ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Lalaking inuugnay sa pagdukot sa TV crew sa Sulu sumuko
MANILA â Sumuko sa awtoridad nitong Sabado ang isang lalaki na iniuugnay sa pagdukot sa grupo ng broadcast journalist na si Ces Drilon sa Sulu. Sa panayam ng dzBB radio, sinabi ni Major Gen. Juancho Sabban na bumaba sa bundok at boluntaryong sumuko sa awtoridad ang isang Juamil "Mameng" Biyaw. Si Sabban ang pinuno ng binuong Task Force Comet na inatasang lutasin ang pagdukot ng mga armadong lalaki kina Drilon, cameraman na si Jimmy Encarnacion, at university professor na si Octavio Dinampo. Nitong Huwebes ay pinalaya ng mga kidnappers na pinapaniwalang miyembro ng Abu Sayyaf ang kasama ni Drilon na si Angelo Valderama, assistant cameraman. Kasama umano ng grupo ni Drilon si Biyaw noong nakaraang linggo patungo sa isang coverage sa Sulu sa Mindanao bago sila bihagin ang mga armadong lalaki. Nagpatulong umano si Biyaw sa pagsuko kay Sam Majusa, dating opisyal ng Moro National Liberation Front, at kasalukuyang kasapi ng National Security Agency. Si Majusa umano ang kumumbinsi kay Biyaw na lumutang at patunayan na walang siyang kinalaman sa pagdukot kina Drilon. Nakikipagtulungan umano ang grupo ni Sabban kay Chief Supt. Joel Goltiao, hepe ng pulisya sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, kung sasampahan ng kasong kidnapping si Biyaw. Sinabi ni Sabban na kukunan ng pahayag si Biyaw at magsasagawa ng imbestigasyon bago ang desisyunan kung kakasuhan ito. "Makakatulong ang statement niya, and 'yong association niya kay Dinampo, and 'yong purpose nila kung bakit sila pumunta doon," pahayag ni Sabban. Sa kabila nito, hindi umano makakaapekto ang pagsuko ni Biyaw sa pagsisikap ng mga negosyador na mapalaya ang grupo ni Drilon. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular