ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

POEA bumuo ng komite na susuri sa planong psych test sa DH


MANILA – Inaasahan na magkakaroon ng desisyon ang pamahalaan tungkol sa rekomendasyon na isailalim sa psychiatric o psychological tests ang mga Pinoy domestic workers na ipinapadala sa ibang bansa sa gagawing pagdinig ng isang komite sa susunod na linggo. Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Jennifer Manalili, isang komite ang bubuuin na kinabibilangan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DOH), para tatalakay ang usapin tungkol sa eksaminasyon ng mga DH. Sinabi ni Manalili na tatalakayin ng komite ang “feasibility and propriety" ng mungkahing psychological/psychiatric exams. Idinagdag niya na ang psychological/psychiatric exams na inirekomenda ng DFA ay suportado umano ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at mga placement agencies. Ayon sa DFA noon pang 2002 sila nakatatanggap ng mungkahi mula sa mga Philippine mission sa Middle East na isailalim sa psychological test ang mga ipinapadalang household service workers o DH. Sa naunang panayam kay DFA spokesperson Claro Cristobal, sinabi nito sa GMANews.TV na layunin ng mungkahing mandatory psychological test ay para protektahan ang mga aalis na OFWs. “The psychological test is aimed at checking whether or not the coping mechanism of Filipino workers is well," ayon sa opisyal. Binigyan-diin din ni Cristobal na maging ang embassy officials ay sumasailalim sa psychological test bago sila ipadala sa ibang bansa. “It is needed simply because it is very stressful to work overseas." Sinabi ni Manalili na inaasahan nila na magkakaroon ng pagtutol sa mungkahi mula sa ilang sektor ng migrante. “It would be an added cost to our workers so pinag-aaralan din namin ang cost aspect ng pag-iinsitute ngpsychiatric test," pahayag niya. Nilinaw naman ni Manalili na mayroon ng psychological test component sa basic pre-employment procedures at posibleng “palakasin" na lamang ito. Nakipag-ugnayan na umano ang POEA governing board sa mga pinuno ng National Center for Mental Health dahil ito ang ahensya ng pamahalaan na maaaring magsagawa ng pagsusuri sa mga aalis na OFWs. Ipinaliwanag ng DFA na tanging ang mga domestic helper lamang ang isasalang sa psychological test dahil ang uri ng trabaho nito ang 'pinaka-stressful."- GMANews.TV