ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lacson nagparamdam ng ‘Jose Pidal Part 2’


MANILA – Ipinahiwatig ni opposition senator Panfilo Lacson nitong Miyerkules na may bago itong ibubunyag laban sa First Family na higit umanong matindi sa nauna niyang isiniwalat na Jose Pidal bank account. Bagaman hindi nagbigay ng detalye, pinayuhan ni Lacson ang mga taong masasangkot sa kanyang ibubunyag sa gagawing privilege speech na ngayon pa lang ay maghanda na. "So ang anomalya nila i-cover na nila this early dahil pag tumayo ako sa floor on a privilege speech, hindi nila alam anong tatama sa kanila," banta ng senador. "Now that they are starting again the vilification campaign using their minions including some military officers baka pagbwelta ko uli baka ala-Pidal din but in a bigger magnitude. Alam mo hindi tayo natutulog, parati tayo may info nakukuha. They are not necessarily clean," idinagdag ni Lacson. Noong 2003, ibinunyag ni Lacson ang "Jose Pidal" accounts kung saan pinaratangan ng senador na si First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang may-ari ng naturang multi-million bank account. Ngunit pinabulaanan ni G Arroyo na sa kanya ang bank account at sa halip ay inako ng kanyang kapatid na si Negros Occidental Rep. Ignacio Arroyo, na ito ay mag-ari ng bank account. Noong isang buwan, sumulat si Lacson sa Office of the Ombudsman matapos nitong malaman na isinasailalim siya sa "routine" lifestyle check. Napag-alaman umano ng senador na ang isinasagawang lifestyle check sa kanya ay gagamitin ng Intelligence Service of the Armed Forces sa pamumuno ni Brig. Gen. Romeo Prestoza laban sa kanya. Balak din umano ni Prestoza na kumbinsihin si dating police colonel Cesar Mancao II, dating tauhan ni Lacson sa pulisya, na bumalik sa bansa at tumestigo laban sa senador. "The last time I remember 2001 they hit me with a fishing expedition by (retired Brig. gen. Victor) Corpus. I found out everything came from FG pati pagturo ng bahay sa America ang so-called bank account na pinalabas ni Mawanay. So I hit back with the Pidal expose," ayon kay Lacson. - GMANews.TV