ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Halaga ng palay binabarat pa rin - solon


MANILA – Kinuwestyon ng isang kongresista na kaalyado ng administrasyon kung may programa ang Department of Agriculture at National Food Authority upang suportahan ang mga magsasaka sa kabila ng problemang nararanasan ng bansa sa suplay ng bigas. Sa panayam ng media, inilahad ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang mga reklamo ng mga magsasaka sa kanyang lalawigan kaugnay sa pambabarat sa presyo ng palay na inaani. Nagtataka si Barzaga kung bakit may malaking pondo ang gobyerno upang bumili ng bigas sa ibang bansa, habang napapabayaan naman ang ani ng mga magsasaka sa Pilipinas. Sinabi ng kongresista na batay sa ginawa niyang pakikipag-usap sa mga magsasaka, napag-alaman niya na ang palay na basa ay binibili ng P10 bawat kilo, samantalang P13 bawat kilo naman kapag tuyo. “Farmers in my district have informed me that the harvest season for palay has just began. The bad news is that the market price for palay is very low. Ten pesos per kilo for palay na hindi pa tuyo at doon naman sa dried, 13 pesos per kilo," paliwanag ni Barzaga. Ayon sa kongresista, ang ganitong kalagayan ng mga magsasaka ay hindi makatutulong upang malutas ang krisis sa kakulangan ng pagkain. “With these prevailing market prices, they would not be able to recover their cost of production. Does secretary (Arthur) Yap have any concrete plan to address this problem?" pag-usisa ni Barzaga. “The government should also seriously consider the idea of purchasing all locally produced palay at a premium to help the farmers instead of resorting to the old practice of purchasing rice from foreign and selling it at a loss to the public thru NFA (National Food Authority)," idinagdag ng mambabatas. Ang mababang presyo ng palay ang nagtutulak sa mga magsasaka na iwanan ang mga palayan, habang ang iba naman ang nagdedesisyon na ibenta ang kanilang sakahan sa mga real estate developer. - GMANews.TV
Tags: ricecrisis, palay