nga ng Twitter account @sistineseagull, na may 9,000 followers.

 
Pero matapos ang dalawang rounds ng botohan, itim na usok pa din ang lumabas mula sa Sistine chapel ng umagang iyon. May mga usap-usapan ang locals: baka di raw ito ang araw na magkakaroon ng bagong Santo Papa dahil masama ang panahon.

Pero sa kabila niyan, kinahapunan marami ulit ang nagtipon sa piazza para abangan ang paglabas muli ng usok mula sa Sistine Chapel.

 
Pasado alas-siyete ng gabi may lumabas ng usok mula sa chimney. Agad naghiyawan ang mga tao. Hanggang sa sandaling tumahimik nang mabatid ng lahat na tila alanganing itim ang usok, at halos gray na nga. Maya-maya pa malinaw na—puting usok! Habemus papam! May bago nang Santo Papa!

Nagpatuloy ang palakpakan, sigawan. May mga nagyakapan. Nagwagayway ng bandila ng kanilang mga bansa. Kasunod nito ang pagtunog ng mga kampana ng St. Peter’s Basilica.

 
Dali-dali na kaming lumapit ng aking cameraman sa may harapan ng balcony kung saan ipapakilala ang bagong Santo Papa. Minsan lang ang pagkakataong ito kaya siniguro kong makalapit ako at makapwesto sa gitna.

 
Tsaka na tumugtog ang banda at nagmartsa ang mga Swiss Guard. Ilang minuto pa ang paghihintay bago makita ang bagong Santo Papa. Ramdam ang excitement sa paligid habang parami nang parami ang mga tao. At tulad na rin ng mga usap-usapan ng mga taga-Vatican tila himala namang huminto na ang ulan.

Ang unang lumabas ang proto-deacon na si Cardinal Jean-Louis Tauran. Agad niyang sinabi sa Italiano, "Masaya kong inaanunsyo, habemus papam!" May bago nang Santo Papa. Binanggit niya ang pangalang Cardinal Jorge Mario Bergoglio. Di ito gaano pamilyar sa akin dahil sa totoo lang di ito ganun ka-prominente sa mga listahan ng mga papabili na pinag-aralan ko. Pero si Cardinal Bergoglio daw pala ang runner-up sa huling conclave na naghalal kay Pope Benedict XVI. Galing daw si Cardinal Bergoglio ng Argentina, at ang napili niya raw pangalan: Francesco. Ang mga nasa paligid ko nagsigawan na, "Francesco, Francesco!"

 
Paglabas ng bagong Santo Papa, lalong lumakas ang sigawan at palakpakan. Nakakikilabot. Surreal, o tila di makatotohanang nandoon ako sa mga oras na iyon at sinasaksihan ang kasaysayan. Ang unang pagpapakilala sa buong mundo ng ika-266th na Santo Papa, ang kauna-unahang Santo Papa mula sa Latin America, o di galing ng Europa. Siya rin ang kauna-unahang Pope na Jesuit.

Naka-zoom in na ang camera ko, pero ang puting damit lang ni Pope Francis ang naaninag ko. Sa widescreen, nakita ko kung gaano kaamo ang aura ni Pope Francis. Di rin siya ganun ka-seryoso tignan, tila pala-ngiti pa nga.

May mga katabi akong mga Amerikanong seminarista at nagpatulong akong i-translate ang sinasabi ng bagong Santo Papa. Sa pananalita niya, dinig ang pagpapakumbaba at sinseridad. Lalo na nang bago pa man niya ibigay ang tradisyonal na basbas Urbi et Orbi, o para sa siyudad at sa mundo, siya muna ang humiling ng pabor sa mga tao, na sana raw ipagdasal siya sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

Napansin din ng ilan analysts na tila nag-bow o tumungo pa nga raw si Pope Francis. Ang mga aksyon niyang ito, lahat taliwas raw sa tradisyon o nakagawian ng mga bagong halal na Santo Papa—hudyat ng inaasahang malaking pagbabago sa liderato ng 1.2-bilyong Katoliko sa buong mundo.

 
Sa mga sumunod na araw, unti-unting nagpakilala sa mundo si Pope Francis—kung paanong nagpumilit siyang sumakay pa rin sa bus kasama ang ibang cardinal kahit na may sarili na siyang papal car; o kaya’y ang pagbabayad pa niya sa hotel na tinuluyan nila noong conclave.

Sa pambihirang pagkakataon, mas malapitan kong nakita si Pope Francis nang makasama ako sa media audience niya noong March 16. Akalain mong nasa isang kwarto lang kami ni Pope Francis! At ilang metro lang ang layo ko sa kanya! Dito nasaksikhan ko kung paano niya magiliw na binabati ang bawat isang taong lumapit sa kanya.

 
Bakas ang sinceridad sa salita at kilos niya. Di rin daw pangkaraniwan para sa isang Santo Papa na maging "touchy" o pala-kamay at tapik sa mga kausap niya. At maging ang aso ng isang bulag na journalist, binasbasan niya!

Kinwento niya kung bakit niya piniling makilala alinsunod kay St. Francis of Assisi. Malapit raw kasi St. Francis sa mga mahihirap, at "man of peace" rin daw siya. Gusto raw ng bagong Santo Papa magkaroon ng simbahan na mahirap, para sa mahihirap.

Pabiro din niyang sinabing alam niya raw na naging mahirap ang trabaho ng media noong conclave. Kinikilala raw ng simbahan ang kahalagahan ng trabaho ng media. Isa marahil na hindi ko makakalimutan sa mga sinabi niya—ang trabaho ng media halos katulad raw ng tungkulin ng Simbahan: “At your disposal you have the means to hear and to give voice to people’s expectations and demands…This is something which we have in common, since the Church exists to communicate precisely this: Truth, Goodness and Beauty in person.”

 
Bonus na lang marahil na naging bahagi ako ng “Habemus Papam –Special Coverage” ng GMA News na kinilala ng Catholic Mass Media Awards 2013 bilang Best Special Event Coverage. Higit pa kasi sa award na ito, di mapapantayan ang mga natutunan ko sa coverage ko sa Vatican.

Nakatatak sa isip ko ang sinabi ni Pope Francis na tungkulin namin sa media mailabas ang katotohanan, kabutihan at kagandahan, di lang sa mga salita o sa pagbabalita kundi para aktwal na maramdaman ito ng mga tao.

Sa nakatakdang pagco-cover kung muli sa Santo Papa sa pagbisita niya sa Pilipinas, iyan din ang tatandaan ko para maisabuhay ng bawat isa ang mga mensahe ni Pope Francis. — BM, GMA News
Tags: popefrancis