ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presyo ng tinapay, sardinas tataas din - report


MANILA - Asahan ang pagtaas sa presyo ng paboritong almusal ng mga Filipino sa Setyembre - ang tinapay at sardinas, ayon sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules. Ang pagtaas ng presyo ng tinapay ay isinisi ng Filipino-Chinese Bakers Association Inc. sa P60 dagdag sa presyo ng harina ngayong taon. Ayon sa ulat, mula sa dating P130 hanggang P135 presyo ng harina noong 2007, ngayon ay nagkakahalaga na ito ng P180 hanggang P185. “Wala kaming magagawa kundi i-carry over na lang ‘yan. Aabot ng mga five percent ang balak naming increase… will be on itong September first or second week," pahayag ni Henry Ah, president emeritus ng PCBAI. Dahil dito sa pagtaas ng presyo ng tinapay, ang halaga ng loaf bread ay tataas ng P1 hanggang P1.50. Samantalang mananatili naman sa P2 ang bawat piraso ng pandesal. Ngunit kung dating 35 grams ang bigat ng pandesal, babawasan ito ng limang gramo, ayon sa ulat. Samantala, inihayag ng Department of Trade and Industry na tataas ng 75 sentimos ang presyo ng sardinas dahil sa pagmahal ng isdang Tamban na ginagamit sa paggawa ng sardinas. Bukod sa pagtaas ng presyo ng isda, itinuro ring dahilan ng price hike ng sardinas ang pagtaas sa presyo ng langis. “Ito po ay dahil sa mahal na presyo ng krudo na ginagamit ng mga mangingisda," paliwanag ni DTI Usec Zenaida Maglaya. Binabalak naman ng Department of Energy na magkaloob ng fuel subsidy sa mga mangingisda upang mapigilan ang pagtaas ng presyo ng sardinas.