ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

64 bilanggo nakalaya sa Araw ng Kalayaan


MANILA – Kasabay ng ika-110th taon ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, 64 na preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa ang nakamit ang sarili nilang kalayaan nitong Huwebes. Sinabi ni retired police general Oscar Calderon, pinuno ng Bureau of Corrections, na sadyang ipaalam nila sa mga may-edad na bilanggo ang kanilang kalayaan kasabay ng pagdiriwang sa araw ng kasarinlan ng mga Filipino sa kamay ng mga mananakop na Kastila. "Tugmang-tugma naman na may ibang kalayaan kaming minimithi para sa mga preso ko, inmates ko. Ang pangalawang kalayaan nila sa sarili nila," ayon sa opisyal. Sa ulat ng QTV news Balitanghali, sinabing 16 sa 64 na bilanggo na binigyan ng conditional pardon ni Pangulong Gloria Arroyo ay nasa edad 70 pataas. Ang iba naman ay binigyan umano ni Gng Arroyo ng parole, ayon pa sa ulat. Masayang-masaya naman si Jun Rosales, 71-anyos mula sa Camarines Sur na 13-taon ng nakakulong dahil sa kasong panggagahasa. "Pinapanalangin ko na makalabas ako dito dahil gusto ko nang makita ang pamilya ko," ayon sa naluluhang si Rosales. "Susulatan ko (ang pamilya ko) para malaman kung tatanggapin nila ako bilang magulang at ama," idinagdag niya. Doble rin ang kasiyahan ni Felipe Siao, 72-anyos mula sa Cebu na nakulong dahil sa tangkang panggagahasa. "Suwerte ko. Malapit na birthday ko. Magsisindi ako ng kandila para sa Panginoon at magpapasalamat," ayon kay Siao na magdiriwang ng kaarawan sa Hunyo 25. Ngunit problema ni Siao kung papaano makikita ang pamilya na nawalay sa kanya ng limang taon mula ng makulong. "Pupunta muna ako sa simbahan. Doon muna ako maghihintay. Magda-dial ako (ng telepono) at sasabihin ko, ‘Nasaan ang pamilya ko," pahayag ni Siao na biglang natawa nang maalala na hindi niya alam kung saan tatawagan ang pamilya. Ngunit tiniyak ni Calderon na tutulong sila upang mahanap ang pamilya ng mga nakalayang bilanggo. - GMANews.TV