ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Longest pastillas ipapasok ng Bulacan sa 'Guinness'


MALOLOS CITY— Tatangkain ng Bulacan na makasama sa listahan ng Guinness World Record sa pamamagitan ng kanilang “pinakamahabang Pastilles" na kasabay ng pagdiriwang sa ika-430 taong anibersaryo sa pagkakatatag ng lalawigan nitong Biyernes. Inihayag ni Bulacan Governor Joselito "Jonjon" Mendoza na sinimulan na nila ang 28-days countdown sa “Longest Pastillas" na kanilang ilalahok sa ilalim ng amazing feats category sa ‘Guinness." Kumpyansa si Mendoza na makakamit nila ang kanilang misyon upang ipakita sa mundo ang ipinagmamalaking kakanin ng Bulacan. Bukod sa pastillas, kilala rin ang lalawigan sa kanilang produkto na ensaymada, minasa, longganisa at paputok. Target ng Bulacan na maitala sa Setyembre 12 ang 200 metrong haba ng pastillas na isang uri ng maliit na kakanin na gawa sa purong gatas ng kalabaw at asukal, at pinainitan sa apoy. Ang San Ildefonso at San Miguel ang mga bayan na kilalang gumagawa ng nasabing produkto sa Bulacan. Sinabi ni Mendoza na matagal ng plano ng lokal na pamahalaan na lumahok sa Guinness upang makilala sa mundo ang mga katangian ng Bulacan. – GMANews.TV